Nagpahinga muna saglit si Saint pagsapit ng alas nuebe. Wala pa siyang kain at kumukulo na ang kanyang tiyan sa gutom kaya naman iniwan niya muna ang kanyang ginagawa upang magluto ng agahan. Paniguradong nagugutom narin ngayon ang kanyang lola.
Pagpasok niya sa kubo ay dumeretso siya sa kusina para magsaing. Hindi siya nakapagsaing kanina dahil mas inuna niya ang pamumutol ng kahoy. Habang nagsasaing ay nag prito rin siya ng daing. Tanging kahoy lamang ang kanilang panggatong kaya kailangan niya pang hipan kapag nawawalan ng apoy.
Pagkatapos niyang magluto ay nag sandok siya ng kanin at nilagay sa mesa pagkatapos ay pumunta sa kabilang kuwarto upang tawagin ang kanyang lola Pasing para kumain ng agahan.
“La, ” mahina ang boses niyang tawag pagkapasok sa kuwarto.
Nakita niyang nakahiga ang ulo nito sa tiyan ng kanyang lolo Teryo habang mahigpit na magkahugpong ang mga kamay.
“La, ” panggigising niya. Kunot noo niyang nilapitan ang lola at niyugyog ang balikat.
“La, gumising na po kayo. Kakain na tayo ng agahan. ” ngunit wala siyang nakuhang sagot. Hindi man lang ito nagising sa malakas niyang pagyugyog.
Mabilis na bumundol ang kaba sa kanyang dibdib. Namawis ang kanyang noo at nanlamig ang kanyang palad. Nanginginig ang kanyang daliring hinarang ang daliri sa ilong nito para kompermahin kung humihinga pa.
Umawang ang kanyang bibig nang malamang hindi na ito humihinga. Nangingilid ang luhang malakas niyang niyugyog ito.
“Lola ano ba! Gumising na po kayo, kakain na po tayo. ” naiiyak niyang sabi at pilit itong ginigising. Ngunit hindi man lang ito nagmulat ng mata.
Mabilis niyang niyakap ang malamig na katawan ng kanyang lola Pasing. Parang sinasakal siya sa sakit ng kanyang puso. Humahagulgol siya ng iyak.
Parang ano man oras ay malalagutan na siya ng hininga. Hindi niya inaasahang mangyari ito. Dalawang pinaka–importanteng tao sa kanya ay nawala. Parehong kinuha agad sa kanya. Ngayon, hindi na niya alam kung ano ang gagawin niya.
Tanging iyak niya lamang ang maririnig sa buong paligid. Nanghihina ang katawan niyang sumalampak sa sahig. Tulala siya habang walang humpay sa pag–agos ang kanyang mga luha.
Ilang minuto siyang tulala at wala sa sarili hanggang bumalik siya sa ulirat. Tumayo siya at binuhat ang katawan ng kanyang lola Pasing bago pinagtabi ang dalawa sa maliit nilang higaan. Umiiyak niyang pinatakan ng halik ang mga noo nito bago lumabas para tapusin ang paggawa ng dalawang kabaong.
Hapon na bago siya matapos sa pagpapanday ng dalawang kabaong. Kaya nang matapos ay agad niyang nilagay sa kabaong ang dalawang matanda. Tanging lampara lamang ang nagbibigay ilaw sa gabi. Mayadong tahimik ang paligid na animo'y nakikisimpatya sa kaniya.
Kinabukasan ay maaga siyang naghukay. Ngayon niya ililibing ang kanyang lola at lolo para hindi umaliwalas ang amoy. Parang walang katapusan sa pagtulo ang kanyang luha. Umiiyak siyang naghuhukay ng libingan. Nang matapos ay siya lang rin mag–isa ang nagpasok sa kabaong sa hinukay niyang libingan.
Malalakas na pumatak ang ulan na animo'y nakikidalamhati sa kanya. Basang basa na siya ng ulan ngunit hindi niya ito binigyang pansin. Pareho niyang tinapunan ng bulaklak ang dalawang kabaong bago niya tinabunan ng lupa.
Tulalang nakatunganga si Saint sa pagkaing nakahain sa mesa. May tatlong pinggang nakalatag sa mesa. Nasanay kasi siyang tatlong pinggan ang nilalagay. Nakalimutan niyang wala na ang dalawang pinaka–importanteng tao sa kanyang buhay.
Malungkot siyang bumuntong hininga bago niligpit ang nakahaing pagkain. Nawalan na siya ng ganang kumain. Parang hindi niya kayang lumunok ng kanin sa iisiping siya lang mag–isa ang kakain at uubos ng lahat.
Nang matapos sa pagliligpit ay pumasok siya sa kuwarto ng kanyang lola at lolo. Lilinisin niya na lamang ang kuwarto para malibang siya.
