Maaga ako nagising pero wala na siya sa kwarto. Bumaba ako sa sala pero wala rin siya doon.
Isang sticky note ang nakita kong nakadikit sa ref. 'Kumain ka'.
"Saan kaya nagpunta yun?" May pagkain na nakahain sa dining table. Hinanap ko rin siya sa labas at sa likod ng bahay pero hindi ko siya nakita.
Dahil hindi ko rin naman siya nakita, naghanda na ako para pumasok. Nagmumukha tuloy akong may-ari nitong bahay.
Handa na akong umalis pero hindi ko pa rin siya nakikita. Huling araw ko na ngayon dito. Hindi man lang ako nakapagpaalam sa kaniya. Hindi ko rin naitanong kung ano ulit yung pangalan niya. Wala rin akong number niya para matawagan ko siya.
Pagkatapos kong pakain si dunky, naghanda na ako para lumabas. Mabuti nalang mabait na ang malaking aso na yun. Huminga ako ng malalim. Kailangan ko ng umalis baka male-late na ako.
Pagkatapos kong isara ang gate, muli akong napatingin sa bahay. Okay. Aalis na ako.
Parang lumulutang ang utak ko pagdating ko sa university. Naalala ko kasi ang nangyari kagabi. Ilang beses niya akong hinalikan pero hindi man lang ako umalma. Bakit naging marupok ako sa lalaking yun?
Jusko naman, Ashira. Anong klaseng marupok na hangin ang pumasok sa utak mo? Huhu.
Nakakainis. Hindi siya mawala sa isip ko. Nababaliw na yata ako. Iniisip ko yung taong hindi ko maalala ang pangalan. Ano nang gagawin ko?
"Miss Rivero?"
"Miss Rivero?" Para akong nabalik sa katinuan nang may tumawag sa pangalan ko. Naguluhan rin ako dahil nakatingin sa akin ang lahat ng mga ka blockmates ko.
"Yes, po?"
"Presence of mind, Miss Rivero. If you're not going to listen, you can skip this subject."
"Sorry po." Aaah! Nakakahiya yun! Napahiya ako sa buong klase.
"Yan, lovelife pa." Sinamaan ko ng tingin si Sid. Akala mo naman kung sinong nakikinig sa klase e puro papogi lang alam. Hmp.
Buong hapon kahit anong pilit kong magfocus sa pag-aaral, lumilipad pa rin talaga ang isip ko papunta sa bahay niya. Valdevieso. Alam ko nga pala ang apilyedo niya pero hindi ang pangalan niya.
May number ako ni Mr. Valdevieso pero nakakahiya naman kung magtatanong ako kung ano ang pangalan ng anak niya o manghingi ako ng cellphone number ng anak niya.
Aaaaaaah! Nababaliw na nga talaga ako!
Nung hapon na, hindi ko nalang namalayan na dinadala na ako ng mga paa ko pabalik sa bahay niya. Parang may nag-udyok sa akin na pumunta na doon.
Ginayuma niya kaya ako? Aaaaah! Hindi naman siguro.
Hindi ako lumapit sa mismong gate ng bahay niya. Bumili ako ng mineral water sa tindahan na hindi masyadong malayo mula sa bahay at pasimpleng tumitingin. Nagbabakasakali na makita ko siya kahit sa huling beses tapos aalis na ako at kakalimutan ko na ang lahat ng nangyari.
May puting kotse na huminto sa tapat ng gate at bumubusina. May lumabas na batang lalaki at isang babae mula sa driver's seat.
Ilang saglit pa, bumukas ang gate at lumabas siya. Bagay na bagay sa kaniya ang suot niyang puting long sleeve polo at slacks. Nakasabit sa braso niya ang itim na coat. Ang gwapo niya tingnan ngayon.
Napainom ako sa hawak na tubig nang masayang tumakbo ang bata papunta sa kaniya at nagyakapan sila. "Dada!"
Dada? Wag niyang sabihin na...
Kinarga niya ang bata at lumapit naman sa kaniya ang babae. "Mama, dada!"
Hindi ako makapaniwala sa nakita. Hinalikan siya ng babae sa pisngi. Para silang masayang pamilya. Napatakip ako sa bibig ko.