Chapter 14

91 5 3
                                    

“They don't know about the things we do
They don't know about the I-love-you's,” mahinang pagkanta ni Lucille habang naglilinis ng mesa sa loob ng bake shop. Kinuskos niya ito ng hawak na basahan, sinisigurado na malinis ang mga mesa at nagwalis siya pagkatapos.

“Ganda ng mood natin ngayon ah. Hindi ka na mukhang pinagsakluban ng langit at lupa.” Natawa si Lucille sa sinabi ni Jenny, katrabaho niya na nakapwesto ngayon sa counter.

“Nakatulog lang ng maayos,” palusot niya. Palusot na medyo totoo. Nakatulog sa tabi niya si Vance kagabi habang hinahaplos niya ang unat nitong buhok. Pinaglaruan niya ang buhok nito hanggang sa magsawa siya. Nang hinarap niya ito ay lalo lang humigpit ang yakap ng lalaki sa kanyang bewang. Sinubukan niyang aninagin ang mukha ng lalaki pero hindi niya makita ng maayos ang mukha nito. Abot niya lampshade dahil malapit lang ito sa kanya, nakatalikod doon ang lalaki ngunit kahit gaano siya ka-interesado na malaman ang mukha ng lalaki na mahimbing na natutulog, pinigilan niya ang sarili na buksan ang lampshade. Alam niya na magpapakita naman na ang lalaki kung handa na ito at yon ang hinihintay niya.

“Sus…” hirit pa ng babae na tinawanan niya lang. Napa-iling si Lucille saka itinabi ang walis na ginamit at bumalik sa counter kasama ni Jenny.

Nakangiti si Lucille sa buong shift niya, masayang masaya sa hindi malamang dahilan. Para bang napakagaan ng lahat, parang walang iniisip. Naglakad siya pauwi sa kanyang bahay nang hindi pa rin naaalis ang ngiti sa mga labi.

Unti-unti na naglaho ang ngiti sa kanyang mga labi sa tumambad sa kanyang harapan. Nanghihinang napaluhod siya sa kalsada, ang mga maliliit na bato ay tumutusok sa tuhod niya na natatakpan ng tela ng suot niyang pants.

Kumurap-kurap siya habang umaasa na magbabago ang eksena sa harapan niya. Pagak na natawa at napabuntong hininga na lang si Lucille at hindi makapaniwala. Na tanging ang bahay niya lang ang nasunod at hindi nadamay ang kanyang nga kapitbahay na hindi kalayuan ang bahay.

Walang maramdaman si Lucille, tila namanhid na siya at wala siyang maramdaman. Iniisip niya lang ay saan na siya titira at kung papaano niya sasabihin sa kapatid na nasunog ang bahay nito. Napahinga na lang ng malalim si Lucille pero ang mata niya ay nagsisimula nang umalsa ang luha.

Nilapitan siya ng kapitbahay na matanda at inalalayan siya para tumayo pero hindi niya nagawa. “Tumayo ka at baka masugatan ang tuhod mo.” Hindi pa rin natinag si Lucille sa pagkakaluhod.

“Wala akong iniwan na pwedeng maging dahilan ng sunog. Paanong nasunog ito?” tanong niya sa basag na boses. Sumasakit ang puso niya dahil parang may malaking kamay na pumipiga doon pero ang mga luha niya ay walang balak umagos mula sa kanyang mga mata. “Yung ipon ko… Wala na lahat.” Huminga ng malalim si Lucille at pinipilit pakalmahin ang sarili. “Tangina naman talaga.”

Hinihila siya patayo ng mga kapitbahay niya pero hindi siya tumayo hanggang sa mapagod na lang sila kapipilit dito kaya hinayaan na lang. Nakatulala lang siya sa bahay niya na kulay itim na at may usok ito na kulay itim.

“Ikaw ba yung nakatira dito?” Napa-angat si Lucille ng tingin sa matangkad na nilalang na nakatayo sa harapan niya. Dahan-dahan siyang tumango mula sa pagkakatingala ng husto. Tinitigan niya ang mukha nito ngunit nagbaba siya ng tingin nang makaramdam siya ng ngalay sa leeg at batok mula sa matinding pagkakatingala.

