Pasko na naman pala. Sa tuwing sasapit ang araw na 'to, hindi ko mapigilan ang sarili ko na hindi malungkot. Nakakatawa. Dapat ay nagsasaya rin ako tulad ng mga tao sa paligid ko. Pero anong magagawa ko? Tanging kalungkutan ang nangingibabaw sa akin tuwing sasapit ang araw na ito.
Paano ko ba magagawang magsaya kung sa tuwing ipipikit ko ang aking mata ay ang pangyayaring iyon ang aking nakikita?
Dalawang taon. Dalawang taon na ang nakakaraan nang mangyari ang insidenteng iyon.
Naglalakad kami noon sa parke, magkahawak ang kamay at hindi alintana ang mga mapanghusgang tingin ng mga tao. Wala kaming pakialam, ang mahalaga, masaya kaming pareho. Mahal namin ang isa't isa.
Habang magkalapat ang mga palad namin, pakiramdam ko kaming dalawa lang ang tao sa lugar. 'Yung tipong para kaming nasa ibang dimensyon. Ang saya-saya lang. Buong maghapon kaming magkasama, kahit saglit lang ay hindi kami naghiwalay. Kumain kami sa labas, kumanta sa karaoke bar, naglibot sa mall at kung ano-ano pa. Hindi nga namin namalayan ang mabilis na paglipas ng oras.
Gano'n naman kasi talaga. 'Pag kasama mo ang taong importante sa'yo, hindi mo mapapansin ang mabilis na pagtakbo ng oras. Masyado ka kasing abala sa masasayang sandali na kasama mo siya.
Alas diyes ng gabi. Naglalakad na kami pauwi nang may isang matandang lalaki na humarang sa amin. Halos mapayakap na lang ako sa kanya nang maglabas ito ng baril na siyang nagpabilis ng tibok ng puso ko.
Pagkalipas ng ilang sandali, isang putok ang umalingawngaw.
Araw ng pasko, nabaril at namatay ang lalaking pinakamamahal ko.
Dahan-dahan kong iminulat ang mata ko saka itinuon ang aking buong atensyon sa lapida sa harap ko. "Kumusta ka na, mahal ko? Sana masaya ka na riyan. H'wag mo akong problemahin dito sa lupa. Sigurado naman akong malalampasan ko rin ito. Tandaan mo, mahal na mahal kita." Tumayo na ako at isinukbit ang bag sa aking likuran. Dumaan lang kasi ako sandali ng sementeryo bago pumunta sa bahay ni Tita at mag-celebrate ng pasko.
Napalingon naman ako sa aking likuran nang marinig ang boses ng kapatid ko.
"Kuya Ariel, tara na po. Hinihintay na tayo nila Tita."

BINABASA MO ANG
Flash Fiction
RandomMga tinipong basura, kalat, ka-ek-ek-an at kung ano-ano pa. Maiikling kwento na bunga ng tamad na pag-iisip ng may akda.