KABANATA XXXIII - Returns

511 23 0
                                    

Present Day, 2022

Mirza's POV

Napabalikwas ako sa kama at hingal na hingal kakahabol sa sarili kong paghinga. Napahawak din ako sa tiyan ko dahil sumakit iyon sa biglaan kong pagbangon at nang ibaling ko ang tingin ko roon ay may malaking benda palang nakatapal. Napatingin ako sa pintuan dahil narinig kong may pumasok, "Sir Jefrey?" napakunot na noong tanong ko rito, sandali akong napahinto at muling inikot ang paningin sa paligid. Ngayon ko lang napagtanto na nasa ospital pala ako. 'N-Nakabalik na ako?' hanggang sa mapagtanto kong nakabalik na nga talaga ako. Hindi ko alam kung bakit imbis na matuwa ay lungkot ang namutawi sa akin.

"Gising ka na pala, mabuti pa ay huwag mo munang subuking magkikilos." bungad nito sa akin sabay lapag ng dalang basket ng prutas sa lamesa. "Ipinadala ito ni Sir." pagtutukoy niya sa prutas, tumango lang ako ng marahan bilang tugon.

Hindi ko malaman kung paano paniniwalaan ang mga pinagdaanan ko. 

Kung ako na itong hindi makapaniwala, paano pa ang iba?

Buong akala ko talaga ay katapusan ko na, malinaw na malinaw pa sa akin ang huling tagpo namin sa bundok dahil saktong sakto na paglingon ko sa gawi ni Don Aniceto ay nakatutok na ang baril sa akin. Katulad kung paano ako nagising doon ay gayundin ang tagpong inabutan ko ngayon.

Dalawang beses na akong muntik halos mamatay, noon ay hindi naman talaga ako takot mamatay ngunit ewan ko bakit sa mga pagkakataon katulad ngayon ay tila tinatalaban na ako ng takot. Ilang sandali lang ay bigla na lang bumagsak ang luhang namuo na pala sa mga mata ko. Hindi ko alam kung dahil ba 'to sa takot.. o lungkot. Hindi ko na alam. Nagtataka namang lumapit si Jefrey sa akin at iniabot ang isang siplock na may lamang mga gamit, "Andiyan ang cellphone mo at iba pang gamit, maiwan na muna kita at magrereport pa ako kay Sir" saad nito pagkaabot ng siplock sa akin, mabuti na lang ay hindi niya na ako tinanong kung bakit ako naluluha at tahimik lang siyang lumabas ng kuwarto.

Nanghihina man ay nagawa ko pa ring ibuhos ang laman ng siplock, doon ay nakita ko ang nag-iisang pamilyar kong gamit na naidala ko sa nakaraan. 'Ang relos ko' bulong ko sa sarili. Nang tignan ko 'yun ay gumagana naman pala kahit may basag, akala ko kasi noon ay sira na iyon kaya itinabi ko na lang sa bayong ng mga gamit ko.

Habang nakatitig doon ay sandali akong napatulala at pinakiramdaman ang sarili dahil muli nanamang nanikip ang dibdib ko kasabay ng pagkirot ng sugat ko sa tiyan. Halos mamilipit ako dahil sa sakit. Hindi ko alam kung ano ba talagang mas masakit, ang sugat ko bang kumikirot o ang dibdib na tong naninikip sa lumbay. Bakit imbis na gumaan ang paghinga ko gayong nakabalik na ako sa panahon kung saan talaga ako nagmula, bakit parang mas lalo lang nitong pinatindi ang lungkot na namumuo sa loob loob ko.

'Hindi ba dapat ay masaya ako?' tanong ko sa sarili na hindi ko rin naman magawa gawang sagutin. Siguro ay dahil hindi pa ako handang lisanin ang mga taong nakilala ko sa taong 1870, hindi manlang ako nakapagpaalam ng maayos sa kanila, ni hindi ko rin alam kung hanggang huli ay nakaligtas ba sila, ano nang kalagayan nila, napapatanong na lang tuloy ako kung na-protektahan ko ba talaga sila, kasi parang pakiramdam ko ay ako pa yata ang nagpagulo ng lahat. Para kasing ang daming nadamay.

Kinabukasan

Kasalukuyan na akong akay akay ng mga katrabaho ko patungo sa silid ko sa mansion ng mga Cerrada. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin nasusumpungan sila Sir Cerrada, tiyak kong abala pa rin ang ito sa kampanya. Napag-alaman ko rin base sa mga katrabaho ko na ilang araw pa lang ang lumipas simula ng isugot ako sa ospital gawa nang saluhin ko ang tama ng baril na para sana kay Mr. Cerrada. Ngunit ang karanasan ko sa taong 1870 ay ilang buwan din ang itinagal.

Napa-iling iling na lang ako at pansamantalang iwinaksi ang mga bagay na nagpapasakit ng ulo ko. Gusto ko na lamang magpahinga. Pero hindi pa rin ako makatulog at panay baling na lang ako sa kama ko kakahanap ng komportableng posisyon, mahirap pala talagang magpakabayani, ang sakit tuloy ng sugat ko sa tiyan.

PanimdimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon