Sa ikatlong araw, naabutan ko siyang nakaupo sa labas ng gate. Hawak-hawak ang tali ng aso niyang si dunky.
"Jusko naman, pakiusap ilayo mo sa gate yang aso." Kinakausap ko siya pero malayo pa rin ang tingin niya. Umaandar na naman siguro ang mood swings nito kaya hinayaan ko nalang.
Hindi rin naman ako tinatahulan ni dunky kaya nang mangalay ako sa kakatayo, tumabi na ako sa kaniya dun sa bench sa harap ng gate nila.
Kung ayaw niyang magsalita, edi wag. Maaliwalas naman ang panahon. Hindi masyadong mainit at hindi rin naman maingay dito sa subdivision nila.
Ini-enjoy ko nalang ang sariwang hangin at ang pagtingin sa mga magagandang puno sa labas ng mga bahay. Ilang saglit pa, may mga dumaan na sa tingin ko ay maglalaro ng basketball. Infairness, ang ggwapo ng mga mga yun ha.
"Gusto mo manood ng basketball? Dyan lang sa tabi ang court." Sa wakas ay nagsalita na rin siya. Kaso ang tamlay ng boses na para bang malapit na mamatay. Jusko.
"May sakit ka ba?" Hindi ko maiwasang itanong yun sa kaniya. Baka mamaya nilalagnat na pala 'to kaya agad kong nilagay ang palad ko sa noo niya.
"Ginagawa mo?" Masama ang tingin niya sa akin.
"Tinitingnan ko lang baka nilalagnat ka. Ako pa naman ipinagbantay sayo pero parang okay ka lang naman."
"Okay naman talaga ako sa labas." Mahinang sabi niya.
"Ah, pero sa loob hindi ka okay? Baka kulang ka sa kape." Baka may problema talaga siya pero ayaw niya lang pag-usapan. Hindi naman ako magtatanong.
"Wag mo akong kausapin." Sabi niya pa.
"Edi wag." Yun pa, hindi mauubos ang laway ko. Bahala nga siya sa buhay niya.
Kaya yun, hinayaan ko lang siya na mag isip-isip. Pinikit ko nalang ang mga mata ko at sumandal puno na nasa likod lang ng bench. Buti nalang may puno kundi mahuhulog talaga ako.
Naimbyerna pa naman ako kagabi dahil ang ingay ng kapitbahay namin na nag v-video-k hanggang madaling araw. Jusq. Ampapangit pa ng mga boses. Napuyat tuloy ako.
"Ayan puyat pa." Naalimpungatan ako at agad na napaayos ng upo dahil nakasandal na pala ako sa balikat niya. Nakakahiya.
"May nagsasalita ba?" Patay malisyang sabi ko. Kasalanan niya rin naman na inaantok ako dahil ayaw niya naman akong kausapin.
Mas masaya pa kasama ang mga makukulit na bata kaysa sa damulag na lalaking to. Paano ba, magkaiba naman kasi talaga ang bata kaysa dito sa 23 years old na.
"Gusto mo manood ng basketball?"
"Gusto mo?" Balik na tanong ko sa kaniya.
"Ako nauna nagtanong," Sabi pa niya.
"Ikaw naman binabantayan ko dito. Kung saan ka, dun rin ako."
"Talaga?" Mukhang bumuti na ulit ang mood niya ngayon. Bipolar nga yata siya e.
"Alam mo, nung isang araw ko pa 'to gustong itanong sayo."
Kumunot ang noo niya. "Ano?"
"Bakit kailangan mo ng babysitter o adultsitter? Matanda ka na rin naman."
Ibinalik niya ang tingin sa harap. "Hindi mo ako kilala." Nagkibit balikat nalang ako. Sabagay, hindi ko talaga siya kilala.
Siguro pipigilan ko nalang talaga ang sarili kong magtanong at gawin nalang ang trabaho ko. Ni hindi ko nga matandaan kung ano ang pangalan niya. Ano nga ulit yun? Romeo? Roque? Rogelio? Ah, basta may Ro dun.