"Tao po! May tao po ba sa loob?"
Kanina pa ako nakatingga sa labas ng malaking bahay. Kahit anong pindot ko sa doorbell, walang nagbubukas ng gate.
Aalis na sana ako nang may nagbukas ng gate. "Ito po ba ang-- aaaaaaaaah!" Sumiksik ako sa halaman na nasa tabi ng gate nang may lumabas na malaking aso sa gate.
"Jusko po! Ayoko pang mamatay!" Napapikit ako at halos nagpipigil ng hininga nang lumapit sa akin ang malaking aso.
"Dunky, come here baby." Napamulat ako nang isang mata nang makarinig ng boses. Boses ng lalaki.
Nagsalubong ang kilay niya na tumingin sa akin. "Anong ginagawa mo dito?" Hawak niya na ang tali ng malaking aso.
"Uhm, itatanong ko lang sana kung dito ba ang bahay ni Mr. Valdevieso?" Umayos na ako ng tayo.
"Anong kailangan mo?" Masama pa rin ang tingin niya sa akin. Hindi ko naman siya inaano.
"Isa akong babysitter."
Tumalikod siya sa akin at muling ipinasok ang malaking aso sa loob ng gate.
"Teka lang," Hinarang ko ang kanang paa ko nang isasara na niya ang gate. "Isa nga akong babysitter.
"Wala akong pakialam."
Pinandilatan ko siya ng mata. "I was hired by Mr. Valdevieso. Kaya kung ito ang bahay niya, papasok talaga ako. Kailangan ko ang trabahong ito." Matigas na sabi ko sa kaniya.
"Nagkakamali ka, walang bata dito."
"Huh? Anong wala? Malinaw ang sinabi sa akin ni Mr. Valdevieso na babantayan ko raw ang anak niyang si Ro--" Napaisip ako saglit. Jusko naman, Ashira. Ano nga ulit ang pangalan ng batang yun?
"Laos na yang budol na yan." Napadaing ako nang muli niyang isasara ang gate. Nakaharang pa rin kasi ang paa ko para hindi niya tuluyang maisara ang gate.
"Mukha ba akong mambubudol ha? Nakalimutan ko yung pangalan ng bata e. Rodulf? Romeo? Roman? Robert?"
Tumawa siya. "Mali lahat."
Napairap ako sa kaniya. "Basta ang alam ko lang, dito ang bahay ni Mr. Valdevieso. Teka nga lang tatawagan ko ulit para maniwala ka na hindi ako nambubudol." Hinanap ko ang cellphone ko sa bag. Nasaan na ba yun?
"No need. Pumasok ka at isara mo ang gate." Nawala na siya paningin ko kaya pumasok na ako sa loob at isinara ang gate.
Naabutan ko siyang nanonood ng tv sa loob. "Nasaan na ang bata?"
"Kanina ko pa sinasabi na walang bata dito. Gusto mo ulitin ko ng isang libong beses?"
Naguluhan ako sa sinabi niya. "Huh?"
"Magluto ka." Nakaharap pa rin siya sa tv.
"Huh? Eh nasaan na nga yung bata? Kung makautos ka naman."
"Hindi ka marunong magluto."
"Teka lang ha naguguluhan na talaga ako e. Una, nasaan ba kasi yung bata? Kasi nga ang utos sa akin, bantayan ko daw yun. Pangalawa, hindi ako nandito para ipagluto ka."
"May nakita ka bang bata?"
Napalinga naman ako sa paligid. Malaki 'tong bahay pero wala akong ibang naririnig na ingay kundi ang tv. Wala rin akong nakitang ibang tao bukod sa aming dalawa.
"Wala."
"Wala naman pala." Nakatutok pa rin siya sa panonood ng tv.
Kumunot ang noo ko. "Pero malinaw naman yung sinabi---"