Repleksyon

166 3 0
                                        

NAKALIMUTAN ko na ang dahilan  kung bakit ako nasa ganitong kalagayan— nakahiga sa masikip at magarang kahon na para sa mga walang buhay. Ano nga bang nangyari sa akin at sumapit ako sa ganitong sitwasyon? Ang sagot, hindi ko matandaan.

Mabilis kong ipinagala ang aking paningin sa paligid.

Kalungkutan. Kalungkutan ang nakapinta sa mukha ng iilang tao sa paligid ko. Ang iba sa kanila'y tumatangis at luhaan. Ang iba naman ay  tila mga nakangiti at tuwang-tuwa habang pinagmamasdan ang aking kalagayan. Ang aking kinahantungan.

Habag sa sarili ang naramdaman ko nang muli ay tapunan ko ng tingin ang aking kabuuan. Kahit sa repleksyon lamang ay 'di ko magawang titigan nang matagal ang aking sarili. Lapnos ang aking buong mukha. Namamaga ang kaliwang talukap ng aking mata. Maging ang aking buong katawan ay punong-puno ng paso at mga galos. Wala na ang dating makinis kong balat. Ang maamo kong mukha ay labis na nasira. Kahit saang anggulo, hindi ko na makita ang dating wangis ko.

Ano bang nangyari? Bakit ako nagkaganito?

Ang mga katanungan sa isip ko ay agad na nasagot nang may isang batang paslit na dahan-dahang lumapit sa aking kinaroroonan.  Nakangiti siya habang bitbit ang isang piraso ng pulang rosas.

Mabilis na nagsunod-sunod ang pagpatak ng aking mga luha. Gustuhin ko mang bumangon at yakapin siya  nang mahigpit ay hindi ko magawa. Gusto kong humingi ng tawad. O 'di kaya'y magpatirapa sa kanyang harap. Labis akong naku-konsensiya sa aking nagawang krimen. Kasalanan ko ang lahat. Kulang pa ang sinapit ko kumpara sa naging kalagayan niya. Kulang pa ang buhay ko bilang kabayaran sa buhay ng kanyang mga magulang.

Nagkamali ako. Nagkamali ako ng bahay na sinunog. Hindi pala sila ang dapat kong paghigantihan. Maling pamilya ang nadamay nang dahil sa paghihiganti ko sa mga taong sumira ng buhay ko. Isang paslit. Isang musmos na tulad ko noong matupok din ang munti naming tahanan. Kaya nga kahit huli na ang lahat, kahit malakas na ang apoy ay pilit ko siyang iniligtas. Kahit na sariling buhay ko pa ang naging kapalit. At nagpapasalamat ako at heto siya sa aking harap, buhay at patuloy na namumuhay.

Nagpapasalamat ako at kahit papaano'y may mabuti pa rin akong nagawa bago ako binawian ng buhay. Na kahit buong buhay ko ay paghihiganti lang ang nasa isip ko ay nagawa kong gumawa ng tama. Kahit isang beses lang; kahit sa huling hininga ko lang.

Muli pa ay pinagmasdan ko ang repleksyon ng aking sarili mula sa salamin sa harap ng aking mukha. Napangiti ako. Ngayon ay naalala ko na. Naalala ko na ang dahilan kung bakit ako narito at kung bakit maraming tao; upang ihatid ako sa aking katapusan, sa aking huling hantungan.

Flash FictionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon