Chapter 35: Start Again

56 1 0
                                    

Ines' POV

Dalawang buwan na ang nakalipas at marami nang nagbago. Ngayon lang din ako muling nakalabas ng bahay. Kung hindi lang kasi tumawag ang psychiatric hospital kung saan kasalukuyang naka-admit si Blaine. Gusto raw akong makita at makausap ni Blaine. Siya naman na ang nag-initiate kaya sino ba naman ako para hindi pumunta 'di ba?

The two months were chaotic. Sumuko si Julia at inamin ang lahat ng kaniyang mga pagkakasala. Nakulong na rin si Vinz at patong-patong ang naging kaso sa kaniya.

Hindi rin naging madali ang nangyari sa pamilya namin sa loob ng dalawang buwan.

Sunod-sunod kasing lumabas ang mga ebidensya at testimonya patungkol sa korupsyon ng tatay ko. Bigla ring lumutang ang nangyaring pag-kidnap sa akin twenty years ago. Ang buong akala ko at ng lahat ay kidnap for ransom lang ang motibo sa pag-kidnap sa akin, pero it turns out na malaki pala ang galit ng lalaking dumukot sa akin dahil inagawan sila ng lupain ng aking ama.

Hati ang naging reaksyon ng mga tao. Ang iba ay naaawa sa akin lalo na sa pinagdaanan ko noong limang taong gulang pa lamang ako. Ang iba naman ay sinasabing deserve ko raw 'yon lalo na't lumaki ako sa yaman ng pamilya namin, at ang yaman daw ng pamilya namin ay nagmula sa pangungurakot ng tatay ko.

Ngayon na lumabas ang tungkol sa pangungurakot niya ay masasabi kong posible ngang may parte sa yaman namin na mula roon, at hindi ako proud sa ganoon. Hindi ko nga alam na may ginagawang hindi tama ang tatay ko habang nakaupo siya sa gobyerno. Nag-umpisa lang siya sa pagiging kapitan at hindi ko inasahan na magmula pa noong una ay naghahakot na siya sa kaban ng bayan.

Hindi ko nga alam kung bakit niya pa ba 'yon ginawa. Marami naman kaming negosyo at malaki rin ang kinikita roon. Hindi ko talaga maintindihan ang mga ginawa niya. Basta wala akong alam sa lahat ng 'yon at sinabi ko 'yon sa media noong lumabas ang tungkol sa issue na 'yon. Ngayon ko nga lang nalaman 'yon, at ngayon ko lang din naunawaan ang sinabi noon sa akin ni Blaine.

Ang iba ay naniwala sa akin, ang iba naman ay hindi. Hindi ko naman sila masisisi kung iba-iba ang tingin at masasabi nila sa issue na 'yon.

Nagulat nga rin ako dahil biglang lumabas ang tungkol sa pamilya namin. May isang blogging site na naglabas kung gaano raw kagulo at kalungkot ang pamilya namin. Inihayag din doon na naglayas daw ako sa amin dahil hindi maayos ang pamilya namin.

Sirang-sira na kami sa harap ng media. Maski ang pagiging influencer ko ay naapektuhan na rin, kaya naman last month ay napagdesisyunan kong tumigil na sa pagiging influencer at tuluyang maglaho sa harap ng media. Hindi naman na ako masaya sa ginagawa ko, at sobrang toxic na rin ng social media para sa akin.

Tinulungan ko na lang na makahanap ng bagong trabaho ang mga taong nagtatrabaho sa akin bago ko tuluyang binura ang lahat ng social media accounts ko.

Tungkol naman sa katauhan ko bilang si Diamond, masasabi kong tama nga ang sinabi ni Nemesis. Nabaliktad na nga ang lahat. Diamond is now seen as a vigilante who stole to catch the attention of the authorities to help them uncover the hidden illegal deeds of Julia and Vinz. Iniisip din ng mga tao na kay Diamond nanggaling ang lahat ng ebidensya patungkol sa mga illegal na gawain nina Julia at Vinz.

Mabuti na ang tingin nila ngayon kay Diamond at naging masama na ang tingin nila kay Julia, lalo na't inamin ni Julia na ninakaw niya ang mga design ko. Gusto ko ngang matawa dahil puro sila puri ngayon kay Diamond, samantalang halos puro pamba-bash naman ang natatanggap ko.

Iisa lang naman kami ni Diamond. I wonder kung ano ang magiging reaksyon ng mga tao kapag nalaman nila 'yon. Well, wala naman akong balak na ipaalam sa kanila 'yon.

"You okay? Sigurado ka bang gusto mo talagang puntahan si Blaine?"

Nagising ako sa aking malalim na pag-iisip nang marinig ko ang boses ni Nemesis. Kaagad ko ring naramdaman ang pag-iinit ng aking mukha nang makita kong nakapatong ang kaniyang kanang kamay sa aking binti habang nakahawak naman sa manibela ang kaniyang kanang kamay.

Loving NemesisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon