Nakatingin ako sa librong binigay ni lola sa akin ilang taon na ang lumipas. Walang pagbabago sa libro. Hindi man lang naluma. Naisipan ko kasi ulit mag-ayos ng libro dahil marami akong nabili kanina nang gumala kami ni Nihannah.
May kung ano sa pakiramdam ko na hindi ko maipaliwanag. Nakatitig ako kanina pa sa cover ng libro. Lungkot at bigat sa dibdib ang nararamdaman ko. May nag-uudyok na basahin ko na ang librong ito. Pero sa pagkakatanda ko ay nabasa ko na ito. Ilang taon na ang lumipas kaya hindi ko na matandaan ang mga nangyari sa kwento.
“Babasahin ko nga,” nasabi ko na lang sa sarili ko.
Bago ako magbasa ay inayos ko na muna ang ibang libro ko. Binalik ko iyon sa shelf at saka ako humiga para magbasa na ng librong Ochinaide.
Sa unang pahina pa lang ay kakaiba na agad ang naramdaman ko. Manga pala ito. Akala ko novel. Kita ko ang itsura nung mga bida. At kapangalan ko pala ang babae rito. Ang naaalala ko ay si lola mismo ang gumawa nito. Napapahanga na naman tuloy ako dahil doon.
“Kumusta ka na?” tanong ni Josaiah na nasa libro.
Mabilis kong binabasa ang mga sinasabi nila pero napapatitig ako sa itsura nung lalaki. Gwapo siya. Matangkad at medyo payat. Hindi nabanggit sa story kung ilang taon na siya.
Hindi ko namalayan ang oras. Kailangan ko nang matulog. Linggo naman pero kailangan ko pa ring magbawi ng tulog dahil sa Monday ay maaga ang pasok ko. Isinara ko ang librong binabasa ko. Ilalagay ko na sana sa table iyon nang muli na naman akong mapatitig sa lalaking nasa cover.
“Ang green flag mo. Sobrang swerte nung kapartner mo. Sana ako rin may isang tulad mo ’no? ’Yung handa akong protektahan sa lahat ng bagay,” sambit ko.
Hinaplos ko ang cover at tipid na ngumiti. I’m turning eighteen this month. Maraming nagtatangkang pumorma sa akin pero hindi ko sila hinahayaan. Ang iba kasi sa kanila ay mga dating bully rin sa akin. Nakita lang nilang naging maayos ang itsura ko ay ginusto na nilang pormahan ako.
“Siguro kung totoong tao ka, sobrang swerte rin nung magiging girlfriend mo. Ang galing ni Lola gumawa ng character, masyadong perfect,” dagdag ko pa.
Nagpakawala ako ng isang malalim na hininga at nagpasyang ilapag na ang libro sa side table ko. Umayos na ako ng higa at handa nang matulog. Bago ko ipikit ang mga mata ko ay muli pa akong napatingin sa libro. Hindi ako masyadong na-a-attached sa mga nababasa kong story pero ang isang ito ay sobra-sobra ang emosyon na nararamdaman ko.
“Maging totoo ka na lang. Protektahan mo rin ako.”
Natawa na lang ako sa isip ko dahil sa sinabi kong iyon. Binalot ko ng kumot ang sarili ko at pinikit na ang mga mata. Alas diyes pa lang naman pero gusto ko nang matulog dahil pagod din ako maghapon.
Nagising ako bandang alas otso ng umaga dahil sa katok na nanggagaling sa pinto ng kwarto ko. Antok pa ako pero pinilit kong bumangon para tingnan kung sino at bakit kumakatok.
“Mommy?”
Nagkusot pa ako ng mata habang nasa harapan ko si Mommy na nakaayos at mukhang may lakad. Masama pa ang pakiramdam ko ngayon. Parang may lagnat yata ako.
“Want to come with us? May lakad kami ng Daddy mo. Baka gusto mong sumama?” tanong niya.
Umiling ako. “Kayo na lang po. Dito lang ako sa bahay,” sagot ko naman.
Pupunta si Nihannah dito. Dito raw siya tatambay ngayon. Hindi ko pa nasasabi kila Mommy iyon.
“Pupunta kasi si Nihannah. Dito lang muna kami sa bahay ngayong araw,” dagdag kong sabi.
BINABASA MO ANG
Ochinaide (The New Version)
Fantasy©All Rights Reserved COMPLETED✔️ Started: August 9, 2023 Ended: October 21, 2023 Fictional Characters doesn't exist. From the word itself; fictional. Fiction. Hindi makatotohanan at pawang kathang isip lamang. Namulat si Solemn sa mundo kung saan la...