Mirza's Pov
Hindi ako makagalaw ngayon sa kinatatayuan ko. Hindi ko rin maipaliwanag ang nararamdaman ko ngayon. Kahit papaano ay naging malapit na sa loob ko si Mang Lumeng, dahil na rin sa halos siya ang kasama namin araw araw. Kahit anong piga ko sa isip ko ay hindi ko mawari kung sinong posibleng gumawa nito sa kaniya. Sinong walang puso ang gagawa nito sa kaawa awang matanda?
Kahit nasasagi sagi na ako ng mga tao ay hindi ko magawang maihakbang ang mga paa ko paalis, kahit na maging si Isaac ay pilit akong hinihila paalis doon.
"Parang awa mo na, binibini. Halika na." pakiusap nyang muli sa akin, sa pagkakataong iyon ay hinayaan ko na rin siyang hilahin ako paalis sa pinangyarihan ng krimen.
Hanggang huminto kami sa tapat ng kalesa niya, dahilan para mas lalo kong maalala si Mang Lumeng. Pilit kong pinigilan ang mga luhang nagbabadya sa mga mata ko.
Naaawa ako sa matanda, hindi ko man siya lubos na kilala ay naging malapit na rin siya sa akin. Kaya kung sino man ang gumawa sa kaniya nito, hinding hindi ko siya mapapatawad.
Wala sa sariling sumakay na lang din ako ng kalesa, hindi na rin ako pinilit ni Isaac na kausapin pa hanggang sa makarating kami sa bahay.
Pagkababa ko ay tanging tango na lang ang nagawa ko upang magpasalamat kay Isaac sa paghatid sa akin. Nginitian niya lamang ako kahit na basang basa ko sa mata niya ang pag-aalala at hinintay na makapasok ako sa loob. Agad naman akong sinalubong ni Felicia at nagtaka sa itsura ko.
"May nangyari ba, ate?" sabay tingin niya sa kalesa ni Isaac na paalis na, umiling lang ako.
"Madalas ko na napapansin na nagkakaganiyan ka, ate. Dahil ba kay Ginoong Isaac?" tanong niya ng may pag-aalala.
"Hindi. Hindi, Felicia. Ngunit kung maaari ay gusto ko muna sanang mapag-isa." pakiusap ko sa kaniya, malumanay na tumango naman siya at bahagya akong nginitian. Alam ko nag-aalala siya ngunit hindi ako makakapagkuwento ngayon sa estado ko.
Hindi ko pa rin matanggap na ganoon lang kabilis mabawi ang buhay ng isang tao.
Hindi na 'to maaaring maulit.
Hindi ko puwedeng hayaan ang mga tao sa paligid ko na mapahamak pa.
Napaupo na lang ako sa sahig ng kuwarto ko, naiisip ko pa lang na may mapahamak pa na malapit sa akin ay naninikip na ang dibdib ko.
Nabigla ako ng may kaluskos na nanggaling sa bintana ko, agad kong kinuha ang baril sa tagiliran ko at itinutok sa bintana, "Sino 'yan?" tanong ko, walang sumagot kaya gumilid ako pakanan at malakas na hinitak ang bintana ko.
Mula roon ay tumalon si Franco papasok at parehas kaming nagulat sa isa't-isa.
"G1, bitawan mo nga 'yan!" sigaw niya, nabigla rin ako kaya ibinalik ko na ang baril ko sa tagiliran.
"Bakit kasi hindi ka sumasagot?" may halong inis na tanong ko sa kaniya. Muntik pa kong makapatay, hays. Tinalikuran ko na lang siya at bumalik sa puwesto ko kanina at naupo sa sahig. Lumapit naman siya nang may pagtataka.
"May problema ka ba?" napakunot naman ang noo ko.
"Hindi mo pa ba alam ang sinapit ni Mang Lumeng?" tanong ko, imposibleng hindi dahil halos si Mang Lumeng yata ang parati niyang kasama. Mas lalo siyang nagtaka.
"Bakit, anong mayroon kay Mang Lumeng?" natahimik ako, marahil hindi pa nga niya alam sapagkat kanina lamang iyon nangyari.
Napatitig lang ako sa kaniya.
Kung para sa akin ay masakit na ang nangyari, paano pa sa kaniya na halos lumaki nang kasama ang kutsero. Sa pagkakataong iyon ay hindi ko na napigilang mapaluha. "S-Sandali, bakit? h-huwag ka naman umiyak ng ganiyan." hinawakan niya ako sa magkabilang braso at pilit akong hinaharap.
BINABASA MO ANG
Panimdim
Historical FictionSi Mirza ay guardia ng isang politiko sa taong 2022 na mapupunta sa taong 1870. Nagkataong maililigtas niya ang buhay ng Gobernadorcillo sa panahong iyon at bilang gantimpala, hihilingin niyang maging guardia nito. Mamamangha ang lahat sa angkin niy...