“Saint! Halika samahan mo ako sa pamamalengke. ” pag-aaya ni Maureen kay Saint.
Tumango si Saint.
“Tatapusin ko muna 'to bago kita sasamahan. ” sagot niya sa mahinahong boses.Kasalukuyan siyang naghuhugas ng mga pinggan na pinagkainan nila kaninang agahan. Dalawang araw na siyang naninirahan sa pamilyang Escolta. Maayos naman ang pakikitungo nila sa kanya. Tinuring siya ng mga ito na ka-pamilya. Lalo na ang dalawang magkapatid.
“Sige, hihintayin kita dito sa sala. ” wika nito sabay labas ng kusina. Mabilis niyang tinapos ang paghuhugas dahil baka mainip na sa paghihintay si Maureen.
Tumayo ito nang makita siyang lumabas ng kusina.
“Tara na? ” nakangiti nitong tanong sa kanya.Tumango siya. Hindi na siya nagbihis dahil malinis pa naman ang kanyang suot. At siyaka, sa palengke lang naman sila pupunta. Naglakad sila palabas ng eskinita. At pagdating naman sa eskinita ay agad itong pumara ng masasakyan. Excited at namamangha siyang tumingin sa mga sasakyang nagsidaanan.
“Parang ngayon ka palang nakakakita ng mga sasakyan ah. ” puna ni Maureen nang mapansin ang kanyang kagalakan.
Malawak ang kanyang ngiti na nilingon niya ito.
“Sa tanang buhay ko kasi ay ngayon pa lamang ako nakakakita ng sasakyan. Gusto kong sumakay, sasakay rin ba tayo ng ganyan? ” tanong niya sabay turo sa nakaparkang sasakyan sa gilid ng daan.Laglag ang panga at hindi makapaniwala siyang tiningnan ni Maureen.
“Wow! ” namamangha nitong sabi at kumurap-kurap ng ilang beses. “Taong bundok ka nga talaga. ” dagdag nito.
“Hindi ganyan ang sasakyan natin. 'Yon! Ganun ang sasakyan natin. ” sagot nito sa kanyang naging tanong sabay nguso sa mahabang sasakyan.
“Anong tawag diyan? ” tanong niya.
“Tawag diyan ay Jeepney or jeep. At 'yong tatlo ang gulong. Trycicle tawag diyan. 'Yong tinuro mo naman kanina ay kotse ang tawag d'on. Ang kaibahan ng tatlo ay may aircon ang kotse kompara sa jeep at trycicle. ” paliwanag nito sa kanya na ikinatango niya.
“Ano 'yong aircon? ” takang tanong niya at kinamot ang tungki ng ilong.
“Ang aircon. 'Yon 'yung may malamig na binubugang hangin. ” paliwanag ulit nito.
“Halika na nga. ” saad nito nang may huminto sa harapan nila na jeep. Mabilis siyang sumunod rito ng mauna itong sumakay.
“Maureen wag mo akong iwan. ” natatakot niyang saad nang maunahan siya ng iba sa pagsakay. Narinig niya ang pagtawa nito sa loob at ang paglingon sa kanya ng ibang sumasakay. Parang nahihiwagaan sa kanya.
Nang makasakay siya at makaupo sa tabi nito ay mahigpit siyang kumapit sa braso ni Maureen na mas lalong ikinatawa nito.
“Para kang tuko kung makakapit ka sa akin. Hindi naman ako tatakbo. ” natatawa nitong puna.
Ngumuso siya dahil hindi siya natutuwa. Natatakot talaga siya kanina, takot siya na baka maiwan siya nito. Nang umandar na ang jeep ay mas lalo siyang napakapit ng mahigpit dito. Lalo na ng mabilis ang takbo ng jeep. Namawis ang kanyang kamay at para siyang masusuka. Sobrang lakas rin ng pintig ng kanyang puso sa kaba.
“M–Manong dahan-dahan naman po. ” kabado niyang saad sa driver.
Impit na natawa ang mga nakasakay dahil sa kanyang sinabi.
“Iha, normal na takbo nga lang ito e. ” sagot ng driver sa kanya.
Hindi na siya nagsalita pa dahil baka pagtawanan siya ulit. Dumukwang si Maureen sa kanya at mahinang bumulong.