Chapter 9: Alitan

47 7 1
                                    

Louisa's POV

Kinabukasan ay umalis na si Zayn nang dumating si Hazel. Umuwi ako saglit para kumuha ng damit at unan at saka tsinelas na rin dahil p'wede ng taniman ng kamote ang talampakan ko sa sobrang dumi. Bumalik din ako agad at heto tinutulungan ako ni Hazel na mag-ayos ng damit sa aparador.

"Hoy, ikaw. Sinong nagsabi sa'yong papuntahin mo rito si Zayn? Kailan mo pa siya naging representative kapag hindi ka makakapunta? Sana sinabi mo na lang na busy ka hindi 'yong dinamay mo pa 'yong tao," sermon ko kay Hazel.

"Sus, kunwari ka pang nagagalit, eh gusto mo rin naman," asar pa niya habang nakangiti.

Kinurot ko naman ang tagiliran niya kaya napangiwi siya.

"Puro ka kalokohan," saad ko.

"At least may benefit 'tong pagiging gaga ko. Tingnan mo naman, napakaganda ng kalagayan n'yo rito sa ospital plus wala ka ng problema sa bills."

"Alam ko 'yon. Ayaw ko lang isipin ni Zayn na masungit ako sa kan'ya kapag walang kailangan tapos kapag mga oras na ganito ay nang-aabuso ako. Alam mong hindi kami okay tapos pinapunta mo pa siya rito," wika ko.

Tinigil ni Hazel ang ginagawa at saka nagpamewang sa harapan ko.

"Eh, hindi ko maintindihan kung bakit hindi mo makita na nagbago na si Zayn. Tingnan mo at ang dami ng itinutulong sa'yo. Bakit hindi mo bigyan ng second chance? Open your heart again, girl!"

Inirapan ko naman siya.

"Hay naku! Mas gugustuhin ko pang lumunok ng apoy kaysa makipagbalikan sa kan'ya 'no. D'yan ka na nga, papasok na 'ko sa trabaho. Ikaw na muna ang bahala kay Levi," turan ko at naglakad na patungo sa may pintuan.

"Ingat ka. Baka ma-fall!"

Tumigil ako sa paglalakad at saka ko siya sinamaan ng tingin. Nabuhay lang yata 'tong babae na 'to para asarin ako habangbuhay.
"Ma-fall sa jeep. Alam mo na, punuan ngayon at baka mapasabit ka sa pinto. Ingat ka, ha, tanga ka pa naman!" pagtutuloy niya sa sinabi.

Hindi na ako nag-aksaya ng laway kay Hazel at umalis na ako. Pagdating ko sa CardiScent ay pinagbihis agad ako ng makeup artist. Bilib din ako sa mga tauhan ni Zayn, hindi uso ang salitang pahinga muna.

Isang violet one shoulder dress ang suot ko. Group photo raw ngayon, ibig sabihin ay makakasama ko na naman si Chin.

"Excuse me!" wika ni Chin matapos niya akong sadyang banggain habang nakatayo ako at nakikinig sa mga sinasabi ni Martin.

Sasagot pa sana ako nang biglang sumigaw ang photographer.

"Okay, everyone! Start na tayo, male-late ng dating si Sir Zayn. Come on, faster!"

Nagpunta na kami sa unahan. Nakaupo si Chin sa upuan habang ako at si Katkat ay nakaupo sa sahig at nakapatong ang braso sa mga hita ni Chin. Lahat kami ay hawak na mga pabango.

"Louisa, come closer," wika ni Martin.

"Opo." Inayos ko saglit ang buhok ko at umisod ng kaunti. Akmang ipapatong ko na ulit ang braso ko sa hita ni Chin nang bigla siyang dumekwatro kaya nahulog ako at tumama ang ulo ko sa upuan.

"Louisa! Okay ka lang?" naalarmang tanong ni Zack nang makalapit.

"Oops, sorry. Hindi ko sinasadya," sarkastikong turan ni Chin.

"I'm okay," nasabi ko na lang at tinuloy ang photoshoot.

Ganito pala ang pakiramdam ng kadikit ang demonyo, nakakapaso sa balat. Sa mga sumunod na take ay maganda naman ang naging result. Ngayon ay kailangan naming mag-spray ng perfume then pose nang nakapikit like sinasamyo 'yong amoy.

"In the count of three sabay-sabay kayong mags-spray. One, two, three!" sigaw ni Martin at gano'n nga ang ginawa namin.

Ngunit napasigaw ako nang biglang sa mata ko ini-spray ni Chin ang hawak niyang pabango. Nagpanik ang lahat at lumapit sila sa akin.

"Louisa, anong nararamdaman mo? Tumawag kayo ng medic!" wika ni Zack na nakahawak sa balikat ko.

Ako, heto at nakahawak sa mga mata dahil pakiramdam ko'y nag-aapoy ito. Walangya, ano bang nakalagay sa pabango ni Zayn? Gasolina?

***

"Malabo pa ba ang paningin mo?" tanong ng doktor na tumingin sa akin.

"Okay na po, salamat," saad ko naman ng may ngiti.

Binigyan niya ako ng pamatak sa mata in case na ma-irritate ito ulit bago na siya umalis. Kumakain sa labas ang iba kong kasama kaya mag-isa na ako rito sa photoshoot room. Nang makaalis ang doktor ay pumasok naman si Katkat.

"Kamusta na ang mata mo? Masakit pa rin ba?" tanong niya at naupo sa tabi ko.

"Hindi na masyado. 'Wag ka nang mag-alala."

"Mabuti naman. Napakasama talaga ng ugali ni Chin. Sigurado akong sinadya niya 'yong ginawa niya sa'yo. Hindi ko alam kung pinanganak ba siya noong world war two dahil araw araw parang gusto lagi ng giyera."

"Hayaan mo na. Hindi naman masyadong nairita 'tong mga mata ko, hindi pa 'ko bulag," biro ko.

"Hihintayin mo pa talagang mabulag ka bago ka gumanti sa kan'ya? Alam mo hindi ko alam kung paano mo napipigil 'yang galit mo sa kan'ya. Kung ako siguro ikaw ay hindi lang spray sa mata ang gagawin ko kay Chin, ipapainom ko pa sa kan'ya 'yong pabango hanggang sa bumula ang bibig niya!"

Bahagya naman akong natawa sa sinabi ni Katkat. Wala sa hitsura niya na gumawa ng gano'ng bagay pero alam kong seryoso siya roon.

"Siya nga pala, pinapapunta ka ni Sir Zayn sa opisina niya," pagbabago niya ng usapan.

Nawala naman ang ngiti ko.

"Dumating na siya?" tanong ko.

"Oo, mukhang bad mood nga kanina pagdating nang malaman ang nangyari sa'yo," wika ni Katkat matapos tumango.

Nagpakawala ako ng buntong-hininga at saka na nagtungo sa opisina ni Zayn. Nasa hallway pa lang ako ay nauulinigan ko na ang dalawang boses na tila nagtatalo sa loob ng opisina ni Zayn.

Tumayo ako sa gilid ng pintong sarado at saka sinubukang pakinggan ang pinag-uusapan nila.

"Bakit ba napaka-concern mo sa babae na 'yon? Akala ko ba ako lang, Zayn? Ako lang dapat 'di ba?"

"Shut up, Chin. Wala akong sinabing gan'yan sa'yo. And for your information, there's no us. Kahit kailan ay hindi naging tayo, so stop acting like a jealous girlfriend."

Napaigtad ako nang makarinig ako ng sampal. Hindi ko mawari kung si Zayn ba ang gumawa no'n o si Chin.

"Pagsisisihan mo 'to, I swear! Ipapakita ko sa'yo na mas deserving ako ng atensyon mo kaysa kay Louisa!"

Ito ang mga huling salita na narinig ko bago bumukas ang pinto.

***
Author's Note: Thank you so much for voting and reading this story, everyone! Kindly comment to some chapters and let me know how do you feel upon reading.❤️

Bitter Than The 2nd Time Around (#1 Taste Of Love)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon