Nagkuwento si Camilo tungkol sa buhay niya. Batid kong iniingatan niya ang ilan sa mga nabanggit niya kung kaya’t maging siya ay nagulat nang madulas siya. Gayunpaman, masaya ako dahil nagawa niyang ipagkatiwala sa akin ang mga iyon.
Pareho kaming narito ngayon sa loob ng isang convenience store na nakatayo sa bungad ng Ibabao pagkaakyat. Maraming convenience store sa lugar na ito ngunit dito namin napiling pumunta dahil ito ang pinakamalapit.
“Ikaw naman ang magkuwento.” Aniya habang ngumunguya.
Pinunasan ko ang aking bibig bago magsalita. “Nakapagkuwento na ako sa iyo noong nakaraan, iyon lang ang mga naaalala ko pa.”
“Mayroon pa ’yan, subukan mong balikan sa isip mo. Imposible namang iyon lang ang mga nangyari sa buong buhay mo.”
“Ayaw ko nang mag-isip.” Matapos kong sabihin iyon ay kumagat ako sa sandwich na binili niya para sa akin.
“Alam ko namang mayroon ka pang gustong ibahagi sa akin pero nahihiya ka lang. Magkuwento ka, makikinig naman ako at hindi ko ipagsasabi.”
Ang kulit, sinabi ko na ngang ayaw ko.
“Bahala ka riyan.” Sabi ko na lang upang tumigil na siya.
Nakita ko namang yumuko siya. Sinimulan na niyang kainin muli ang pagkain sa harapan niya kung kaya’t hindi na lamang ako kumibo.
“Hindi mo ako tinanong kung bakit mabilis akong nakarating sa lugar n’yo.”
Umangat ako ng tingin. Oo nga ano?!
Natawa siya nang mahina. “Nasa unang kanto ako kanina. Tumakbo ako patungo sa kinatatayuan ng bahay n’yo.”
Lumaglag ang panga ko sa sinabi niya.
“Bakit mo ginawa iyon?”
Nagkibit-balikat siya. “Wala lang.”
“Siraulo ka! Kaya pala parang hingal na hingal ka noong nasa harapan ka na ng bahay namin.”
“Ang bilis ko, ’no?” Mayabang na aniya. “Mas mabilis pa ako sa inaakala mo, ’tol.”
“Galing naman. Nakakatuwa nga ’yon, pare.” Nagkunwari akong natawa.
Napakurap naman siya nang dalawang beses. “Bakit biglang nag-iba ang tono mo?”
Matapos mo akong tawaging ’tol ay tatanungin mo ako kung bakit? My god, Adami! You’re getting on my nerves.
“May nasabi ba akong mali?”
Sinamaan ko siya ng tingin. “Wala, pare. Trip ko lang na magkaganito, paki mo ba?”
“Ano ang problema?”
“Wala, ’tol.”
“Sabihin mo sa akin.”
“Wala nga.”
“Ah, okay.” Napakamot siya sa likuran ng ulo niya. “Walang... problema.”
Pagkatapos naming kumain ay napagpasiyahan kong ayain siyang lumabas. Sinabi ko na maglalakad-lakad lang kami saglit pero ang totoo ay gusto kong matagalan kami.
Habang nasa gilid ko siya ay hindi ko maiwasang isipin ang susunod pang mga araw na kasama ko ulit siya. Simula ngayon ay hahanap-hanapin ko na talaga ang presensiya niya kung magkakalayo man kaming dalawa.
Lumingon ako sa kanya at nakita kong diretso ang tingin niya sa malayo. Nakapamulsa siya at tuwid na tuwid ang katawan.
“Kung magkasama pa rin tayo hanggang alas dose ay baka makulangan ka sa pahinga.”
BINABASA MO ANG
Adami's Cigarette (Point of View Series #1)
RomancePOINT OF VIEW SERIES #1: "Magugustuhan mo ba kung naninigarilyo, masakit magsalita at laging sangkot sa gulo?" Kapag naririnig ni Lyndsey Kaye Cañavenar ang ganyang klase ng tanong ay kaagad siyang umiiling. Bakit nga naman niya magugustuhan ang isa...