Luha
"Dejame besarte otra vez..." (Let me kiss you again...) bago ako pumasok sa silid, hinawakan ko ang kanyang batok at inangking muli ang kanyang labi.
Nagulat si Ba sa aking ginawa ngunit nagpaubaya rin sa gusto ko. Ang lambot at ang init ng kanyang hininga ay nagbibigay sa akin nang kasabikan. Ilang segundo ay bumitaw din ito sa takot na baka kami'y mahuli.
"Salamat sa gabing ito..." Niyakap ko siya nang mahigpit.
Ano ba ang alam ko sa pag-ibig? Nababasa ko lang ito sa aklat, ngunit mababaw ang ipinaramdam nito sa akin kung ikukumpara sa nararamdaman ko ngayon. Akala ko ay hindi ko malalakaran ang daan na kanyang tinatahak, pero sa bawat halik ay tila isang mahika na idinudugtong ang magkaibang mundo naming dalawa. Ang halik ay tila isang panunumpa na kung sakaling mahulog ako sa bangin, alam kong hahawakan niya ang aking kamay kahit gaano pa ito kalalim.
Sa gabing iyon, nakatulog ako nang mahimbing, may ngiti sa aking labi, at tila lumuwag ang aking paghinga. Sa tuwing naiisip ko si Ba ay naaalala ko ang konstelasyon ng tala sa kanyang mga mata. Ang kanyang matatamis na salita ay tila bagong sibol na mga bulaklak sa aking hardin— iba't ibang kulay at marahuyong pagmasdan.
"Magandang umaga..." Pagbati ko sa oras ng almusal. Naroon silang lahat, pati si Tiyo Hermio. Napangiti sa akin si ina.
"Magandang umaga apo, mukhang maganda ang iyong gising." Pagpuna ni abuelo bago humigop ng kaunti sa kape. Napansin ko si abuela sa tabi nito na nanatiling abala sa paghiwa ng tsuriso.
Umupo ako sa tabi ni ina na ngayo'y nakangiti habang inaayos ang aking plato. Inutusan niya rin ang isang ginang na salinan ako ng maiinom.
"Amang hari, maaari ba akong lumabas ng Ayllus mamaya? Mayroon lang akong bibisitahin na isang kaibigan." Pagpapaalam ni Lucrezia kay Tiyo Hermio. Nakuha niya ang atensyon ng lahat.
"Sinong kaibigan ito? Hindi ko alam na mayroon kang kaibigan sa labas ng kaharian." Pahayag ni Tiya Rosmunda sa anak bago kumuha ng kapirasong keso.
"Uh..." Napansin ko ang paglunok nito. "Noong pag-aalay, mayroon akong nakilala na isang babae at siya'y aking naging kaibigan. Nais ko siyang bisitahin dahil siya'y m-may sakit."
Napanguso ako nang bahagya bago sumimsim sa mainit na tsaa. Nanatili ang tasa sa aking labi habang nakatingin kay Lucrezia. Alam kong nagsisinungaling ito. Kailanman ay hindi ko siya nakitang makipag-usap sa ibang tao. Mababa ang tingin niya sa mga ito, at ang sinasabi niyang kaibigan? C'est impossible.
"Pinapayagan kita, apo." Sambit ni abuela... ni Reyna Meliore. Ngayong alam ko na ang totoo, hindi ako sigurado kung ano ang itatawag sa kanya.
"Ina, pag-uusapan muna namin ito." Pagpipigil ni Tiyo Hermio na nakaupo sa isang kabisera sa tapat ni abuelo.
"Huwag kang mangamba, anak. Magpapadala ako ng kawal upang mapanatag ang loob mo." Dagdag pa ng dating reyna.
"Si U-Uno ho, abuela. Siya ay isang kawal. Siya nalang ho ang maghatid sa akin." Hiling pa ni Lucrezia sa mahinang boses.
"Ikaw Estelle, ano ang iyong gagawin ngayong araw? Maaari kang sumama sa iyong pinsan para makita't makilala ka rin ng mga nasasakupan." Biglang nagsalita si abuelo kaya sa akin naman ang atensyon ngayon.
"A-Ayaw pong sumama ni Estelle," sabay tingin sa akin ni Lucrezia. "Hindi ba mas nais mong magtanim? Hindi mo naman hilig ang magliwaliw."
"Uh... magiging abala ho ako sa hardin, abuelo." Ang totoo niyan ay ayaw kong sumama dahil tingin ko'y mayroong lihim na pupuntahan itong si Lucrezia. Gusto kong kausapin si Ginang O kung mayroon pa itong ibabalita sa akin, at iuutos ko rin dito na papuntahin si Ba sa aking silid.
BINABASA MO ANG
ESTELLE (Book 2)
Ficção HistóricaIn the first book, Alba woke up sweating from her long dream. She felt as if she'd been reborn, and in the middle of it all, she met a childhood friend who had the same dream as her, but this time, it was all about Estelle. (Written in Tagalog)