Naalala Ko Na

9 0 0
                                    

Pinagmamasdan kita mula sa malayo.
Wala ka na naman sa sarili.
Parati ka na lang ganiyan.
Nakatunghay sa bukas na bintana habang malayo ang tanaw.
Sabik na akong makita ang dating ikaw— ‘yung masayahin at palangiting ikaw.

Naalala mo pa ba tuwing dinadalaw kita noon?
Palagi akong may baong tinapay na gustong-gusto mong isinasawsaw sa gatas na nuknukan ng tamis.
E, ‘yung mga laruang binili natin nang magkasama na siyang pagkatago-tago mo?
Nang huling dalaw ko sa iyo ay nakita ko pa ang mga iyon na pakalat-kalat sa mismong kwarto mo.

Ang sarap bumalik sa pagiging bata, ano? ‘Yung tipong ang problema lang natin ay kung paano natin tatakasan ang mga magulang natin para makapaglaro ng habulan, patintero at kung ano-ano pa. Hindi gaya ngayon...

“Kumusta ka na?”
Mula sa kinalalagyan ko ay tinawag kita.
Isa. Dalawa. Tatlo.
Tatlong beses ko na tinawag ang pangalan mo.

Marahan kang pumihit at tinapunan ako ng tingin.
Ngumiti ako. Hindi— isang ngisi ang ibinigay ko sa iyo.

Sumigaw ka!
Nagtitili. Para bang takot na takot ka na makita ang wangis ko.
Umiiyak ka na. Sabu-sabunot mo ang may kahabaan mong buhok.
Napailing ako. Bigla kong naalala na unti-unti na nga pa lang naagnas ang aking mukha. Ramdam ko rin ang  mangilan-ngilang naglalakihan na mga puting uod na gumagapang sa paligid ng aking mata. Tila damit na pinilas ang aking labi na bahagyang nakahiwalay sa aking balat. Dama ko rin sa aking tuyot na balat ang mainit na likidong patuloy pa rin sa pag-agos papunta sa aking leeg.

“Patay ka na. Patay ka na!” tanging nausal mo habang iiling-iling.

Tama.
Naalala ko na ang lahat. Kung bakit ka narito at palaging tulala. Patay na nga pala ako. Pinatay mo nga pala ako, ‘di ba? Dahil lang sa ako ang pinili niya at hindi ikaw. Pinagkatiwalaan pa man din kita. Ikaw na matalik ko na kaibigan. Ikaw na itinuring ko na parang tunay na kapatid.
Mang-aagaw!
Ipagdarasal ko na sana’y masiraan ka lalo ng ulo at tuluyang mabaliw. Dahil kahit bawian ka pa ng buhay ay kulang pa iyong kabayaran sa aking kamatayan.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jun 19, 2024 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Flash FictionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon