Maaga akong nagising hindi dahil excited akong pumasok. Maaga akong nagising kundi dahil sa sobrang sakit ng ulo ko. Ilang beses na rin akong nabahing. May sakit pa yata ako.
“Manang!” tawag ko.
Hindi ko yata kayang pumasok ngayon. Parang binibiyak ang ulo ko sa sobrang sakit.
“Solemn? Ang aga mo namang nagising, hija?” si Manang.
Pinilit kong bumangon. Lumapit si Manang sa akin at hinipo ang noo ko.
“Nako, hija! May lagnat ka. Tinatrangkaso ka. Huwag ka munang pumasok,” aniya.
Natataranta siyang lumabas ng kwarto ko. Sinandal ko naman ang sarili ko sa headboard ng kama ko at ipinikit ang mga mata ko. Wala akong suot na salamin kaya medyo nakadagdag iyon sa sakit ng ulo ko. Pinakikiramdam ko rin ang katawan ko kung kaya ko bang tumayo.
Pero sa sobrang init na lumalabas sa katawan ko, parang nanghihina ako. Nanginginig ang mga kamay ko at sa tingin ko kapag sinubukan kong tumayo ay tutumba pa ako. Kaya hindi na ako nagbalak pa.
“Manang, papasok ako,” nahihirapang sabi ko.
Agad umiling si Manang. Dala niya ang isang maliit na palanggana at may tubig. Nilagay niya iyon sa lamesa at pinigaan ang bimpo na nandoon sa dala niya.
“Nako, Solemn. Magpahinga ka diyan. Wala ang magulang mo ngayon at nasa trabaho. Nagpaluto na ako ng soup para sa ’yo. Kailangan mong kumain at iinom kang gamot,” aniya.
Pinunasan niya ang mukha ko. Mainit na mainit ang pakiramdam ko. Halos nagluluha na rin ang mata ko. Hindi ko matagalan na nakadilat.
“Kailangan kong pumasok, manang. Pagagalitan ako kapag absent ako,” muling sambit ko.
Pinupunasan na ni Manang ang braso ko. Medyo nakakaramdam ako ng kaunting ginhawa. Nanatili akong nakapikit. Gustong matulog pero iniisip ko na kailangan kong pumasok.
“Tinawagan ko na ang Mommy mo. Nasabihan ko na siyang may sakit ka. Pinagpaalam ka na rin sa teacher mo na hindi ka makakapasok ngayon at bukas na rin.”
Hindi ko na namalayan ang ibang sinabi ni Manang. Dahil sa ginhawang naramdaman dulot ng pagpupunas niya sa akin ay nakaidlip ako. Ginising niya lang ako para kumain at uminom ng gamot.
Buong araw akong nagpahinga lang. Hindi na namilit pa dahil hindi ko rin kaya. Gabi na nang muli akong puntahan nila Manang para sa hapunan at sa gamot. Dumating na sila Mommy at chineck naman din nila ako. Bumaba na ang lagnat ko compare kaninang umaga. Pero sabi ni Mommy ay hindi pa rin ako papasok bukas.
Nagbihis ako matapos akong punasan ulit ni Manang. Bumalik si Mommy sa kwarto ko para i-check ulit ang temperature ko. Sa pangalawang balik niya ay dala niya ang phone at may kausap siya.
“May sakit si Sol, Ma. Hindi ko nga ho pinapasok para makapagpahinga. Bukas din ay hindi papasok,” rinig kong sabi ni Mommy.
Si Lola ang kausap niya. Kinakamusta siguro ako.
“Sol, kausapin ka raw ng lola mo,” mahinang sabi ni Mommy.
Pinilit kong dumilat. Hindi na ako bumangon. Inabot sa akin ni Mommy ang phone at nilagay ko iyon sa tapat ng tainga ko.
“Lola,” mahinang usal ko.
[Kumusta ang pakiramdam mo?”] tanong niya sa kabilang linya.
“Medyo okay na po compare kanina,” sagot ko naman.
Hindi siya kumibo. Akala ko ay naputol ang tawag. Pero naririnig ko ang ilang ingay sa kabilang linya.
[“Nagsimula na.”]
BINABASA MO ANG
Ochinaide (The New Version)
Fantasy©All Rights Reserved COMPLETED✔️ Started: August 9, 2023 Ended: October 21, 2023 Fictional Characters doesn't exist. From the word itself; fictional. Fiction. Hindi makatotohanan at pawang kathang isip lamang. Namulat si Solemn sa mundo kung saan la...