Lilyana
Iniisip ko kung paano ko haharapin si zion pagkatapos ng nangyari samin. Pagkatapos niyang sabihin yung nararamdaman niya, umalis ako dahil ayoko na makita niya akong umiiyak.
Ayokong sisihin niya yung sarili niya. Ayokong isipin niya na kasalanan niya dahil lang sa hindi niya ako magustuhan. Kaya umuwi ako ng bahay.
Hindi ko lang inaasahan na magbibiro si mama ng ganoon, kaya humanda siya. Isusumbong ko siya kay zion.
Nawala lang ako sa pag iisip ko ng tumambad samin ang mama ni zion.
"Ikaw ba si Lilyana, iha?" Tanong nito sakin. Tumango lang ako. "Halika, pumasok kayo. Kanina pa naghihintay ang anak ko." Dugtong nito. Ramdam niyang ilag ako sa kaniya, kaya hindi na ulit ito nagtanong.
Kahit nasa labas pa lang, mapapansin na agad na malaki ang bahay nila. Mayaman sila, kaya nga hindi ko maiwasang isipin kung bakit mas pinipili niyang maglakad kasama ako kesa sumakay.
Napansin ko na maraming taong nakaupo sa terrace nila. Kaya ba inaya akong pumunta ni mama dito kila zion ay dahil alam niyang may handaan? Hindi man lang ako ni-chat ni zion.
Inaasahan ko na ang nakangiting zion ang bubungad sa amin pagkapasok namin sa loob pero walang zion na bumungad. Mali. Bumungad ngunit picture niya ang nakita namin.
Ilang beses kong ipinikit at idinilat ang mata ko, umaasang nagkakamali lang ang tingin ko. Umaasang walang malaking picture ni zion na nakalagay sa tabi ng kabaong. Umaasa na hindi si zion ang nasa loob.
Gusto kong makasigurado. Hinawakan ko ang bracelet na ibinigay sakin ni zion na suot ko ngayon. Hinimas ko ito na para bang doon ako kumukuha ng lakas. Humakbang palapit sa kabaong. Huminga ng malalim. At tumingin.
Hindi ko alam kung anong nangyari. Namalayan ko na lang na nakasalampak na ako sa sahig. Pinoproseso ng utak ko kung totoo ba ang nakita ko. Kung si zion ba talaga iyon.
Nang masigurado ko na siya nga, hindi na maawat ang luha ko. Hindi malaman kung anong gagawin.
"Bakit? Bakit, zion? Bakit nandiyan ka?" Sabi ko. "Bumangon kana diyan, oh. Kung iniisip mo na galit ako, nagkakamali ka, pero kapag hindi ka bumangon, tuluyan na akong magagalit sayo, kaya please zion parang awa mo na, bumangon kana diyan." Pagmamakaawa ko sa kaniya.
Hindi ko pinansin ang mga taong nakatingin sakin. Mga taong pinapanuod kung paano ako magmakaawa, nagpupumilit kay zion na bumangon. Pinapanuod kung paano unti unting nawawasak ang puso ko dahil sa nangyayari.
Ang nakikita ko lang, si zion na nakahiga sa kabaong. Si zion na wala ng buhay.
"Prank niyo lang 'to ni mama, diba? Kaya bumangon kana, zion. Please lang oh." Hindi ko kaya. Ang sakit sakit.
Naramdaman kong may humawak sa braso ko. Akala ko si mama, pero nung nakita ko kung sino, lumabas ang galit na kinikimkim ko sa kanila.
"Alam kong mahirap, pero kailangan nating tanggapin. Isipin na lang natin na nasa mabuting lagay na ang anak ko." Pag aalo niya sa akin.
Lalong sumiklab ang galit sa puso ko. "Paano mo nasasabi yan? Oo nga pala. Nakalimutan ko. Diba't ikaw yung mama ni zion na hinahayaan lang ang kaniyang asawa na bugbugin ang anak?" Bakas sa mukha nito ang gulat.
"Nagulat ka, ano? Dahil may nakakaalam." Natatawa kong sabi. "Oo. Alam ko!" Sabi ko habang unti unti ng umuusbong ang galit ko. "Nakita ko kung paano mo hayaan yang magaling mong asawa na bugbugin si zion!" Nakita ko ang pagbuka ng bibig nito pero itinikom niya rin agad.
Dinig ko ang bulungan sa paligid ko pero hindi ko ito pinansin. "Nakita ko kung paano tumingin sayo zion! Tingin na nagmamakaawa! Tingin na umaasa na tutulungan mo siya! Pero anong ginawa mo! Tumalikod ka! Tinalikuran mo siya! Anong klaseng magulang ka! Anong klaseng magulang kayo!" Galit na galit na sabi ko.
Hindi ko na alam ang mga salitang lumalabas sa bibig ko. Wala na akong pake kung sila ang magulang ni zion.
"Tapos ngayon iiyak kayo na para bang mahal na mahal niyo si zion! Ano? Nagsisisi na ba kayo sa mga ginawa niyo?! Kung kailan wala na si zion? Kung kailan patay na siya?!" Lumapit na sa akin si mama. Sa paghawak nito sa braso ko, alam kong pinapatigil na niya ako.
"Tama na, anak. Hindi lang ikaw ang nasasaktan ngayon kaya tama na, anak." Pag aalo sa akin ni mama.
"Hindi, ma! Ang lakas ng loob na sabihin sakin na kailangan tanggapin na wala na si zion! Dapat malaman nila kung gaano sila kawalang kwentang magulang!" Buong lakas kong sabi.
Nagpumiglas ako sa hawak ni mama at lumapit sa magulang ni zion. Gusto kong itatak nila sa mga utak nila ang huling sasabihin ko. "Tandaan niyo, kayo ang pumatay kay zion." Sabay talikod ko sa kanila, at tumakbo palabas ng bahay nila zion habang nasa isip ko ang ngiti niya.