Limos

149 3 2
                                    

Maingay na naman ang paligid. Buhay na buhay. Kahit papasok pa lamang ako sa loob ng palengke ay dinig ko na ang nagsusumigaw na tindera ng isda. Ang pag-aalok ng magmamanok sa kaniyang mga suki. Ang pagtama nang matalim na panghiwa na gamit ng mga matadero sa malapad na sangkalan. Abala ang lahat sa kani-kanilang gawain.

Dahan-dahan akong lumapit sa isang Ginang na may dalang bayong. Bumibili siya ng buhay na manok. Tinaasan niya lang ako ng kilay nang mapansin ako sa kaniyang tabi. Pagkuwa'y tinitigan ang kabuuan ko na parang diri-diri saka ako sinenyasan na umalis sa paningin niya.

Agad ko naman siyang sinunod, walang imik-imik at marahang lumapit sa tindero ng manok. Katulad ng Ginang na may dalang bayong ay ganoon din ang ginawa sa akin ng tindero. Pinagtabuyan ako nito na may kasamang pangungutya. Kahit masakit ang kaniyang mga sinabi tungkol sa akin ay hindi na ako kumibo at mabilis na iniwan ang harapan ng tindero.

Minsan, naiisip ko na napakalupit ng mundo sa isang tulad ko. Ano bang kasalanan ang nagawa ko upang maranasan ang ganito? Kasalanan ko bang ipinanganak akong mahirap at nalilinya sa mga taong nasa laylayan ng lipunan?
Isang pulubi. Mamalimos. Busabos— kung tawagin ng ilan. Sinubukan ko namang makaalis sa ganitong sitwasyon ngunit kahit paanong pilit ang gawin ko ay walang nangyayari. Nananatiling nasa itaas ang mayayaman at nananatiling lugmok ang mga tulad ko na binansagang latak ng lipunan.

Naalala ko pa nang minsan akong sumubok pumasok bilang kasambahay sa isang mayamang pamilya, napagkamalan pa akong magnanakaw. Bukod pa roon, hindi raw ako mukhang mapagkakatiwalaan. Hindi ko naman sila masisi, kung base lang din namin sa hitsura, kahit ako ay hindi ko tatanggapin ang isang kagaya ko.

Nakakalungkot.

Kaya hindi ko rin masisi ang mga tao kung pinagdadamutan at tila pinandidirihan ang isang tulad ko. Matanda na, amoy lupa pa. Gusgusin at gula-gulanit pa ang suot ko. Halos puno na yata ng grasa ang buong katawan ko dahil sa katutulog kung saan maabutan ng antok.

Nakakalumbay. Hanggang kailan ba matatapos ang kalbaryo ko na ito? Kung ipinanganak lang sana ako sa ibang katauhan marahil ay wala ako sa ganitong sitwasyon.

"Nay, sa inyo na lang po ito." Napasulyap ako sa batang babae sa aking harap. Suot ang isang magandang ngiti sa kaniyang maamong mukha ay inaabot niya sa akin ang isang balot ng tinapay at bote ng inumin.

Malugod ko iyong tinanggap at may ngiti sa labi. "Salamat, anak. Salamat."

Flash FictionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon