Kabanata 01

567 55 4
                                    

Lihim


Setyembre 14, 1815, ito ang taon kung kailan natapos ang kalakalang galyon. Lubos kaming naapektuhan. Bumaba ang bilang ng mga naani at iilan lang ang nakapag-alay.

Ilang taong lumaganap ang epidemya ng kolera at dumaan ang malakas na bagyo, halos hindi kami makabangon. Madalas uminit ang ulo ni abuelo dahil sa sunud-sunod na suliranin. Dinagdagan pa ng pagmamatigas ni ama.

"Kahit kailan ay hinding-hindi niyo na iyon mahahanap. Tinuring pa naman din kayong hari ngunit wala kayong malasakit sa mga nasasakupan niyo!" Napapataas na ang boses ni ama.

Isang malutong na sampal ang natamo nito dahil sa pabalang na pagsagot sa hari. Napapikit ako sa nasaksihan. Si ina ay humahagulgol sa tabi at walang magawa. Hindi nila batid ang aking presensya sapagkat ako'y nagtatago sa loob ng batalan.

"Saan mo dinala ang mga titulo?" Asik ni abuelo. "Wala kang karapatan na halungkatin pa ang mga iyon!"

"Iyan ang sinasabi ko saiyo noon pa." Mungkahi ni abuela. "Hindi siya karapat-dapat sa trono. Isipin mo nalang kung siya na ang naging hari, wala nang matitira pa sa atin!"

Mas dumiin ang pagkakatitig ng hari kay ama dahil sa binitawang mga salita ng reyna.

"Humingi ka ng paumanhin saiyong magulang, Abraham." Rinig kong pagmamakaawa ni ina. "Hindi mo dapat iyon ginawa."

Ngunit tila matigas pa sa bato ang ipinaglalaban ni ama. "Hindi ko maunawaan kung bakit takot kayo sa mga tao. Takot kayong ibigay sa kanila ang nararapat sapagkat tingin niyo'y nakakabawas ito ng kapangyarihan." Hindi ito nagpatinag. "Kung may malasakit, pagmamahal, at respeto kayo sa kanila, roon niyo lang mauunawaan na walang mali sa ginagawa ko!"

"Abraham!" Sigaw ni ina dahil isang sampal muli ang pinakawalan ng hari. "Itigil mo na ito Abraham, humingi ka ng paumanhin saiyong ama!"

Puwersahang inalis ni ama ang pagkakahawak ni ina sa kanyang braso. "Kahit ilang beses niyo akong sampalin at bugbugin, hinding-hindi niyo mababago ang prinsipyong ipinaglalaban ko."

Tinalikuran nito ang hari at iniwan si ina roon. Sa paglabas niya sa Casita Royale, doon lamang ako naglakas ng loob na habulin siya nang hindi nila nalalaman.

"Papa!" Kusa nang lumabas ang mga luha ko. Nakasakay na ito sa kabayo at handa nang umalis ngunit sa oras na ako'y makita ay bumaba muli. "Papa saan kayo pupunta?"

"Estelle bakit ka naririto?" Napatingin ito kung saan ako nagmula. "Nasaksihan mo ba ang lahat ng 'yon?"

Tumango ako at napansin ang mapula niyang pisngi dahil sa sampal. Niyakap ko siya nang mahigpit. "Huwag kang umalis... huwag mo akong iwanan papa!" Ako'y nagtangis sa kanyang balikat.

"Estelle..." Huminga ito ng malalim. "Babalikan kita, pangako." Sabay pahid sa pisngi kong basang-basa ng luha. "May gagawin lamang ako. Para saiyo rin ito anak. Hindi ko nais na magdusa ka sa hinaharap."

Hinawakan niya ang mga kamay ko. "Estelle, habang wala ako, nais kong tumindig ka... tumindig ka na tila isang sibol, isang liwanag, at isang bahaghari." Napuna ko ang basag sa kanyang boses na tila pinipigilan ang emosyon. "Mabuhay ka na tila isang awitin, na kahit may daing man, bumubulong pa rin ng pag-asa sa hangin."

-----❋-----

Naniwala ako na babalik si ama. Sa isang araw o sa makalawa, kahit buwan pa o taon ang lumipas, handa akong maghintay. Walang pangako na hindi niya tinupad kaya kumapit ako sa mga salitang iyon.

Taong 1816 noong siya'y lumisan. Isang taon na ang lumipas.

Ngayong ako'y trese anyos, marunong nang magbasa at magsulat, kaharap ko ang araw na handa nang dumaong sa gitna ng dalawang bundok, napahawak ako sa perlas ng kuwintas. Ito na lamang ang nagpapalakas ng loob ko para harapin ang lahat. Harapin ang pangako, ang mga tao, ang mga salitang huli niyang binitawan bago pumanaw.

ESTELLE (Book 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon