Chapter 11

2.5K 94 5
                                    

Sa dalawang linggo sa Escarra, naging busy sina Nicholas at Austin sa kaniya-kaniya nilang trabaho. Madalas na sumasama si Austin sa mga ranger lalo na kapag kukuha ng mga stock para sa kanilang lahat.

Iba naman ang naging task ni Nicholas dahil madalas niyang kasama ang ilang head ng rangers sa isang sasakyan. Kailangang mayroong palaging kasamang mekaniko at isa na siya roon.

Wala siyang alam kung saan sila papunta ngayon ngunit mayroon daw piyesang kukunin sa isang factory para sa bubuuing pandagdag sa mga sasakyang ginagamit nilang lahat.

Nalaman lang ni Nicholas ang tungkol sa factory ng mga sasakyan nang minsang dumating ang mga kasama niyang puno ng piyesa. Doon niya nalaman na mayroon pang ilang grupo ang gumagawa niyon kapag kailangan.

Inabot sila nang dalawang oras sa daan bago nakarating sa factory na sinasabi ng mga kasama niya. Pahaba ang gusali at isang palapag lang. Pumasok sila roon at nakita si Jakob na bumaba ng motor nito.

Isa-isa silang bumaba at lumapit kung nasaan si Jakob. Nakipagkamay ito sa lalaking sumalubong sa kanila at sinabing sundan nila.

Pasimpleng ipinalibot ni Nicholas ang tingin sa buong lugar. Mayroong mga tauhan, pero parang siya noon na namamasukan para sa maliit na halaga. Naalala niya kung paano sila sigawan dahil kailangang magmadali sa trabaho. Ito pala iyon. Ganito pala ngunit sa pagkakataong ito, siya na ang kasama para kumuha ng mga trinabaho ng iba para sa maliit na halaga.

"Good morning, boss," bati ng isang lalaking pinupunasan ang kamay kay Jakob. "Kumpleto na po ang order n'yo. Ipalalagay ko na po ba sa truck?"

Tumango si Jakob. "Oo. Ando'n na rin 'yung bayad ko sa 'yo. Pakilala ko pala sa 'yo 'tong si Neo, siya ang bagong madalas na lalabas para kumuha ng order sa 'yo. Sa kaniya ka lang makikipag-usap 'pag wala ako. Siya lang ang bibigyan mo ng orders ko."

Tumango ang lalaki at nakipagkilala kay Neo. Tahimik lang na nakatingin si Nicholas nang tawagin siya nito at ipinakilala.

"Ito ang madalas kong makakasama, si Nicholas," pakilala ni Neo sa kaniya.

Patagilid na tumingin sa kaniya si Jakob. Hindi ito nagsalita. Nakinig lang sa pakikipag-usap niya kay Neo, pero medyo nailang siya lalo na at may takot na baka makitaan siya nito ng mali. Iyon ang ayaw niyang mangyari kaya inaayos niya ang trabaho niya para hindi sila mapalabas ni Anya.

Hindi sila nagtagal sa factory. Kaagad silang bumalik. Nasa likuran ng motor ni Jakob ang sinasakyan nina Nicholas. Pinag-uusapan nila ang tungkol sa mga sasakyang bubuuin nila at aayusin. Ni hindi siya makapaniwala na mayroong mga engineer sa loob ng Escarra at hinanap mismo iyon ni Jakob para tumulong sa tinitirhan nilang lahat.

"Madalas wala 'yang si boss kasi nag-iikot kung saan. Sa mga relief operation, pasimple 'yang naghahanap ng puwedeng papasukin sa Escarra," sabi ni Neo. "Pinalilista kasi kung ano ang tinapos at skills. Kapag nakita ni boss na magagamit, kukunin niya."

Mahinang natawa si Nicholas. "Kahit pala sa sitwasyong 'to, importante ang credentials."

"Wala tayong magagawa. Ganito na noon, mas matindi ngayon. Pero gets naming lahat si boss. Siguro kung puwede lang niyang tulungan lahat, gagawin niya, pero hindi naman kasi siya si Superman." Natawa si Neo. "Hindi puwede, e."

Tango ang naging sagot ni Nicholas dahil na-gets din naman niya iyon. Hindi madali ang mag-manage ng maraming tao. Kung tutuusin, kahit siya napapaisip kung paano iyon nagagawa ni Jakob.

Ramdam ni Jakob ang antok at pagod dahil halos ilang araw na siyang lumalabas ng Escarra. Hindi siya mapakali. Gusto lang niyang umikot kung saan kaya nagpupunta siya sa iba't ibang grupo para libangin ang sarili.

Sa 'yo Pa RinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon