Sabi mo sa akin noon, "Mahal na mahal kita." Pero ano'ng nangyari? Isang panlilinlang ba ang mga katagang 'yon? Hindi ako makapaniwala na pinagpalit mo ako - ako na mahal na mahal ka. Oo nga't tutol ang mga magulang natin sa pag-iibigan nating dalawa. Pero wala namang masama, 'di ba? Wala silang magagawa, nagmamahal lang tayo. Wala tayong ginagawang masama. Kung masama ang magmahal, ano na lang ang mabuti sa mundong ito? Ano?
Nagsimula nang tumugtog ang orkestra. Naglalakad na rin ang mga piling tao na inimbitahan ninyo para sa pagdiriwang na ito. Habang masaya at nakangiti silang nagma-martsa, pakiramdam ko'y tinatapakan nila ang puso ko.
Napakuyom na lang ako ng aking kamao. Hindi mo dapat 'to ginawa. Sa ginawa mong ito, daig ko pa ang sinaksak ng maraming beses. Ang sakit-sakit! Hindi ko yata kayang makita ang babaeng pinakamamahal ko na lumalakad sa altar at papunta sa ibang lalaki maliban sa akin.
Sana pinatay mo na lang ako kasama ng pangako nating dalawa. Saksi ang bilog na buwan sa kalangitan kung gaano kita kamahal. Alam mo 'yan. Gano'n ka rin, 'di ba? Ngunit kasabay yata nang paglaho nito sa kadiliman, naglaho na rin ang 'yong pagmamahal.
Tumayo na ako sa aking kinauupuan. Hindi ko na matanggap ang aking nakikita.
Nananadya ka bang talaga? Bakit ang saya-saya mo gayong narito ako't nagluluksa? Ano bang nangyari sa 'yo? Nalimutan mo na bang talaga ang pangako natin sa isa't isa? Ikaw at ako... hanggang wakas, 'di ba? Kahit ano'ng mangyari, tayong dalawa lang, tayo lang. Ikaw pa nga ang may sabi ng mga salitang 'yan. Pero ano'ng nangyari? Bakit ganito? Gusto kong malaman ang iniisip mo.
Tuluyan na akong tumalikod at lumabas ng simbahan. Bago tuluyang umalis sa lugar, pinagmasdan ko sa huling pagkakataon ang babaeng pinangakuan ko ng habambuhay. Napakuyom na lang ako ng aking kamao. "Mahal na mahal kita, Ate. Paalam."
BINABASA MO ANG
Flash Fiction
AcakMga tinipong basura, kalat, ka-ek-ek-an at kung ano-ano pa. Maiikling kwento na bunga ng tamad na pag-iisip ng may akda.
