Kabanata 11

122 21 2
                                    

Parusa


Hindi ko na matanaw ang karwahe kung saan nakasakay si Ba. Ilang beses akong nadapa at kahit dumudugo na ang tuhod, hindi ako tumigil sa paghahabol, hanggang sa madatnan ako ni ina na ngayon ay nakasakay sa kalesa papuntang Casita. Roon lang ako tumigil.

"Estelle! Dios mio!" Huminto ang kalesang sinasakyan niya at mabilis na bumaba kasama ang isang kawal. "Anong nangyari sa'yo? Bakit maga ang mga mata mo?" Bakas sa kanyang mukha ang pinaghalong pag-aalala at pagkagulat. Bumaba ang tingin niya sa suot kong saya na ngayon ay may mga punit at mantsa ng dugo mula sa sugat. "Dios mio!" 

"Mama, maaari bang magamit ang iyong kalesa?" Ipinagsawalang-bahala ko ang pag-aalala niya at tumingin sa kawal. "Ihatid mo ako ngayon sa Kuta."

"Hindi!" Hinawakan ni ina ang braso ko upang tignan kung may sugat ako roon. "Umuwi na tayo, ngayon din!"

"Paumanhin ngunit kailangan kong pumunta, mama..." Hindi ko na hinintay pa ang kanyang sagot dahil mabilis akong sumakay sa kalesa kahit pa ramdam ko na ang sakit sa tuhod, paa, at siko. "Ihatid mo ako ngayon din, kawal!"

Napatingin ito sa aking ina na tila hinihintay ang desisyon.

"Sundin mo ang aking utos, umalis na tayo ngayon din!" Bahagya akong napasigaw kaya roon lang ito kumilos.

"Estelle!" Pagpipigil ni ina ngunit umusad na ang kalesa, "revenir! écoutez-moi!" (come back! listen to me!)

"Bilisan mo, kawal!" Utos ko pa rito. 

Ba, ililigtas kita... ilalayo kita... ako'y nangangako.

Mahaba rin ang paglalakbay patungong Kuta, at nang makarating ay dumiretso ako papasok. Akala ko'y hahayaan nila ako ngunit may tatlong kawal na humarang sa akin. "Paumanhin, ngunit ibinilin sa amin na walang maaaring bumisita o kumausap sa mga nakakulong sa karsel."

"Ako si Mutia Estelle, apo ng Anta, at inuutusan ko kayong papasukin ako, ngayon din!" Sa aking sigaw ay batid kong narinig din iyon ng iba pang mga kawal.

"Paumanhin, Mutia Estelle." Pagtanggi nila.

"Nasaan si Onse? Dalhin niyo si Onse sa akin. Siya'y aking kakausapin!" Hindi ko na pinansin ang mga sugat na dumudugo, mas nasasaktan ang aking damdamin dahil tila wala akong magawa.

"Si Onse ay ipinapahanap ho ngayon sapagkat itinakas niya ang isang bilanggo." Pahayag ng isang kawal. "Paumanhin, mutia. Kahit ano hong gawin niyo ay mahigpit na ipinagbabawal ngayon ang pumasok sa loob."

Alam kong si Ka ang tinutukoy nito na itinakas ni Onse. Ngunit kahit pa narinig ang magandang balita, hindi ko maramdaman ang kapanatagan sapagkat ikinulong nila si Ba. Napapikit ako roon. Ano ang dapat kong gawin? 

Sa pagbalik ko sa kalesa, hindi ko napigilan ang pagtangis. Hindi pa rin maalis sa isip ko ang nasaksihang paghuli sa kanya. 

"Ba..." Sa pagbigkas ko ng kanyang pangalan ay tila pinipiga ang puso ko. 

Napansin kong lumingon sa akin ang kawal. "K-Kilala niyo ho si Ba?"

Napapunas ako ng luha. "Batid kong kilala mo rin siya, kawal... kilala mo siya, hindi ba?"


"Opo, mutia." Sagot nito bago muling tumingin sa daan. "Ako ho si Sinko, matalik niyang kaibigan."

Napasinghap ako roon. Siya si Sinko, ang tinutukoy ni Ba na kanyang manliligaw. Hindi ko akalain na hihingi ako ng tulong sa kawal na ito, ngunit para makalaya si Ba, kailangan kong ikasapakat upang matupad ang aking pangako. "Tulungan mo akong iligtas siya, Sinko."

ESTELLE (Book 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon