Chapter 23

79 16 2
                                    

Magmula noong mabasa ko ang sinabi sa akin ni Natasha sa text message, dinalaw ako ng matinding kaba. Hindi ko alam, pero kahit na wala siyang ebidensyang ipinakita sa akin, pakiramdam ko’y nagsasabi siya ng totoo.

Napaisip ako nang husto. Bakit naman ililihim sa akin ni Casseydey ang bagay na iyon? Paano kung totoo nga? Ang dami-dami kong tanong sa isip ko. Hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Para bang nagiging palaisipan lahat ng nalaman ko, at hindi ko batid kung paano ko bubuuin.

Nasa ganoon akong pag-iisip nang marinig ko ang boses ni Casseydey.

“Lyn, baka may ipapabili ka? Bababa kasi ako.”

Hindi ko napigilan ang sarili kong magtaka. Bakit siya bababa? Ano’ng gagawin niya sa baba?

Tumingin ako sa kanya, tinatantiya ang mga kilos niya. “Ano’ng gagawin mo sa baba?”

Nakita kong napakagat siya sa ibabang labi niya bago sumagot. “May kakausapin lang ako. Importante.”

May kakausapin? Importante? Hindi kaya si Pavlo ang tinutukoy niya?

“S-Sino naman? At saka bakit parang namumutla ka?” Pagsisinungaling ko.

“Ha?” Agad niyang kinuha ang maliit na salamin na nakalapag sa armrest niya. Pinanood ko siya nang tingnan niya ang sariling repleksyon doon.

“Hindi naman, ah? Natural lang.” Matapos niyang sabihin iyon, tumapat ang mga mata niya sa akin. “Nakainom ka ba?”

Kumunot ang noo ko. “Pinagsasabi mo?”

“Eh, bakit parang lasing ka? Actually kanina ka pa weird, ha. Ang tahimik mo. Hindi ako sanay na ganyan ka. Tapos ngayon kung ano-ano naman ang mga sinasabi mo.”

Bumuntong-hininga ako, at hindi na lang pinansin ang pananalita niya. “May iniisip lang ako.” Sabi ko, sinusubukang iwasan ang tanong niya. Binigyan naman niya ako ng naguguluhang tingin dahil doon.

“May itinatago ka ba sa akin, Casseydey?” Diretsong tanong ko.

“A-Ano ang ibig mong sabihin?” Biglang nanginig ang boses niya.

“Pakiramdam ko kasi, may hindi ka sinasabi.”

“Ano naman ang itatago ko sa ’yo?” Umiwas siya ng tingin, at doon, mas nanaig ang kanina ko pa nararamdaman.

“Hindi ko alam. Sa totoo lang, magkaibigan tayo pero hindi ibig sabihin no’n ay may karapatan na akong magtanong sa ’yo palagi, lalo na kung tungkol sa mga personal na bagay. Pero huwag mo sanang mamasamain, Casseydey.” Makailang beses akong napalunok. “Pakiramdam ko talaga, may itinatago ka.”

Nanumbalik sa akin ang usapan naming dalawa ni Nastasha noong mga nakaraan.

“You told me there is something important you want to ask.”

“Ah… oo. T-Tungkol sa kaibigan ko. Matagal na ba silang magkakilala ng boyfriend mo?”

“Hindi ko alam.”

“A-Ang akala ko kasi—"

“Why don’t you ask her?”

“Magiging bias ako kung una kong maririnig ang sasabihin n’ya… kaya ikaw muna sana ang nilapitan ko.”

“I really appreciate you, but I think that’s enough.”

She faked a laugh. “Ewan ko sa ’yo, sis. Bababa na ako.”

Hindi ko na siya nagawang pigilan pa, at sa halip na sumunod sa kanya, mas minabuti ko na lamang na manatili sa loob ng room namin.

Saglit akong napatulala sa kawalan nang biglang umilaw ang screen ng cellphone ko.

Adami's Cigarette (Point of View Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon