Kabanata 27: Dahuyong Ilusyon

3 1 0
                                    

Jessa's POV

"Mahal kita, Jes."

Mahal?

Talaga ba?

Lamok lang siguro ang makakarinig sa aking munting paghalakhak. Sa tuwing maaalala ko kasi yung ipinagtapat niya, pinapakahulugan ko na lang yun bilang isang biro . . . Mahilig kasi 'yong taong 'yon sa biro.

. . .

Biro lang ba talaga?

Gusto kong maniwala na biro lang talaga 'yon, pero hindi, e. May nagbibiro bang seryoso ang mukha at sinsero ang boses? Siguro . . .  merong ibang tao ang makakagawa no'n, lalong-lalo na yaong  may kasanayan sa pagpapanggap.

Pero kilala ko siya.

Kilala ko si Ken.

Kung magbibitaw man siya ng isang biro, wala pang isang minuto ay 'di na niya mapigilang matawa.

Napalinga ako sa daanang aking nilalakad. Bigla na lang nagmutawi ang isang ngiti sa aking labi.

Naaalala ko na naman.

Dati, sabay kami ni Ken na maglakad sa daan na 'to. Tandang-tanda ko pa ang mga pagkakataong halos magkahawak na ang mga kamay namin pero parehong nag-aalinlangan. Sabay hihigop ng orange juice na nabili sa tabi-tabi kahit pa matabang ang timpla. Dito rin kami nagkukulitan at chismisan, makikita ko na lang ang sarili na tumatawa sa mga corny jokes niyang hindi nakakasawang ulit-ulitin. Sa bawat hakbang namin, dito binubuhos ang mga problema at hinaing namin sa isa't-isa.

Ang saya.

Sobra-sobra ang saya ko noon.

Akala ko, walang katapusan ang mga ganitong sandali.

Pero habang iniisip ko ang kahapon, unti-unting napawi ang aking ngiti. Bumalik sa isipan ko ang katotohanang wala na si Ken, na hindi ko na mararanasan pa ang ganoong klaseng sandali na tanging siya lang ang makakapagbigay.

Hindi ako dapat malungkot.

Masaya naman ang alaala naming dalawa, ah...?

Ngunit... bakit ito nagdudulot ng matinding lungkot sa kaloob-looban ko?

Dahil ba... wala na siya?

O baka dahil nawala siya . . . at hindi ko man lang nagawang sabihing Mahal din kita.

"Aray!" Sigaw ko nang may mabangga kaya't napaupo sa daanan. Isang matangkad na lalaki ang nakatayo sa harap ko, nasa mid 30's ata ang edad.

Agad naman niyang iniabot ang kamay niya para tulungan ako. "I'm sorry, haven't seen you there. Okay ka lang, miss?"

Hindi ko na tinanggap ang tulong niya dahil mabilis akong nakatayo. "I'm fine," mabilis kong tugon, hindi ko na siya tiningnan pa at nagpatuloy na sa paglalakad nang hindi na lumilingon pa.

Sa'n ba nanggaling yung lalaking 'yon? E, hindi naman siya nakaharang sa daanan kanina. Gano'n na lang ba talaga ang pagkalipad ng isip ko kanina kaya hindi ko namalayang may tao pala sa daan?

Ilang lakad lang ay nandirito na ako sa isang silogan. Nais ko kasing makipagkasundo sa isang tao---kung papayag man.

Pumuwesto ako sa gitna ng kainan upang madali lang akong makita. Habang naghihintay, umorder ako ng dalawang Sarsi para sa 'kin at sa kasama ko mamaya. Bumalik ako sa mesa nang walang dinadala dahil nga raw ay ihahatid lang ng kanilang staff ang drinks sa table ko. Ang weird lang, ah? Madalas kasi 'pag drinks ang inorder ay nakukuha agad ng mga kostumer ang binibili nila rito. Iniisip ko rin na baka naubusan lang?

Evanescence Of DAFLACA SquadWhere stories live. Discover now