Takot
Sa huni ng mga ibon malapit sa durungawan, tuluyan akong nagising. Dumampi sa aking mukha ang kaunting sinag ng araw, ngunit agad ding naglaho dahil sa pagharang ng ulap. Bumangon ako at tumungo malapit sa durungawan. Sa pagsilip sa labas ay may dumapo sa aking balikat na maliit na puting balahibo ng ibon. Kinuha ko iyon ngunit agad ding nilipad ng hangin patungo sa kagubatan.
Napahawak ako sa perlas ng kuwintas, hindi maipaliwanag kung bakit ako biglang kinabahan. Huminga ako ng malalim at pumikit. Dinig ko pa rin ang huni ng mga ibon, ang lagaslas ng tubig sa batis na malapit sa Casita, at ang kaunting ingay mula sa labas ng aking silid.
Hindi na ako nakapag-ayos ng sarili, dumiretso ako palabas kung saan naririnig ang pag-aaway nina Tiya Rosmunda at Tiyo Hermio.
"Papatayin mo ba ang anak natin, ha!" Ngayon ko lang narinig ang malakas na pagsigaw ni tiya. "Kahit kailan ay hindi mo ako narinig na magsalita, sinunod ko lahat ng iyong nais, ngunit ngayon... ngayon gusto kong malaman mo na kinasusuklaman ko ang lahat ng iyong mga desisyon! Nawalan na ako ng anak, at hindi ako papayag na pati si Lucrezia ay madamay sa mga pinaggagagawa mo!"
Hindi nakapagsalita si Tiyo Hermio, ngunit doon ko napuna ang presensya ni Reyna Meliore. Humakbang ito palapit kay Tiya Rosmunda at sinampal nang pagkalakas-lakas. Napatakip ako ng bibig dala ng pagkagulat. "Hijo de puta! Wala kang silbi sa pamilyang ito ngunit malakas ang loob mo na pagsalitaan ang anak ko!"
"Meliore!" Sigaw ni abuelo bago umubo ng sunud-sunod. Hindi pa rin siya gumagaling.
Napaluhod si Tiya Rosmunda habang humahagulgol, naroon si ina ngunit imbes na aluhin si tiya ay sa akin ito lumapit nang makita akong nakalabas na ng silid. "Pumasok ka muna, Estelle. Hindi mainam na nakikita mo ang mga bagay na ito." Itinulak niya ako ngunit bago pa tuluyang makapasok ng silid ay nasalubong ko ang mapaniil na titig ni Reyna Meliore sa akin.
"Anong nangyayari, mama?" Sa pagsara niya ng pinto ay binato ko siya ng tanong. "Bakit nag-aapoy sa galit si tiya?"
Pinaupo ako nito sa silya. "Natagpuan na si Lucrezia, ngunit pansamantalang ikinulong ito sa karsel kasama ang kanyang kalaguyo." Paliwanag nito na ikinagimbal ko. "Mamaya ay ipapatawag sila sa Sambisig. Manatili ka na lamang dito. Ayaw kong madamay ka sa gulo nila."
Ngunit hindi ako nakinig sa kanyang bilin. Sa oras na umalis ito ay nagpalit ako ng baro't saya. Hindi ko na ipinatong ang pañuelo dahil alam kong madali akong mapupuna ni ina kung suot ko iyon.
Maraming puno sa likod ng Casita Royale kaya roon ako dumaan patungong Sambisig upang walang makapansin. May mga kalesang nagsidatingan, imbes na dumiretso sa harapang pinto ay naisipan kong sumilip sa bintana. Kahit may sakit si abuelo ay naroon siya kasama si Reyna Meliore. Naroon ang mga magulang ni Lucrezia, si ina, at ang iilang kasapi ng Sikhay at Silong.
May lalaking nakaluhod sa harap ng Anta. Batid kong ito si Uno, ang kanyang iniirog. Roon ko napansin ang duguan nitong mukha, ang mga pasa sa katawan, at maga rin ang mga mata. Si Lucrezia ay nasa tabi nito na hindi matigil sa pag-iyak. Napatakip ako ng bibig dahil naaawa ako sa kanilang kalagayan.
"Bakit ka naririto, mutia?" Muntik na akong mawalan ng balanse dahil sa matinding pagkagulat. Sa aking paglingon ay sinalubong ako ng mga mata ni Palkon. Mayroon itong kuwako sa bibig na bumuga ng usok na amoy ng tabako.
"Ikaw, bakit ka naririto?" Hindi ko ipinakita ang kaunting takot na naramdaman, lalo na nang lumapit pa ito sa akin.
Tinanggal niya ang kuwako sa bibig at itinapon iyon sa damuhan. "Balita ko ay may alam ka tungkol sa akin, mahal na mutia." Hindi ko nais ang paraan ng kanyang pagbikas.
BINABASA MO ANG
ESTELLE (Book 2)
Fiksi SejarahIn the first book, Alba woke up sweating from her long dream. She felt as if she'd been reborn, and in the middle of it all, she met a childhood friend who had the same dream as her, but this time, it was all about Estelle. (Written in Tagalog)