Naalimpungatan si Mirza sa mainit na sinag ng araw na nagmumula sa bintana. Agad siyang napabalikwas ng maisip niyang baka tinanghali na siya ng gising dahil kadalasan ay hindi siya inaabutan ng pagsikat ng araw sa higaan. Mas lalo siyang nagulat sa paligid. 'Nasaan ako?!' tanong ni Mirza sa sarili sapagkat malaking palaisipan kung nasaan siya ngayon.
Para siyang nasa isang lumang painting sa mga museum. Puro gawa sa kahoy ang mga gamit, mayroon ding rocking chair sa gilid.
''Ikaw pala ay gising na, halika na muna at mag umagahan.'' sambit ng isang maputing ale na nasa edad apatnapu't lima o higit pa.
''Sino po kayo? Anong ginagawa ko rito?" magkasunod na tanong ni Mirza habang dahan dahang tumatayo sa higaan.
Inilibot niya pa ang paningin niya kung saan naghuhumiyaw talaga ang pagka-old school na tema ng nasabing bahay. Kapansin pansin din na luma na ang mga gamit, madilaw pa ang salamin animo'y matagal ng hindi pinapalitan, kupas din ang kulay ng mga punda at bedsheet.
''Pakiwari ko ay hindi mo na naaalala ang nangyari sa iyo." sabi ng ale habang inaayos ang lamesa na katapat ng kamang hinigaan ng dalaga. "Maupo ka muna at aking isasalaysay sa iyo kung paano kita natagpuan.''
Kahit nalilito si Mirza sa mga sinasabi ng ale ay minabuti nya pa ring maupo bilang paggalang, bukod sa gusto niyang malaman ang ikukwento nito, hindi nya na rin mapigilan ang gutom niya.
"Nasa pamilihan ako kahapon, malapit na magtakipsilim nang matanaw kita sa pinakadulong parte ng pamilihan, nakahandusay ka sa damuhan malapit roon sa impukan ng mga basura at sirang gulay." paliwanag ng ale habang nagsasandok ng kanin sa platong hawak nya sabay lapag sa harap ni Mirza.
Inamoy tuloy ni Mirza ang kaniyang sarili sa pagtatakang sa basurahan siya natagpuan ng ale. Kanina pa rin niya napapansin na masyadong pormal makipag-usap ang ale.
"Pilit kitang ginigising ngunit tila ba ikaw ay natutulog ng napakahimbing. Minabuti ko na magpatulong na maisakay ka sa kalesa patungo rito sa aking munting tahanan." dagdag pa nito.
'ako? nakahandusay?' nagtatakang tanong ni Mirza sa sarili, bahagya pa rin siyang nahihilo at hindi niya pa rin maintindihan kung anong nangyari bakit siya natagpuang nakahandusay.
"Taga saan ka nga pala, Hija? Ikaw ba'y malapit lang ang tinutuluyan dito?'' natauhan si Mirza ng tanungin siya ng ale.
"Sa totoo lang po, hindi ko rin alam kung nasaan ako kaya hindi ko po masabi kung malapit lang dito ang tinutuluyan ko, nasaan po ba tayo?" tanong ng dalaga.
"Maynila, Hija." tugon muli ng ale.
Sandaling nag-isip si Mirza hanggang sa maalala niya na. Nasa kampanya sila, napalaban siya sa mga nanggugulo at pagkatapos...
'WTF?!?!' sigaw ni Mirza sa isipan dahilan para mapatayo siya sa upuan. Maging ang ale ay nagulat sa kaniya.
Nakita niyang muli yung lalaking namaril sa kanila noong nakaraan, naalala niyang hinarangan niya sina Mr. Cerrada at anak nito kahapon. Agad niyang kinapa-kapa ang tiyan niya at tagiliran, 'wala akong sugat? Paano nangyari 'yon?' halos hindi makapaniwalang tanong ni Mirza sa sarili, tandang tanda niya na talagang sinapo niya ang bala.
"Nasaan po pala ang mga kasamahan ko?" tanong ni Mirza sa pag-aakalang baka nasa labas lamang at iniintay siya ng mga itong magising.
BINABASA MO ANG
Panimdim
Fiksi SejarahSi Mirza ay guardia ng isang politiko sa taong 2022 na mapupunta sa taong 1870. Nagkataong maililigtas niya ang buhay ng Gobernadorcillo sa panahong iyon at bilang gantimpala, hihilingin niyang maging guardia nito. Mamamangha ang lahat sa angkin niy...