XVIII

368 115 30
                                    

THIRD PERSON'S

"Bakit maganda siya, bakit ako ay hindi?! Bakit siya ay nasa trono na 'yon?" galit na sigaw ng babae. Sa inis niya ay sinira niya lahat ng kagamitan sa loob ng kanyang silid.

"Huminahon ka at huwag kang magpadala sa bugso ng iyong damdamin. Walang mangyayari kung ikaw ay sisigaw sa galit!" bulong sa kanya ng isang tinig.

Siya lamang ang nasa loob ng silid, ngunit may tinig siyang naririnig na tila ito'y kanyang kakampi.

"Sabihin mo, paano ako kakalma kung ang prinsesa na iyon ay ubod ng ganda? Samantalang ako, isang matanda na kulubot at puti na ang buhok! Nais kong maging maganda tulad niya! Nais ko rin na tingalain ako at mamangha sa akin ang lahat ng mga nasa Lumina!" galit niyang himutok.

"Alalahanin mo, kahit isa siyang maganda ay mayroon pa rin siyang kahinaan na dinadala," sagot ng nilalang na hindi niya nakikita.

Naalala niya ang tungkol sa sumpa ng prinsesa. Maaari niya itong gamitin upang mawala ang lahat sa prinsesa. Tiyak na katatakutan o ulanin siya ng tukso kapag nalaman ng lahat na ang kanilang hinahangaan ay may dalang sumpa.

"Kung hindi lang niya sana ako sinaksak ng punyal ay tuluyan ko na sana siyang napatay. Bakit kaya niya akong saktan at labanan? Akala ko ba'y isa siyang mahinang nilalang?"

May dahilan kung bakit siya muling nabuhay. Iyon ay upang paslangin si Prinsesa Liora at ikulong sa mundong ito si Elvira. Alam din niya ang tinatagong lihim ng prinsesa. Iyon ang gagamitin niya para mawala ito sa kanyang landas.

"Marahil ay may taglay na mahika ang kanyang armas," sagot ng nilalang sa kanya.

Siguro nga'y may dala itong mahika, dahil ang braso niya na sinugatan ng prinsesa ay nagkaroon ng peklat. Pakiramdam niya ay nalapnos ang kanyang braso na tila sinabuyan ng asido.

"Sabihin mo, bakit gustong-gusto mong mawala ang magkakaibigan na iyon?" seryoso niyang tanong.

Tinutukoy niya si Elvira pati ang tatlo nitong kaibigan. Alam niya na ang mga ito ay muli ring nabuhay sa Lumina. Alam niyang narito ang magkakaibigan na iyon sa libro na puno ng hiwaga at mahika.

"Hindi mo na kailangan pang malaman. Gawin mo na lamang ang aking pinag-uutos. Hindi ba't kagustuhan mo rin na mawala ang prinsesa? Lalo na't alam mo na kung sino ba talaga ang nasa loob ng kanyang katawan," sagot nito sa kanya.

"Maaari kang makipag-sanib pwersa sa mga nagnanais na mawala rin siya," dagdag pa nito.

"At sino ang 'yong tinutukoy?"

Pagkatapos niyang itanong 'yon ay biglang may lumabas na imahe sa salamin.

"Makipagsanib-pwersa ka sa kanila. Tiyak na lalakas ang iyong hukbo kung mapapasunod mo sila. Sigurado rin ako na matutulungan ka nila sa lahat ng plano mo, kaya dapat matupad ang mga gusto kong mangyari. Paslangin ang dapat paslangin lalo na ang apat na magkakaibigan!"

Biglang umihip ang hangin, naghatid ito ng matinding lamig dahilan para mamatay lahat ng mga kandila. Ngunit sa kanilang magkakaibigan, sino ang magiging ligtas? Sino nga ba ang magtatagumpay at makakalabas sa libro?

ELVIRA / LIORA

Hindi mawala sa isip ko ang babaeng nakita ko, ngunit kisapmata siyang nawala kanina.

"Ayos ka lang po ba?"

Nilingon ko si Lady Ruelle. Katabi ko lang siya habang ang lahat ng mga bisita ay abala sa kanilang ginagawa. Sina ama at ina ay nakikipag-usap sa ilang mahahalagang bisita. Ang iba ay masayang kumukuha ng maiinom na alak sa wine fountain.

The Cursed Princess (Resurrection Series #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon