Kabanata 03

373 43 2
                                    

Pulso


"Atropa belladonna," pagbasa ko sa nakasulat. "Use as a medicine, cosmetic, and... poison."

Simula noong binili ko itong aklat sa Pransya, hindi ko na mabitawan. Marami itong nilalaman tungkol sa mga halaman at ang kanilang pinagmulan. Mayroong tungkol sa mga bulaklak na nakikita sa paligid, at mayroon ding mga halamang gamot.

"Mutia Estelle, kailangan na po nating umalis. Naghihintay na po ang karwahe." Paalala sa akin ng tagapagsilbi.

Isinara ko ang libro at binalik ang tingin sa harap ng salamin. Inayos nang bahagya ang gintong payneta sa'king buhok bago tumango.

Si ina ay naghihintay sa loob, nagtaka ako kung bakit hindi ito nagsalita sa aking pagdating. Iyon ay dahil may isang lalaki na kasabay namin sa karwahe.

"Magandang umaga, Mutia Estelle." Pagbati nito sa akin.

"Magandang umaga." Napangiti na lamang ako bago tumabi kay ina na ngayon ay nakatakip ang bibig gamit ang abaniko. Madalas niya itong gawin kapag wala itong gustong sabihin.

Naging tahimik ang aming paglalakbay patungong Templo upang dumalo sa misa. Napuna ko ang kasuotan ng lalaki sa aming harap. Siya ay isang kasapi ng Sikhay. Nakasuot ito ng barong tagalog at sombrero de copa. May kaunting puti na rin ang buhok, bagong tubo na balbas, at naamoy ko rin sa kanya ang naiwang usok ng sigarilyo. 

Nauna itong umibis ng karwahe sa oras na marating namin ang simbahan. Doon lang nagsalita si ina. "Wala akong tiwala sa lalaking iyon."

Napakunot-noo ako. "Paano mo nasabi mama?"

Ibinaba nito ang abaniko. "Sapagkat malapit ito sa reyna at kay Hermio."

Napaisip ako roon. "Kilala mo ba siya?"

"Hindi. Ngunit madalas ko siyang makita sa Casa Masidlak."

Doon natapos ang pag-uusap namin sapagkat dumating na ang mga pari. Dumalo kami sa prusisyon patungong altar. Kasama si ina, ako'y napangiti habang nakatingin sa akin ang iilang kasapi ng bawat pangkat. Maaaring naririto siya, isa sa mga nakatingin sa akin! 

Hindi ko alam kung bakit ako'y biglang dinalaw ng kaba.

Nagsimula ang misa sa pagbabasa ni Prinsesa Lucrezia ng taludtod mula sa bibliya. Ako'y napayuko upang hindi mapuna ang aking mumunting hagikhik sa baluktot nitong Ingles. Pagkatapos ay si Padre Mabaya ang siyang nagbigay ng sermon sa misa.

"Pumanaw na ang ating Padre Puraw... Jose ang kanyang tunay na pangalan. Ngayon ay malaya na siya kasama ang ating Panginoon. Magdasal tayong lahat at iparating sa kanya ang ating pagmamahal."

Pahayag nito sa kalagitnaan ng misa. Ang lahat ay nalungkot. Ramdam ko rin ang pangungulila ng mga padre dahil bakas sa kanilang mga mukha ang matinding pagdadalamhati. Lumingon ako sa hanay ng mga kababaihan mula sa Silong. Isang babae ang aking napansin na nanatiling nakayuko hanggang sa matapos ang misa.

"Dépêche-toi, s'il te plaît Estelle..." (Hurry up, please Estelle) bulong ni ina."Roon tayo sasakay sa karwahe ng abuelo mo. Ayaw kong makasama muli ang lalaking iyon." May diin sa salita ni ina.

Naputol ang pagtitig ko sa babae upang sagutin ito. "Nais kong dalawin ang puntod ni ama. Maaari ho ba na manatili muna ako rito? Pangako, hindi ako magtatagal."

Napabuntong-hininga ito at tila wala nang magawa sa desisyon ko. "Kung iyan ang 'yong nais. Mag-iiwan na lamang ako ng karwahe upang ihatid ka sa Sambisig."

Sa pag-alis ni ina ay nasilayan kong muli ang babae na kausap ang mga padre. Nakasuot ito ng puting kimono at dilaw na saya na may kasamang tapis. Sa kanyang balikat ay nakasabit ang kulay dilaw na balabal.

ESTELLE (Book 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon