Louisa's POV
"Enjoy your meal!" magiliw kong wika sa customer nang mailagay ko sa lamesa ang order niyang fried chicken with spaghetti at pineapple juice.
Naglakad na ako pabalik sa counter at inilapag ang tray sa harap ni Karina, kaibigan ko na tulad ko ay nagtatrabaho rin dito sa fast food chain. Sa cashier siya nakabantay habang ako naman ay waitress.
Limang taon na din akong nagtatrabaho rito, dito na ako tinubuan ng uban at dito na rin ako nakatagpo ng lahat ng uri ng taong maiisip mo. Hindi man kalakihan ang sahod, eh, masaya rin naman lalo na at nakakilala ako ng mga kaibigan.
"Anong oras na ba?" tanong ni Karina sa akin.
Tumingin naman ako sa pambisig kong relo. Napakunot ang noo ko nang mapansing naka-freeze na naman ang mga kamay nito.
Tinuktok ko ito gamit ang daliri. Mayamaya ay umandar na ulit. Pambihira, kaya pala kahit madilim na ay alas-dos pa rin ang nakikita ko.
"Bakit ba kasi hindi mo pa 'yan palitan? Mas matanda pa yata sa'yo 'yang relo na 'yan," wika ni Karina at binuksan ang phone para roon na tingnan ang oras.
Nagpakawala ako ng buntong-hininga.
"Wala pa sa budget, eh. Siguro sa katapusan ng taon na ito makakabili na ako."
"Kaloka ka! 'Yan din ang sinabi mo last year. Katapusan yata ng mundo ang tinutukoy mo. Baka ipamana mo pa 'yan kay Levi," turan n'ya bago ibalik ang phone sa bulsa.
Sentimental ang relo na ito sa akin dahil ito ang unang alahas na naipundar ko simula nang magtrabaho ako. At saka ayon nga, wala pa rin kasi akong pambili ng bago kahit gustuhin ko mang bumili dahil wala naman akong manok na umiitlog ng ginto.
Tinambol ko ang mga daliri sa counter habang nakapamewang. Mannerism ko ito kapag wala akong magawa o kaya kapag natutulala.
"Basta kapag nakaluwag na 'ko," tugon ko.
"Okay, sabi mo, eh. Tara na, tapos na shift natin," pag-iiba ni Karina ng usapan at saka na nga kami pumunta sa locker area at nagpalit ng damit.
Bago kami umuwi ay nagpasama muna ako sa palengke para bumili ng regalo kay Levi, nakababata kong kapatid. Sa totoo n'yan ay noong nakaraang linggo pa ang birthday n'ya, kaso hindi ko agad siya nabilhan ng regalo dahil bumili ako ng kahit kaunting panghanda para sa kan'ya.
Ang daming tao sa palengke, literal na hindi mahulugang karayom. Nakipagsiksikan pa ako sa mga bumibili para lang sa singkwenta pesos na laruan.
Pagkatapos makipagpalitan ng mukha sa mga mamimili ay nilakad namin ni Karina ang sakayan ng dyip at kagaya ng inaasahan ay marami rin ang pasahero. Mabuti na lang at batak na batak kami sa tulakan at siksikan.
"Oh, kasya pa tatlo!" sigaw ng barker sa may pinto.
Letche naman, oh! Eh halos kalahati na nga lang ng pwet ko ang nakaupo talagang hihirit pa ng tatlo. Kung p'wede lang siguro na magkadungan kami ay pinagawa na ng lalaki.
Nang mapuno ang dyip ay nakahinga ako nang maluwag dahil umandar na rin sa wakas. Sa buong byahe ay unti-unting bumaba ang mga pasahero at lumuwag na rin. Nang mapansin kong medyo malapit na kami sa compound kung saan ako bababa ay kinuha ko na ang wallet ko.
Ngunit bumagsak ang balikat ko nang malamang fifty pesos na lang ang laman nito. Bibili pa ako ng lutong ulam na twenty-five pesos sa karinderya, trenta pesos ang pamasahe ko.
Sinarado ko na lang ang wallet ko at saka ko siniko si Karina.
"Pautang muna ako ng pamasahe," bulong ko sa kan'ya.
BINABASA MO ANG
Bitter Than The 2nd Time Around (#1 Taste Of Love)
RomanceTHIS STORY IS UNDER REVISION Si Louisa ay masikap at mapagmahal na ate sa kapatid niya. Simula nang maulila sila sa magulang ay siya na ang tumayong nanay at tatay ng nakababatang kapatid. Ngunit sa kakapusan sa pera, hindi siya nakakapagbayad ng re...