Malaya
"Ikaw ay bahagyang natagalan, may nangyari ba?" Halos isang oras din siyang nahuli kaya nang kumatok ito ay agad ko ring pinagbuksan.
Pagkalapag ng buslo sa mesa, napahinga si Ba nang malalim bago ako harapin. "May isang kasapi ng Sikhay ang nakakulong sa karsel. May sinabi ito na nagpagulo ng aking isip."
Napakunot-noo ako bago umupo. "Ano ang iyong ginawa roon?" Sa tanong na iyon ay inokupa niya ang silya sa'king tabi.
"Inihatid ko lamang ang tinahi kong rayadillo para kay Sinko. Habang nakaupo ako, tinawag ako ng isang ginoo ---"
"Ang nais manligaw saiyo? Siya'y si Sinko, hindi ba?" Hindi nakatakas ang inis ko. Hindi niya ba alam na bawal makipag-relasyon sa kahit sinong kasapi na naninilbihan sa Ayllus?
"Oo, ngunit siya'y kaibigan lamang." Napansin ko ang paglunok niya. "Walang namamagitan sa aming dalawa. Huwag mo itong pag-isipan ng masama."
Napatayo ako at lumapit sa durungawan, sumilip sa aking mumunting hardin. Ang inis ay napalitan ng kirot sa dibdib. Ayaw ko nang ipinaparamdam niya sa akin. "Natatakot ka ba na maaari kitang isumbong sa Anta?"
"May tiwala ako sayo, Estelle. Kailanman ay hindi ako matatakot sayo." Sagot nito sa mahinang boses. "At walang dapat isumbong sapagkat siya'y kaibigan lamang."
"Alam mo ba ang parusa sa pakikipag-tipan sa kasapi?" Humarap ako sa kanya at lumapit. "20 lashes... at hindi ko nanaisin na mangyari iyon sayo. Hindi lahat ay nakakaunawa sa pakikipag-kaibigan mo sa isang kawal. Maaaring may kasapi rito na pag-isipan kayo nang masama at makarating ito sa nakatataas."
Napatango ito at bahagyang bumaba ang tingin sa sahig. "Nauunawaan ko. Huwag kang mag-alala, ipapaliwanag ko ito sa aking mga kaibigan." Ibinalik niya ang mga mata sa akin. "Kung iyong mamarapatin, mayroon kaming kaunting salo-salo sa linggo kasama si Sinko. Ipapaliwanag ko rin sa kanya ang tungkol dito."
Wala akong magawa kundi tumango. "Hindi ko nais na ilayo ka saiyong kaibigan. Binibigyan lamang kita ng babala sa posibleng mangyari."
Sumilay ang ngiti sa kanyang labi. "Maraming salamat, Estelle."
Bumalik ako sa durungawan. "Bukod doon, mayroon akong nais itanong sayo."
"Ano iyon?"
Simula noong dumating ako rito, hindi na ako nakakapag-pinta. Nais ko sanang samahan niya ako, gusto ko munang magpahinga at lumayo sa aking pamilya, kahit pansamantala. "Ikaw ay nakapag-ikot na rito sa Ayllus, may alam ka ba kung saan ako maaaring mag-pinta na may magandang tanawin?" Bahagya itong nagulat sa tanong ko. "Kung wala, ikaw ba ay makakasama sa akin sa labas ng kaharian?"
"Ngunit hindi ako maaaring lumabas ng Ayllus." Pangamba niya.
Umiling ako, biglang naalala si Ginoong Lawin noong nagtuturo pa ito sa akin, nakita ko ang kanyang hawak na matigas na kahoy na hugis-bituin. "Ang iyong ama ay kasapi ng Sikhay, hindi ba?" Kinuha ko iyon sa estante. "Ang Lawin ay mayroon nito. Sinagtala ang tawag dito. Kapag ipinakita mo sa Tarangkahan, ikaw ay maaaring lumabas ng Ayllus."
Lumalim ang iniisip nito, tila may naalala. "Ngunit ikaw ba'y pamilyar sa labas? Maaari ka namang mag-pinta rito sa iyong silid. Paumanhin, kahit gustuhin ko mang samahan ka ngunit wala akong alam na magandang tanawin sa labas ng kaharian." Kapuna-puna sa kanyang ekspresyon na naguguluhan ito sa aking binabalak.
"Ako'y nayayamot na sa pananatili sa silid. Nais kong magliwaliw at maging malaya, kahit isang araw lang." Natahimik siya sa aking pahayag. Nais kong sabihin sa kanya ang bumabagabag sa akin ngunit hindi pa ito ang tamang panahon.

BINABASA MO ANG
ESTELLE (Book 2)
Historical FictionIn the first book, Alba woke up sweating from her long dream. She felt as if she'd been reborn, and in the middle of it all, she met a childhood friend who had the same dream as her, but this time, it was all about Estelle. (Written in Tagalog)