Sinimulan niyang linisin ang dorabox. Mula sa mga damitan ng kanyang lolo hanggang sa damitan ng kanyang lola. Maigi niyang tiniklop ang mga damit ng kanyang lola't lolo. Nang matapos sa pagtiklop ng mga damit ay binuksan niya ang panghuling box ng dorabox.
Nang mabuksan niya ito ay agad niyang kinuha ang mga gamit na nakalagay para sana linisin. Ngunit napahinto siya ng may mahulog. Pinulot niya ito sa sahig at binuksan. Nakita niya ang isang larawan ng masayang pamilya. Isang batang babae na malawak ang ngite sa kamera habang ang ina at ama ay nasa magkabilang gilid ng batang babae na parehong nakangite. Kilala niya ang batang babae, ito ang kanyang ina habang ang lola't lolo naman niya ang dalawa pang nasa litrato. Muli na namang nag alpasan ang kanyang luha sa mga mata. Nanginginig ang daliring hinaplos niya ang mukha ng inang hindi niya man lang nasilayan. Pagkatapos ay ang mukha naman ng dalawang matandang nagpalaki sa kanya ang hinaplos.
Nanikip ang kanyang dibdib at nahirapan siyang huminga. Parang may bumara sa kanyang lalamunan dahil nahirapan siyang lumunok.
“A–Ang daya niyo, ang daya-daya niyo. I-Iniwan niyo akong mag-isa. ” tumatangis niyang kausap sa hawak na litrato.
“B-bakit niyo naman ako iniwan? H-hindi pa pwedeng isama niyo nalang ako?... A-ang daya n-niyo. ” nanginginig ang kanyang boses habang nagsasalita.
Hindi siya makapaniwalang mag-isa na lang siya ngayon. Parang ang hirap tanggapin. Nilapit ni Saint ang larawan sa kanyang dibdib. Humiga siya sa kama at pinikit ang mata. Namigat ang kanyang mata sa labis na pag-iyak. Nahihirapan siyang imulat ito. Sa sobrang pag-iyak ni Saint ay hindi niya namalayang nakatulog siya.
Nagising siya kinahapunan na parang nanlalanta. Wala siyang ganang tumayo dahil sa pagluluksa. Wala rin siyang kain ngunit hindi siya nakaramdam ng gutom. Parang naging manhid siya. Wala siyang maramdamang emosyon. Tumigil na rin siya sa pag-iyak at nakatulala lang sa kisame.
Ang kanyang buhok ay magulo, ang mga mata'y namamaga at ang ilong ay namumula. Dahil nga mestisa siya ay Kitang-kita ang ibedensya ng kanyang pag-iyak. Ngunit walang pakialam si Saint. Wala siyang pakialam sa hitsura niya. Ang laman lamang ng kanyang utak ay mag-isa siya. Na iniwan na siya ng mga taong mahal niya.
Nag-agaw ang kulay kahel at puti sa kalangitan hanggang tuluyang dumilim ang paligid. Namalayan na lamang ni Saint na gabi na. Walang buhay siyang tumayo at sinindihan ang lampara. Lumabas siya ng bahay at umupo sa upuang nasa ilalim ng puno.
Naalala niya. Kapag sumapit ang alas sais ng gabi at pagkatapos nilang kumain ng hapunan. Tumatambay sila ng kanyang lola at lolo. Kinukwentuhan siya ng mga ito patungkol sa takbo ng kanilang estorya. Kung paano nagkakilala ang dalawa. Siya naman itong taimtim na nakikinig habang nakangite. Minsan natawa siya kapag dinagdagan ng kanyang lolo ang estorya. Sinasabi nitong patay na patay sa kanya ang lola. Kaya naman, palaging nakakatanggap ng batok ang kanyang lolo sa kanyang lola.
Nang maalala ang mga gabing iyon ay hindi niya maiwasang malungkot na naman ulit. Mapait siyang napangite at tumingala.
“La, lo. N–Namimiss ko na kayo. Kayo kaya, n-namimiss niyo ba ako? ” mapait niyang tanong habang nakatitig sa dalawang makinang na bituing magkatabi.
“S-Siyempre, mamimiss niyo ako kasi ako lang naman ang nag-iisa niyong apo. ” natatawa niyang usal.
Kinagat niya ang pang-ibabang labi at nilunok ang bara sa kanyang lalamunan. Huminga siya ng malalim.
“Huwag ka pong mag-alala lo, iingatan ko si Sinag at Sikat. Aalagaan ko rin po ang mga pananim natin. Lalong lalo na po ang ating palayan. ” pangako niya.
Saglit pa siyang nakikipag usap sa bituin bago bumalik sa loob ng bahay at natulog na walang laman ang tiyan.