Kabanata 09

225 28 2
                                    

Tapang


"Nasaan na naman ang iyong payneta, Estelle? Bakit hindi mo na isinusuot?" Pagpuna ni ina habang nagsesermon ang padre. Sa halip na siya'y sagutin, dumako ang tingin ko sa pangkat ng Silong. Wala roon si Ba. "Estelle, vous m'écoutez?" (Estelle, are you listening to me?

Napalingon ako kay ina. "Yes, mama." Pero iniwas ko ang mga mata sa kanya. "Nawala ang aking payneta." Dati ay hirap akong magsinungaling, ngunit habang tumatagal ay mas madali na sa aking gawin iyon. 

Nang matapos ang misa ay naglakad ako papunta sa mga kasapi ng Silong. Sila'y nag-usap-usap ngunit agad ding naputol nang mapansin ang aking pagdating. Yumuko sila upang magbigay-respeto. "Magandang araw, Mutia Estelle."

"Magandang araw." Inisa-isa ko ang kanilang mukha ngunit wala sa kanila ang hinahanap ko. 

Lumakad papalapit ang isang ginang na may malaking nunal sa sulok ng kanyang kanang labi. "Ako ho si Da, Mutia Estelle. Mayroon ho ba kaming maitutulong saiyo?" Napansin ko na nanatiling nakayuko ang mga kaibigan ni Ba.

Umiling ako at pinilit ang sarili na ngumiti. "Nais ko lamang kumustahin kayong lahat."

Sumilay din ang ngiti sa kanyang labi. "Mainam naman kami, mutia. Salamat ho saiyong pangungumusta."

Nais kong tanungin kung nasaan si Ba, bakit hindi nila kasama? 

"Kung iyong pahihintulutan, mutia, kailangan na ho naming umalis." Dagdag pa nito.

"A-Ah, sige. Kayo'y mag-ingat." Napasinghap ako at naglakad palayo sa kanila. 

Alam kong nahihirapan sila ngayon at gusto kong tumulong. Hindi ko lang alam kung paano at kung saan magsisimula. Wala ako sa katungkulan, at ang tanging magbibigay sa akin ng halaga ay kapag ikinasal na ako sa marquess. Sa ngayon, wala akong silbi sa mga mata nila.

"Ama, kung naririto ka, hindi magkakaganito ang lahat." Nakaupo ako sa damuhan katabi ng puntod niya. Katamtamang hangin ang dumadampi sa aking balat, kasama ang anino ng mga sanga ng puno na malapit sa akin. Napatingin ako sa mga gumamelang sumasabay sa ihip ng hangin.

"Mayroon akong isang lihim," sambit ko sa mahinang tinig. "Anak siya ng iyong kaibigan, at katulad ko, nangungulila rin siya sa kanyang ama." Napatingin ako sa malayo. "Nakikita ko ang aking sarili sa kanya. Hindi ko maipaliwanag ama... ayaw ko siyang mawala sa akin." Sa puntong ito, hindi ko namalayang may luha sa mga mata ko. "Ayaw kong magpakasal... ayaw kong umalis dito." Isang tinik iyon sa aking dibdib na habang isinisiwalat ay unti-unting nawawala.


Sa paglalakad ko pabalik ng simbahan, aking napuna ang isang padre na malalim ang iniisip. Sa oras na ako'y makita ay yumuko ito, "magandang araw, Mutia Estelle. Ikaw ay nanatili rito, mayroon bang problema?"

Umiling ako. "Dinalaw ko ho si ama." Bahagyang tumagilid ang aking ulo, "mukhang ikaw ang may suliranin, padre. Tila malalim ang iyong iniisip. Mayroon ho ba kayong dinaramdam?"

Napahinga ito nang malalim. "Galing dito si ---" napatigil ito at inisip ang sasabihin, "ang isang kasapi ng Silong. Siya'y sinusupil ng nakaraan. Kanyang nalaman na ang sariling ama ang nagpasimuno ng ikapitong utos sa Ayllus."

Hindi na ako nagtanong pa kung sino iyon, malakas ang kutob ko na si Ba ang tinutukoy niya. Si Ginoong Lawin ang kanyang ama, at isa ito sa may kakayahang magpatupad ng batas. Tuwing may suliranin ito, sa mga padre siya unang lumalapit.

Ang ipinagtataka ko ay kung bakit ginawa iyon ni Ginoong Lawin? Naalala ko pa noon, siya ang aking naging guro. Tinuruan niya ako ng mga salitang Ingles, at minsan naman ay nagbabasa ito ng mga maiikling kwento. Bakit niya ipinatupad ang pagbabawal sa mga kababaihan na matutong magbasa at magsulat? Ngunit si Ba ay matalino at sa murang edad ay bihasa na sa wikang Ingles. Hindi ko maintindihan. Tila salungat ang lahat. Bakit niya ako tinuruan kung ganoon?

ESTELLE (Book 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon