Mabilis na lumipas ang mga araw. Ang bakasyon ay natapos na. Nandito na ngayon sila Mommy para sunduin ako dahil bukas ay may pasok na naman. Nag-enroll naman na ako nung nakaraang linggo pa.
“Nakahanda na lahat ng gamit mo?” tanong ni Mommy.
Dalawang bag na malaki lang naman ang nasakop ng mga gamit na dala ko. May isang bag na bitbit ko ngayon kung saan nakalagay ang mga mahahalagang bagay tulad ng gadgets at iba pa. Nandito rin ang librong bigay ni Lola.
“Okay na, Mommy!”
Lumapit ako kay Lola at nagmano. Nakangiti naman siya sa akin nang mabungaran ko pagkatapos.
“Ingatan mo ang libro, apo. Huwag mong hahayaang mapunit,” bilin niya.
Tumango naman din ako sa kaniya.
“The car is ready. Let’s go?” si Daddy.
Nagpaalam na kami ulit kay Lola. Nauna na akong sumakay sa kotse dahil nag-usap pa saglit si Lola at sina Mommy. Prenteng nakaupo na ako sa backseat. Napatingin ako sa bag ko na parang bumigat. Binaba ko iyon sa tabi ko.
Hindi rin naman nagtagal ay umalis din kami. Buong biyahe ay tahimik ako. Kung hindi nagbabasa, nagpapatugtog naman ako. Hindi naman ako inabala nila Mommy buong biyahe namin.
Tamad na tamad akong gumayak kinabukasan para pumasok. Sana ay hindi ko kaklase sila Dom. Grade nine na kami. Siguro naman ay hindi na sila mambubully sa akin? Sana talaga hindi ko sila maging kaklase.
“Solibro!”
Pero kung minamalas nga naman. Sila pa ang sumalubong sa akin nang mahanap ko na ang room kung saan ang section ko. Nakaabang sila sa pintuan.
“Kaklase ka na naman namin!” si Seth.
Hindi ako kumibo. Pumasok ako sa loob at naghanap ng bakanteng upuan. Marami pa sa bandang harapan. Mas gusto nila na nasa likuran kaya mas na-okupado na ang bandang likuran.
Naupo ako malapit sa bintana, sa bandang harapan. May ilang mga kaklase na hindi ako pamilyar. Mga bago lang sila rito. Sana ay may maging kaibigan ako kahit isa man lang sa kanila.
“Good morning, grade nine!” bati ng teacher namin.
Tahimik lang ako na nakatingin sa harapan. May iilang maingay, nakabuo na agad ng pagkakaibigan. May mga dating kaklase ko na nakikipag usap sa mga bagong kaklase namin ngayon.
“I’m teacher Danela,” pakilala niya.
Pinaliwanag niya sa amin ang mga dapat naming gawin. Nakikinig lang ako. May mga naka-assign na maglilinis ng room. Ang nasa row one ay maglilinis tuwing lunes. Nasa pangalawang row ako kaya tuwing martes ako maglilinis kasama ang iba pang kaklase ko na nasa pangalawang row din tulad ko.
Kagaya ng madalas na gawain sa unang linggo ng eskwela, wala pa munang klase. Maglilinis na muna o hindi kaya ay magpapakilala sa harapan nang sa gano’n ay malaman din ng iba naming mga kaklase ang mga pangalan namin.
“Solibro, sa garden daw maglilinis!” ani Seth.
Hawak ko ang librong Ochinaide. Hindi ko pa natatapos ’to. Gusto kong unti-untiin para hindi matapos kaagad. Pero darating at darating pa rin talaga sa ending kahit anong gawin. Maganda ang gawa ni Lola. Sobrang ganda na halos hindi ko na magawang bitawan pa ang libro kapag nafocus ako rito. Babasahin ko ulit ’to kapag tumagal.
“Puro na naman kasi libro ang inaatupag mo. Wala ka nang ibang alam gawin kundi magbasa?” si Mica.
Hindi na lang ako kumibo. Wala naman din akong mapapala kung papatulan ko sila. Aksaya lang ng panahon.
BINABASA MO ANG
Ochinaide (The New Version)
Fantasy©All Rights Reserved COMPLETED✔️ Started: August 9, 2023 Ended: October 21, 2023 Fictional Characters doesn't exist. From the word itself; fictional. Fiction. Hindi makatotohanan at pawang kathang isip lamang. Namulat si Solemn sa mundo kung saan la...