Chapter 8: Tulong

42 9 1
                                    

Louisa’s POV

“Tulong! Tulungan n’yo kami!” sigaw ko pagpasok ng ospital habang karga-karga ko sa mga braso si Levi.

Hindi ko na alintana ang panginginig ng mga braso ko dahil sa bigat ng kapatid ko dahil ang kalagayan na lang niya ang tanging laman ng utak ko.

“Miss, ano pong nangyari?” tanong ng isang nurse na lumapit sa akin na may tulak na wheelchair.

“Sobrang taas po ng lagnat niya. H-Hindi ko alam kung anong nangyayari sa kan’ya. Parang-awa n’yo na tulungan n’yo ang kapatid ko.”

Marahan kong ibinaba si Levi sa wheelchair at itinulak naman iyon ng nurse. Para kaming nasa marathon na tinatakbo ang hallway. Pinagtitinginan na kami ng mga tao sa paligid, hindi ko alam kung dahil sa kapatid ko o dahil nakayapak akong tumatakbo.

Nang makarating kami sa mga higaan na nahahati lang ng kurtina ay agad na tinulungan ng ibang nurse ang babaeng nag-assist sa akin kanina para ilipat si Levi sa bakanteng higaan.

“Tawagin n’yo si Doc. Nag-aapoy sa lagnat ang pasyente!” wika ng nurse na babae sa lalaki.

Hindi rin nagtagal ay dumating ang isang lalaking doktor at tiningnan ang kalagayan ng kapatid ko. Binuka nito ang mata ni Levi at chineck ang temperatura gamit ang thermometer.

“Ano pong sakit ng kapatid ko? Bakit po sobrang init niya?” tanong ko sa doktor.

“Madalas bang naglalaro sa labas ang kapatid n’yo?”

Nangunot ang noo ko sa tanong ng doktor. Talagang naging interesado pa siya sa mga nilalaro ng kapatid ko gayong nasa panganib ang buhay ni Levi. Baka pati kalaro ni Levi ay itanong pa ni Doc.

“Opo, wala naman po siyang ibang pinupuntahan maliban sa kapitbahay namin at saka sa eskwelahan. Ni hindi ko po ‘yan padapuan sa lamok dahil alagang-alaga ko ang bata na ‘yan,” turan ko.

“Well, I’m sorry to say pero hindi lahat ng lamok ay naitaboy ninyo. May dengue po ang kapatid n’yo, Miss.”

Natulala ako sa kawalan matapos marinig ang sinabi ng doktor. Hindi pa ba sapat lahat ng katol at mosquito repellant na mga ginagamit ko? Dapat noon pa lang sinunod ko na ang payo ni Hazel na bumili ako ng kulambo edi sana hindi nangyayari ‘to.

“Mananatili ang pasyente rito ng ilang araw para maobserbahan namin ang kalagayan niya.” Nilagyan ng swero ng doktor ang kapatid ko at saka tinurukan ng gamot sa kaliwang braso.

Nang mag-alisan ang mga nurse at ang doktor ay lumapit ako kay Levi at naupo sa kama. Hinaplos ko ang buhok niya habang isa-isa nang tumutulo ang mga luha ko.

“Kaya mo ‘yan, Levi. Nandito lang si Ate,” bulong ko bago halikan ang noo niya.

Sa sobrang init niya, pakiramdam ko ay humalik ako sa kakahango lang na takuri. Tinawagan ko si Hazel para ipaalam ang nangyari at kagaya ko, nag-aalala rin siya pero sinabi ko na nagpapahinga na si Levi. Pinapupunta ko siya para samahan ako kahit isang gabi.

Hindi ko namalayang nakatulog na ako habang nakaupo sa monoblock na katabi ng hospital bed. Nagising ako sa mahinang tapik sa pisngi at nang pagmulat ko ng mata ay nagulat ako dahil mukha ni Zayn ang bumungad sa akin.

“Z-Zayn, anong ginagawa mo rito?” nagtatakang tanong ko at pinunas ang laway na tumulo mula sa bibig ko.

“Nalaman ko kay Hazel ang nangyari kay Levi. Hindi raw siya paalisin ng boss niya sa bar kaya nakiusap siyang samahan muna kita,” saad naman niya.

“Ay, close kayo?”

“Dati… at saka hindi na ‘yon mahalaga. Pasalamat ka nga at sasamahan kita, nagmamalasakit na nga ako tapos susungitan mo na naman ako.” Umiling pa ang damuhong.

Napunta ang atensyon ko sa mga nurse na biglang dumating habang may dalang stretcher. Nilipat nila roon si Levi kaya napatayo ako.

“Teka, saan n’yo siya dadalhin?” tanong ko sa isang nurse.

“Hey, relax ka lang. Pinapalipat ko si Levi sa private room para hindi kayo nakikipagsiksikan dito. Mas komportable roon at saka may aircon.” Si Zayn ang sumagot.

Hindi na ako umangal pa nang sinabi niyang may aircon. Kanina pa ako naglalapot dito dahil sa sobrang init. Ospital ba ‘to o trial sa impyerno?

Sumunod kami sa mga nurse at dinala nila kami sa isang private room. Maluwag nga roon, may sofa sa kaliwang bahagi tapos nasa kanan ang kama. Sa tabi ng sofa ay mayroong aparador. May pinto sa may dulo na sa tingin ko ay CR.

“Salamat,” wika ni Zayn sa mga nurse bago sila lumabas.

Naupo ako sa sofa. “Hindi ba masyadong mahal ‘to? Wala akong pambayad dito sa kwarto.”

Sumunod naman si Zayn sa akin at tinabihan ako.

“No need to worry, ako na ang magbabayad. Nagpauna na ako kanina sa cashier, sasagutin ko na lahat ng gastos habang nandito kayo ni Levi.”

“Ha? Naku, hindi. Tama na, Zayn. Masyado na akong maraming utang sa’yo.”

“Pero hindi naman kita sisingilin, eh.”

“Kahit na–”

“Luis.” Hinawakan niya ang kamay ko para patahimikin ako. “Alam kong hindi tayo okay, pero p’wede bang ipagpaliban muna natin ‘yong alitan natin? Kahit para sa kapatid mo na lang. Now if you’re thinking that I am doing this for you then I’m not. Ginagawa ko ‘to kasi ayaw kong mapahamak si Levi.”

Habang nakatingin ako sa mga mata niya, nakikita ko ang mga masasakit na nangyari sa akin nang dahil sa kan’ya pero sa pagkakataong ito, kailangan kong tanggapin na tama siya. Hindi ito tungkol sa aming dalawa kundi tungkol ito kay Levi.

“Alam kong mahirap ‘to para sa’yo pero nandito ako, tutulungan kita. Magiging maayos din ang kapatid mo. Hindi ko siya pababayaan,” dagdag pa ni Zayn at ngumiti ng tipid.

Tumango ako at nalipat ang tingin ko sa kapatid ko na payapa nang natutulog. Ibinalik ko ang tingin kay Zayn na hindi inaalis ang tingin sa akin. Unti-unti kong nilapit ang mukha ko sa kan’ya. Kusa namang gumalaw ang ulo niya at dahan-dahan ding inilapit ito sa akin.

Bago pa man maging one inch ang pagitan ng mukha namin ay inangat ko ang kaliwang kamay ko at sinampal ko ang kanan niyang pisngi.

“What the heck?!” singhal niya at napahawak sa parteng tinamaan ng palad ko.

“May lamok ka sa mukha. Pasalamat ka nahuli ko kundi baka bukas naka-confine ka na rin dito,” saad ko at ipinakita sa kan’ya ang na-murder kong lamok sa palad.

Bitter Than The 2nd Time Around (#1 Taste Of Love)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon