Louisa's POV
"Kain na tayo." Nilapag ni Katkat ang tray ng pagkain sa lamesa namin. Kakagaling n'ya lang sa counter, umorder ng pagkain dito sa fastfood restaurant na malapit sa CardiScent.
Nilabas ko na sa plastic ang baunan ko at saka binuksan ang takip. Bumungad sa amin ang dalawang piraso ng pritong galunggong.
Pinapanood lang naman ako ni Katkat habang nilalagay ko ang isda sa takip ng tupperware.
"Gutom na gutom na 'ko," wika ko at nang mag-angat ang tingin ko sa kan'ya, nakatingin pala s'ya sa akin.
"Hindi ka ba o-order ng food?" tanong n'ya.
Umiling naman ako. "Hindi na, busog na ko rito."
Tinitipid ko na kasi ang natitirang pera ko sa pitaka, 'yong huling sahod ko sa fastfood na sampung libo. Kaysa naman bumili pa ay mas makakatipid kapag nagbaon ako. Gano'n din naman ang lasa.
Tumango si Katkat at nagsimula nang tirahin ang malaking hita ng manok.
Tahimik lang kaming kumakain, pakiramdam ko nga ay parang wala akong kasama. Ito ang napansin ko kay Katkat, madalas ay tahimik lang siya. Sasagot lang kapag tinanong o kinausap mo.
Naka-ponytail ang kulay brown n'yang buhok at maayos naman ang kan'yang bangs na talagang bumagay sa hugis ng mukha n'ya. May maliit din s'yang nunal sa ilalim ng kanang mata.
"Kat, gusto mo?" alok ko sa isang piraso ng isda.
Napatingin siya roon bago dumapo ang mga mata n'ya sa akin.
"I-Inaalok mo 'ko?" Tila hindi pa s'ya makapaniwala.
O baka naman hindi siya kumakain ng galunggong. Bigla tuloy akong nahiya.
"Ah. . . hindi, sige okay lang kung ayaw mo."
"Gusto ko." Tinusok n'ya ang isang piraso at saka nilagay sa pinggan n'ya.
Ngumiti ako sa kan'ya. Mayamaya ay nakita kong hinati n'ya ang manok na nasa plato n'ya at saka n'ya nilagay ang kalahati sa tabi ng ulam ko.
"Hala, Katkat! 'Wag na, nakakahiya—"
"Okay lang. Trade tayo ng ulam. Hindi naman p'wedeng ako lang," putol n'ya sa pagtutol ko.
Sa puntong iyon ay tila naging magaan bigla ang loob ko sa kan'ya. Hindi katulad ng ibang model, masasabi kong iba siya sa kanila. Simple lang siya, mabait, at saka hindi man palaimik ay palakaibigan naman.
"Bakit pala ang tahimik mo madalas?" Nagsimula na rin akong kumain.
"Wala namang kumakausap sa 'kin," tugon n'ya at saka uminom ng soft drink na nasa baso.
"Eh? Hindi ba kayo close ng ibang models?"
Umiling s'ya.
"Wala akong kaibigan sa set." Ngumiti siya nang tipid at alam kong pilit lang 'yon. "Ayaw nila sa 'kin kasi hindi naman ako tulad nila. Mahilig sila sa mga gimik, bar, party, at shopping. I mean. . . madalas kasi kapag nagkakayayaan sila ay hindi nila 'ko sinasama, at okay lang naman sa akin."
Ramdam ko ang lungkot sa boses n'ya.
"Si Chin ba? Hindi ba kayo close?" tanong ko.
Umiling siya ulit.
"Magkatrabaho na kami for three years yata, pero hindi kami close. Well, wala naman siyang ka-close sa set dahil sa ugali n'ya." Nagkibit-balikat na lang siya at saka muling kumain.
"Simula nang matanggal si Winter sa team, parang mas lalo kong naramdaman na hindi ako belong sa grupong kasama ko araw-araw. S'ya lang kasi ang kaibigan ko," dagdag pa n'ya.
BINABASA MO ANG
Bitter Than The 2nd Time Around (#1 Taste Of Love)
RomanceTHIS STORY IS UNDER REVISION Si Louisa ay masikap at mapagmahal na ate sa kapatid niya. Simula nang maulila sila sa magulang ay siya na ang tumayong nanay at tatay ng nakababatang kapatid. Ngunit sa kakapusan sa pera, hindi siya nakakapagbayad ng re...