Simula

614 46 7
                                    


Sa pitong taong digmaan ng mga bansang banyaga, sa pagkampi ng Espanya sa Pransya laban sa Britanya, nagkaroon ito ng pagkakataong sakupin ang iilang lugar kung saan sumibol ang itinanim na punla ng kalaban.

Sa mga panahong iyon, patuloy sa pag-usbong ang kalakalang galyon. Ang gapas na mangga, tuba, tsaa, at alagang kalabaw ay idinadala sa bansang Mehiko. Kapalit nito ay ang mga kabayo, baka, abokado, at papaya. Mula naman sa Tsina ang mga seda, porselana, muwebles, at abaniko.

Gamit ang kapangyarihan, nagkaroon ng pagkakataong manakaw ng Britanya ang kayamanan ng bayan. Nawala at nawasak ang pamanang kultural. Sinunog, sinira ang iilang bahay at simbahan. Maraming mga inosenteng buhay ang nadamay. Maraming nawalan ng tahanan, nawalan ng kabuhayan, at ng ari-arian.

Katulad ng mga babaeng elitista na may kayamanan mang maipagmamalaki at lupang pagmamay-ari ngunit nalusaw sa isang iglap sa oras na sila'y maikasal. Walang magawa kundi ang mag-alaga ng supling at manatili sa pamamahay.

Ang iilan naman sa oras na mabuntis ay nawalan ng trabaho, nawalan ng pagkakakitaan, at ang karamihan ay nadadawit sa puwersahang pagpapakasal kahit wala pa sa hustong gulang. Inapi, pinagkaitan, at ginahasa.

Maraming na-biktima ngunit marami rin ang ipinaglaban ang kanilang karapatan. Ang masaklap pa roon ay kung sino pa ang kadugo't ka-uri, sila pa ang nanlalamang. Doon nagsimula ang pag-aalsa sa sariling bayan.

Isa na roon ang kaharian kung saan ako nagmula. Ang lugar kung saan mayroong ipinapairal na sariling batas upang hindi na muling mag-alsa ang mga nasasakupan at mapanatili ang kapayapaan.

Ang walong utos ng Ayllus ay pinairal noong 1786 na nilagdaan ni Haring Hernando at ang asawa nitong si Reyna Meliore. May dalawa silang anak na lalaki— si Abraham na sa kasalukuyang magmamana sa trono ng hari, at ang bunsong anak na si Hermio.

Si Prinsipe Abraham, ang aking ama, ay ipinagkasundo sa isang dilag na ang dugo ay may halong banyaga. Siya'y si Galilea na nagmula sa Pransya. Sila'y nagpakasal kahit ilang araw lamang nagkakilala at pagkalipas ng isang taon, nabuo ako.

Ganoon din ang naging landas ni Hermio, ang aking tiyo. Siya'y ipinagkasundo sa isang dilag na nagngangalang Rosmunda, at nagkaroon ng kambal na anak ngunit namatay ang isa. Si Lucrezia lamang ang nabuhay.

Taong 1803 noong ako'y isinilang. Sumunod naman ang aking pinsan na si Lucrezia sa taong 1804. Alam namin na nabigo ang hari at reyna sapagkat ang kanilang apo ay mga babae. Matagal na nilang minimithi na magkaroon ng lalaki na magmamana sa trono. Marahil laging bigo ang aming mga magulang, tinanggap na lamang kami ng mga ito at mas pinagtuunan na lang ng pansin nina ama at tiyo ang pamumuno.

Maayos naman ang pamamahala sa Ayllus. Nagkakaunawaan naman ang lahat maliban lang sa amin ni Lucrezia na kailanman ay hindi magkasundo.

"Ginang Ma! Ginang Ma! Si Estelle ako'y muling inaaway!" Tumakbo si Lucrezia sa aming tagapagbantay at humagulgol habang ako'y tinuturo.

"Hindi kita inaway! Pinitas mo ang mga bulaklak! Sinira't pinutol mo ang mga itinanim kong halaman!" Napataas ng kaunti ang boses ko.

"Huwag na ho kayong magtalo, Prinsesa Estelle at Mutia Lucrezia." Pag-aawat ng ginang na ngayon ay napapahilot ng sintido. Batid kong sumasakit na ang kanyang ulo sa amin.

Hindi pa rin tumitigil sa pagtangis si Lucrezia. Nakakapit pa ito sa ginang habang ako ay humihinga ng malalim upang pigilan ang mga luhang nagbabadya.

"Anong nangyayari?" Tinig ng isang ginoo ang aking narinig. Napa-angat ang tingin ko rito at doon lang tumulo ang pinipigilan kong mga luha.

"Ginoong Lawin!" Sa oras na umibis ito mula sa kalesa ay agad akong tumakbo patungo sa kanya.

"Prinsesa Estelle, bakit ka nagtatangis?" May diin ngunit malumanay ang kanyang tinig. Ako'y kanyang kinarga. Doon lang napatigil si Lucrezia.

ESTELLE (Book 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon