Singsing
Habang kasama si Ginang O sa pagpitas ng mga malalagong rosas upang ilagay sa plorera, naalala kong muli si Ba. "Ang mga baguhan sa Silong, sila ang may dilaw na balabal, tama ho ba ako?"
"Opo, Mutia Estelle." Sagot nito habang hawak ang maliit na sisidlan na gawa sa anahaw. Inilagay ko roon ang mga napitas.
"Nais ko sanang isa sa kanila ang maghatid ng hapunan. Iyong naglinis ng aking silid kung maaari. Ang pangalan niya ay Ba, hindi ho ba?"
Sinang-ayunan iyon ng ginang, kahit labag ito sa kanilang kautusan. Ang mga baguhan ay nakaatang lamang sa mga gawain sa En La Casa. "Masusunod ho, mutia. Ipagbibigay-alam ko ito kay Ginang Ma."
Pagkatapos mamitas, naghugas ako ng kamay samantalang ang mga rosas ay inilalagay na ng ginang sa bawat plorera sa Casita. Naisipan kong bumalik sa hardin upang doon magbasa. Roon ko napuna ang presensya ng isang lalaki. Siya ang nakasabay namin sa karwahe ni ina.
Isinara ko ang aklat upang sundan ito. Hindi niya ako napansin sapagkat diretso ang tingin ng lalaki papasok sa Casa Masidlak. Tumungo ako sa imbakan kung saan nakalagay ang mga bariles ng alak, hanggang sa marinig ko ang pagbukas ng pinto sa katabi nitong silid. Lumapit ako nang bahagya.
"Hindi ko kayang parusahan si ama." Sambit ng lalaki.
"Nagawa mo nang ipakulong ang ama mo, bakit ang parusa ay hindi mo magawa? Siya'y isang traydor!"
Napatakip ako ng bibig. Boses ni abuela iyon! Sino ang kanilang tinutukoy? Sino ang ama ng lalaki?
Naghintay ako ng sagot ngunit mas lalong humaba ang katahimikan. Bigla akong natakot sapagkat baka malaman nila na naririto ako, nakikinig sa kanilang pribadong usapan. Sobrang bilis ng kabog ng dibdib ko habang maingat na naglakad paalis doon.
"May dinaramdam ho ba kayo, Mutia Estelle? Maputla ho ang iyong mukha." Tanong sa akin ni Ginang O nang makabalik sa Casita Royale. Hawak niya pa rin ang sisidlan ngunit wala nang laman na rosas.
Hindi ako sumagot sa kanyang tanong, sa halip... "May nais akong ipagawa saiyo, huwag mong sasabihin kahit kanino."
Napansin ko ang paglunok niya bago tumango. "Ano ho iyon? Gagawin ko ho sa abot ng aking makakaya."
Napalingon ako kung nasaan ang Casa Masidlak, kung saan ako nanggaling. "Nais kong alamin mo kung ano ang pangalan ng lalaki na dumadalaw kay abuela. At kung sakali man na naatasan kang maglinis doon, kung ano man ang iyon marinig ay ibahagi mo sa akin."
Alam kong hindi nila ito gawain, pero ito lamang ang nakikita kong paraan upang malaman ang sadya ng lalaking iyon, at kung ano ang binabalak ni abuela. Maraming mga mata ang nakatingin sa akin at ayaw kong magduda sila sa bawat kilos ko.
-----❋-----
"Paumanhin, Mutia Estelle, kung kami ay natagalan." Dalawang tagapagsilbi galing sa Silong ang nakayuko upang magbigay-respeto. "Ito ho si Ba, ang may dala ng iyong hapunan."
Napasinghap ako at pinigilan ang sarili na mapangiti.
"Maraming salamat." Muli akong napanatag sapagkat nakita ko siyang muli. "Kung maaari ay manatili siya sa aking silid. Mayroon lamang akong iuutos."
Nakita ko ang gulat sa mga mata ng ginang ngunit sa kalaunan ay tumango. "Masusunod ho, Mutia Estelle." Binalingan nito ng tingin si Ba upang ayusin ang balabal sa kanyang balikat.
Marahil ay may nais itong sabihin kay Ba sapagkat napuna ko ang bahagyang pagtango ng huli upang sundin ang bilin ng ginang. Sa oras na nakapinid ang pintuan ay doon ako napahagikhik. "Tila sila'y kinakabahan saiyo. Ano ba ang iyong mga nagawa?"
![](https://img.wattpad.com/cover/364625795-288-k746514.jpg)
BINABASA MO ANG
ESTELLE (Book 2)
Ficción históricaIn the first book, Alba woke up sweating from her long dream. She felt as if she'd been reborn, and in the middle of it all, she met a childhood friend who had the same dream as her, but this time, it was all about Estelle. (Written in Tagalog)