Tumalungko ito sa harapan niya kaya kaunting tingala na lang ang ginawa niya. “May iba ka pa bang mapupuntahan?” masuyong tanong sa kanya ng lalaki.

Iling lang ang sinagot ni Lucille sa tanong ng lalaki. Hindi dahil sunog na ang bahay niya ay uuwi na siya sa kanila. Binalaan siya ng kapatid niya na may balak ang mga magulang niya na ipakasal siya sa kaibigan ng daddy nila kaya naman mas lalong ayaw niya na umuwi.

“Sumama ka sa akin. Doon ka na lang tumira sa bahay ko,” alok ng lalaki. Sasama sa lalaki o babalik sa poder ng kanyang mga magulang? Ayan lamang ang naiisip ni Lucille na option kaya agad na siyang nagdesisyon para walang masayang na oras.

“S-sasama ako sayo.” Inalok ng lalaki ang kamay nito na inabot naman ng dalaga. Inalalayan siya nito tumayo at maglakad palapit sa itim na kotse ng lalaki na nakahinto di kalayuan sa kanila.

Inalalayan din siya nito para makapasok ng maayos at hindi nauuntog. Isinara ng lalaki ang pintuan ng kotse sa tabi niya at umikot para sumakay sa driver's seat. Nang makaupo na ito ay nilingon niya si Lucille na nakatitig sa bahay nitong sunog na.

“Sigurado ka ba talaga na sasama ka sa akin?” tanong ng lalaki.

Tumango si Lucille. “Wala naman akong ibang tutuluyan at ayoko umuwi sa amin,” sagot niya.

The guy scoffed. “Talagang mas pipiliin mo sumama sa hindi mo kilala kaysa umuwi sa inyo?” tumango si Lucille at ang paningin ay nasa bahay niya pa din. “You can't just trust anyone. You can't just go with someone you don't even know.”

“Mukha namang wala kang balak na masama sa akin,” katwiran ni Lucille na ikinailing lang ng lalaki. May mumunting tawa na lumalabas sa bibig nito, hindi siya makapaniwala sa narinig na dahilan mula sa dalaga.

“Ano ba yang katwiran na iyan.” Napa-iling ang lalaki. “Ngayon ko lang narinig iyan.”

Dinukot ni Lucille ang cellphone mula sa bag na kanyang dala at agad na kinuhaan ng stolen na litrato ang lalaki. Nanlalaki ang mga mata na nilingon ng lalaki si Lucille.

“What was that for?” tanong nito habang hindi makapaniwalang nakatitig kay Lucille.

Nagkibit balikat ang dalaga. “Kapag ginawan mo ako ng masama, magsusumbong ako sa pulis at ipapakita ko ang litrato mo,” sabi ni Lucille.

Natawa naman ang lalaki at hinablot ang cellphone mula sa mga kamay ni Lucille. Iniunat nito ang kaliwang braso kung saan hawak nito ang cellphone at ang kanang kamay naman ay nasa baba ni Lucille, piga-piga ng lalaki ang pisngi niya na naging dahilan para umusli ang kanyang labi. Nakangiti ang lalaki at pinindot ang shutter button saka ibinaba ang braso.

Lumingon ang lalaki kay Lucille, agad na bumaba ang tingin nito sa naka-usling labi ni Lucille. Napalunok ang lalaki at binitawan ang baba niya saka ibinalik ang cellphone.

“Ipakita mo na lang sa pulis ang first selfie natin na yan kapag ginawan kita ng masama. Kitang kita ang pagmumukha ko dyan,” sambit ng lalaki at pina-andar na ang kotse.

Napakurap-kurap na lang si Lucille at ibinalik ang cellphone sa kanyang bag. “Sige,” sagot niya at tumingin sa labas ng bintana sa kotse. Hindi niya alam ang daan na tinatahak nila dahil simula ng lumipat siya ay hindi naman siya nagpunta sa kung saan-saan. “Ano nga pala ang pangalan mo? Ang pangit naman kasi kung titira tayo sa isang bubong na hindi ko alam kung ano ang pangalan mo.”

“Vance. Call me Vance.”

Burning AffectionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon