Chapter 7

272 82 35
                                    

Lunes na ngayon at hindi na kami nakapag-usap ni Casseydey sa chat magmula noong nakaraang linggo. Hindi ko siya tinanong tungkol sa nakita ko dahil nahihiya ako sa kanya.

Kasalanan ito ni Camilo! Siya ang nagtulak sa akin na pumunta roon kaya sumunod ako sa kanya.

Camilo Baltazar
Add friend

Nagdadalawang isip ako kung pipindutin ko ba iyon. Noon kasing nag-friend request siya sa akin, dinelete ko iyon dahil hindi ko naman siya kilala pa noon.

Nagpakawala ako ng buntong hininga bago dahan-dahang i-add ang lalaki.

Camilo Baltazar
Cancel Request

“Anak, ikaw na muna ang maghatid sa kapatid mo. Tumulak pa-Olongapo ang Tita Lynda mo, hindi na siya naisama pa’t importanteng lakad daw.”

Ibinaba ko ang cellphone sa lamesa’t bumaling ng tingin kay Eldon, ang nag-iisa kong kapatid. Bagong ligo na siya’t malinis na ang itsura. Nakasuot na siya ng uniform niya. Ang buhok niya ay nakaayos na. Ang mga kilay naman niya ay makapal, katulad ng kay Papa. Ang mga mata niya, blangkong nakatingin sa akin. Nang bumaba ang tingin ko sa ilong niya, naalala ko si Mama, at nang umawang naman nang kaunti ang mga labi niya ay naikumpara ko ito sa mga labi ni Papa.

“Papasok na po ba kayo, Pa?” Tanong ko.

Tumango naman siya. “Ang baon ni Eldon, ilagay mo na lang sa bag n’ya. Ako ang susundo sa kanya mamayang hapon kaya huwag mo na siyang daanan.”

Kinuha niya ang baon niya para sa pananghalian bago lisanin ang bahay namin.

“Hintayin mo si ate, ha? Maliligo lang ako.” Sabi ko sa kapatid ko at tumango naman siya.

Inasikaso ko na rin ang sarili, at pagkatapos magsuklay ay lumabas ako galing sa kwarto. Ngunit napahinto ako nang makita ko ang kapatid ko na nakapahinga ang ulo sa dalawa niyang mga braso sa ibabaw ng lamesa. Nakatulog siya.

Dahan-dahan akong naglakad palapit sa kanya. Nang marating ang puwesto niya, saglit ko siyang tinitigan habang nakaupo sa tabi niya.

“Ang bilis mong lumaki.” Mahinang sabi ko habang hinahaplos ang buhok niya.

Dumilat naman ang mapungay pa niyang mga mata at umangat ng tingin sa akin.

“Pasok na tayo.” Ngumiti ako matapos iyon sabihin sa kanya.

Magkahawak kami ng kamay hanggang sa makalabas na kami ng bahay. Medyo mabato kasi rito sa amin kaya inalalayan ko siy at miski nga ang mga tricycle, nahihirapan na dumaan.

Nang marating ang sakayan, pinauna kong pumasok si Eldon sa tricycle.

“Pakihinto po sa Elementary, pagkatapos ay diretso po sa High School.”

Tumango si Manong nang sabihin ko iyon at umandar na ang sinasakyan namin.

Ilang minuto lang ang lumipas, narating namin ang school ng kapatid ko. Huminto ang tricycle at bumaba ako para ihatid siya hanggang sa loob dahil baka maglaro pa siya rito sa labas.

“Susunduin ka raw ni Papa. Huwag kang masyadong magtatakbo at baka mapilayan ka ulit.” Paaalala ko sa kanya.

“Hindi po ba ako uuwi kay Tita?” Naguguluhan na tanong niya.

Umiling ako. “Doon ka muna sa bahay matutulog mamaya. Ako ang magluluto ng ulam kaya ’wag kang mag-alala.” Kinindatan ko siya at bahagya siyang napangiti.

Ayaw kasi niya ang Adobo ni Papa. Paano ba naman, kung hindi sobrang maalat ay matabang naman.

Bumalik ako ng tricycle nang makapagpaalam ako sa kanya.

Adami's Cigarette (Point of View Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon