Liham
Wala ako sa sarili habang naglalakad sa gitna ng kagubatan. Nadurog na ang mga tuyong dahon na aking naaapakan, at ang mga damo ay sumasabit sa suot kong saya. Ang direksyon na aking tinatahak ay salungat sa buwan.
Tila isang panaginip iyon, pero totoo ang lahat sa aking pandinig. Hindi ako nakatulog dahil sa narinig kong pag-uusap nina Palkon at abuela. Paano niya naging anak ang isang kasapi ng Sikhay? Anak din ba siya ni abuelo? Kung ganoon, bakit hindi siya naninirahan sa Casita Royale? Bakit tila hindi alam ni abuelo ang tungkol dito?
Namayani ang mga tanong sa isip ko at napuna iyon ni ina sa oras ng almusal. "Tila wala ka sa sarili anak, may dinaramdam ka ba?" Kasama namin sina Tiya Rosmunda, Lucrezia, at abuela. Lahat sila ay napatingin sa akin.
Umayos ako ng upo at umiling. "Wala ho mama, napuyat lang ako sa binasang aklat." Sa sagot ko ay nagpatuloy na sila sa pagkain. Sumimsim ako sa mainit na kape at nagnakaw ng tingin kay abuela. Abala ito sa pagpapahid ng mantikilya sa tinapay.
Ano ang iyong lihim, abuela? Mas matanda pa ang Palkon na iyon kay ama at tiyo. Anak mo ba siya bago kayo ikinasal ni abuelo?
"Dippy eggs, tu le veux?" (Dippy eggs, do you want it?) Hindi pa man ako sumagot kay ina, inilagay niya na ang pinakuluang itlog sa pedestal at binasag ang ibabaw na balat nito. Nilagay niya rin sa plato ko ang tustadong tinapay na hiniwa ng pahaba upang isawsaw doon.
"Merci mama." (Thank you mama.) Kumuha ako ng ubas at ang mga hiniwang mansanas ng tagapagsilbi.
"Estelle, maaari ba na iabot mo ang prutas sa akin?" Nakangising utos ni Lucrezia. Napataas ang kilay ni ina.
Ginawa ko nalang para walang gulo.
"Pati iyang tinapay, por favor." Dugtong pa ni Lucrezia sabay turo sa tinapay na kung tutuusin ay kaya niya namang abutin.
"Ne le fais pas, Estelle, je te préviens." (Don't do it, Estelle, I'm warning you.) Bulong ni ina bago sumimsim ng tsaa.
Napahinga ako nang malalim bago iabot kay Lucrezia ang tinapay. Ngayon ay sinamaan ako ng tingin ni ina.
"Tama na iyan, anak. Maaari mo namang ipagawa sa tagapagsilbi. Hindi mo utusan si Estelle." Suway ni Tiya Rosmunda.
"Dios mio Lucrezia!" Madiin ang pagkakasabi ni abuelo habang naglalakad patungo sa amin. Napaupo ito sa kabisera hawak ang isang liham. Lahat ay napatingin sa kanya. "Ano itong ginawa mo? Mali ang iyong mga itinuro sa akin! Mabuti na lang at isinalin ng aking kumpadre sa wikang Ingles. Sisirain mo pa ang pagkakaibigan namin sa mali-maling salita mo sa Espanyol!"
Napatingin ako kay Lucrezia na ngayo'y namumula ang taenga. Hindi agad ito nakapagsalita.
"Papa, sigurado akong hindi iyan ang intensyon ni Lucrezia." Pagtatanggol ni Tiya Rosmunda sa anak.
"Ilang taon siyang nag-aral doon, dapat ay kabisado na niya ang lenggwahe!" Dagdag pa ni abuelo bago sumimsim sa kapeng isinalin ng tagapagsilbi. Mas lalong namula si Lucrezia at bahagyang napayuko. Hindi nakapagsalita ang mag-ina. Wala rin dito si Tiyo Hermio upang ipagtanggol ang kaisa-isang anak.
"Tama na iyan, Hernando. Kumakain ng almusal ang apo mo." Pagtatanggol ni abuela. "At ano pa ang ikinakagalit mo riyan? Itinama naman ng iyong kumpadre. Hindi na kailangan pang magsalita ng Espanyol kung ito'y nakakaunawa naman ng wikang Ingles."
Napatingin si abuelo sa akin. "Estelle, simula ngayon ikaw na ang gumawa ng aking liham." Pahayag niya sa tinig na walang pwedeng sumalungat. Dumako muli ang mga mata nila sa akin. Ramdam ko ang galit ni Lucrezia, ganoon din ang titig ni abuela habang sumisimsim sa kanyang tsaa.
![](https://img.wattpad.com/cover/364625795-288-k746514.jpg)
BINABASA MO ANG
ESTELLE (Book 2)
Ficção HistóricaIn the first book, Alba woke up sweating from her long dream. She felt as if she'd been reborn, and in the middle of it all, she met a childhood friend who had the same dream as her, but this time, it was all about Estelle. (Written in Tagalog)