Naglalakad ka na pauwi galing sa tindahan ni Aling Bebang nang may marinig kang umiiyak. Mabilis mong pinagala ang 'yong paningin. Dahil sa may kalakasan ang buhos ng ulan at madilim ang paligid ay hirap kang matukoy kung saan nanggagaling ang iyak. Hindi rin naman nagtagal ay natunton mo ang kinaroroonan nito.
"Okay ka lang ba, Miss?" Hinawakan mo siya sa balikat. Agad ka ring nakaramdam ng panlalamig dahilan para mapayakap ka sa'yong sarili.
Dahan-dahan itong humarap sa iyo, "Sa'yo ko dapat tinatanong iyan."
Nangunot ang 'yong noo. Hindi mo siya maintindihan.
"Halika, sumama ka sa'kin," saka ka niya hinila kung saan.
Agad na nanlaki ang 'yong mga mata. "H-hindi maaari," nangangatal na sabi mo. Mula sa 'yong harap ay nakahandusay ang 'yong sarili at naliligo sa sariling dugo. Kitang-kita mo rin ang ilang mga naka-usling buto na marahil ay dulot ng isang malaking bagay na dumagan sa 'yong tiyan. Halos humiwalay rin ang 'yong braso sa 'yong balikat. Napahagulgol ka na lang.
"Salamat, ha?" Isang malamig na kamay ang 'yong naramdaman mula sa 'yong balikat. "Salamat sa pagligtas sa akin sa rumaragasang truck. Pero kapalit naman ng pagsagip mo sa akin, nawalan ka rin ng buhay."
Isang matinis na sigaw ang 'yong pinakawalan.
BINABASA MO ANG
Flash Fiction
DiversosMga tinipong basura, kalat, ka-ek-ek-an at kung ano-ano pa. Maiikling kwento na bunga ng tamad na pag-iisip ng may akda.
