Kabanata 12

328 33 11
                                    

Mahal


Si Onse ay si Ambrosio, ang kambal ni ama. Siya ang nararapat sa trono, hindi si Tiyo Hermio! Dapat ay malaman ito ni abuelo. Ngunit paano ko sasabihin ngayong wala siya sa Ayllus. Paano kung may nangyaring masama sa kanya habang kasama si Reyna Meliore?

Hindi dapat ako mawalan ng pag-asa ngayong lumabas na ang katotohanan. Ang tanging magagawa ko ay itago itong mga liham, at wala akong ibang pagsasabihan habang wala sina abuelo at Onse.

Sa sumunod na gabi, kasama ni ina ang dalawang padre sa aking silid. Nakasuot ang mga ito ng kulay-puting balabal na may talukbong, taliwas sa kayumangging madalas nilang gamitin. Ito ay isinusuot lamang tuwing may ipagdadasal silang nasa panganib ang buhay.

"Magandang gabi, Mutia Estelle." Pagbati ng padre na nagbigay sa akin ng halamang nakakalason. Napatayo ako mula sa pagkakaupo sa dulo ng higaan. Hindi pa tuluyang naghihilom ang sugat kaya't may kaunting kirot pa akong naramdaman.

Pumagitna si ina sa dalawang padre. "Ipinatawag ko sila upang ikaw ay ipagdasal," mungkahi nito, "they will help me change your decision."

Hindi na ako nagulat sa sinabi niya. Gagawin ni ina ang lahat upang masunod ang mga plano para sa akin.

"Paumanhin ngunit mas mainam kung dadalhin namin si Estelle sa Templo," pahayag ng isa pang padre na may kalakihan ang pangangatawan. "Sa harap ng altar, siya'y aming ipagdadasal."

Nakuha nila ang aking atensyon at napatingin sa magiging desisyon ni ina. Kapuna-puna ang pagkaawang ng bibig nito, at alam kong hindi niya ibinahagi sa mga padre ang parusang iniatang sa akin. Bahagyang umangat ang aking labi dahil kilala ko si ina, hindi siya makakatanggi dahil sa kanyang pagka-relihiyosa.

"K-Kung iyon ang nararapat gawin, padre. Maaari niyo siyang dalhin sa Templo." Sagot nito at matipid na ngumiti. 

Napasinghap ako at yumuko. Hindi ko na narinig ang usapan nila dahil ako'y nabibingi sa bilis ng tibok ng puso. Sa pagsunod ko sa mga padre, hindi ako lumingon kay ina kahit pa kami ay nakasakay na sa kalesa.

"Mutia, ako si Padre Dagtum." Pagpapakilala ng isang padre na nakaupo sa harapan ko. "Hindi tayo pupunta sa Templo. Narito kami upang dalawin si Ba sa Kuta, at alam kong nais mo rin siyang makita." 

Hindi agad ako nakapagsalita. Nanlaki ang mga mata ko at kusa nang nagsihulog ang mga luha. Pakiramdam ko'y isa akong ibon na nakalaya sa hawla. Kahit umuusad ang kalesa, tumungo ako sa dalawang padre at lumuhod sa kanilang harap. "Maraming salamat..." Humagulgol ako kahit pa pilit nilang pinapatayo.

"Salamat din saiyo dahil tinanggap mo siya, hindi bilang isang tagapagsilbi lamang, kundi bilang isang kaibigan. Nalaman namin ito sa pagdalaw ng aking kamag-anak na si Da, at ang kasama nitong kawal na si Sinko. Ako nga pala si Padre Mabaya, tahan na, mutia." Hinaplos nito ang aking likod. "Tahan na, magiging maayos din ang lahat. Hindi ka na muling ikukulong ng iyong ina. Naririto kami para saiyo." Pinunasan ko ang mga luha at patuloy na tumango na tila nawalan ng boses. 

Sa oras na dumating kami sa Kuta ay kinausap ng dalawang padre ang mga kawal na nagbabantay. Alam kong nahirapan silang kumbinsihin ang mga ito ngunit nangatwiran ang mga padre na bago umalis si Sinko ay ibinilin niya ang tungkol sa aming pagbisita. Kaya naman nakapasok kami ng Kuta pero mayroong kawal na nagmamatyag at nakasunod sa amin.

Inanunsyo ng isang kawal ang aking pagdating kasama ang mga padre sa oras na nagbukas ang pinto patungong karsel. Doon ko lang napuna ang paggalaw ng anino sa dilim.

"Estelle... Padre..." Sa mahinang boses, nagsalita si Ba. Hindi na kailangan pa ng matinding liwanag upang siya'y mapagmasdan. Kitang-kita ko ang pagod at puyat sa kanyang mga mata. Ang dating malinis na suot, ngayon ay may bahid na dungis.

ESTELLE (Book 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon