Kabanata 08

368 39 0
                                    

Payneta


"Anong klase kang anak! Walang utang na loob!" Isang sampal ang natamo ni Lucrezia mula kay Tiyo Hermio.

"Tama na!" Niyakap ni Tiya Rosmunda si Lucrezia na ngayon ay nakaluhod habang umiiyak. "Humingi ka ng tawad saiyong ama..."

Umiling ito. "May karapatan din akong mag-desisyon para sa sarili, ina. Ayaw kong magpakasal!"

Napakuyom nang palad si tiyo. "Simula ngayon, hindi ka lalabas ng iyong silid!" Umalis ito ng Casita na puno ng galit.

Nasaan ba sina abuelo at Reyna Meliore? Sigurado akong hindi nila hahayaan ito. Hindi ko alam ang totoong dahilan ng pagmamatigas ngayon ni Lucrezia. Ako'y nagulat sa kanyang tapang na ipinakita.

"Matulog ka na, Estelle. Huwag na tayong makialam sa kanilang problema." Hinawakan ako ni ina sa braso.

Hindi agad ako nakatulog dahil sa kabilang silid ay dinig ko ang hagulgol ni Lucrezia. Kaya naman tumayo ako mula sa pagkakahiga at sinindihan ang lampara. Lumabas ako ng silid at kumatok sa kanyang pinto.

"Ako ito, si Estelle." Natigil ang kanyang paghikbi ngunit hindi niya binuksan ang pintuan.

Muli akong kumatok. "Handa akong makinig at nandito ako para saiyo, Lucrezia. Ramdam ko ang iyong pagdadalamhati."

Naghintay ako ng ilang minuto bago niya tuluyang binuksan ang pinto. Sa oras na ako'y makapasok ay agad din niya itong isinara. "Ayaw ko ng awa mo, Estelle." Bulong nito habang pinupunasan ang basa niyang pisngi dahil sa walang tigil na luha. 

Hinayaan ko siyang magsalita habang hawak ko ang lampara. "Paano mo nakakayang pumayag magpakasal sa isang marquess, mahal mo ba siya?" 

Naiwang nakaawang ang aking bibig. Hindi agad ako nakasagot.

"May mahal akong iba, Estelle, at gagawa ako ng paraan upang hindi matuloy ang kasal." Pag-amin niya sa akin. Hindi na ako nagulat sa sinabi niyang ito. Ilang araw ko nang namamasid ang kakaibang ikinikilos ni Lucrezia. 

"Ano ang iyong gagawin?" Napakunot-noo ako sa binitawan niyang mga salita dahil natatakot ako baka anong gawin ng hari sa kanya.

"Bakit ko sasabihin saiyo?" Mataray niyang balik sa akin. "Kilala kita, Estelle. Isusumbong mo ako sa Anta at kay ama."

"Hindi kita isusumbong. Nag-aalala lamang ako para sa kaligtasan mo." Mariing pagtanggi ko.

"Hindi ko sasabihin kahit kanino." Pahayag nito. "Iba ang nagagawa ng pagmamahal, Estelle. Hindi mo mauunawaan ang mga bagay na ito dahil hindi ka pa umibig."

Napakurap ako sa kanyang mga salita. Paano ko nga ba ipapaliwanag ang nararamdaman ko? Hindi ko mahal ang marquess. Hindi pa ako umibig. Ngunit...

Sa pagbalik ko sa aking silid, iba na ang naging dahilan kung bakit hindi ako nakatulog, hindi na dahil sa paghikbi ni Lucrezia, kundi dahil sa sinabi nito na nag-iwan ng marka sa akin. Nakilala ko ito bilang tagasunod ng bawat utos upang matuwa ang lahat sa kanya, gusto niya na sa kanya ang atensyon. Ngunit ngayon, nakita ko ang tapang ni Lucrezia. Ipinagsawalang-bahala niya ang lahat para sa kanyang iniirog.

Nalaman nalang namin na wala ito sa kanyang silid, at wala rin ang kanyang mga damit. Ipinatawag ang lahat ng kawal sa Casa Masidlak at napansin na wala roon ang isang kasapi na si Uno. Roon lang namin nalaman na kasama ito sa pagtakas ni Lucrezia.

Sa harap ng salamin, inilugay ko ang buhok at tinanggal ang payneta roon. Tinitigan ko ang aking repleksyon, "kailan ka magiging matapang?" 

Naisip ko si Ba, bigla akong napahawak sa aking labi. Sa gabing iyon, alam kong naging matapang ako. Pero sapat na ba iyon upang magkaroon ako ng lakas katulad ni Lucrezia? Ang buhay ko ay tila nakasulat sa libro. Mula pagkabata hanggang ngayon, planado na ang lahat. Hinayaan ko sa pag-asang mahahanap ko rin ang kasiyahan kalaunan, ngunit taliwas ang lahat sa aking pinaniwalaan. Kailanman ay hindi ako naging masaya... hanggang sa dumating sa buhay ko si Ba.

ESTELLE (Book 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon