Kabanata 1

294 10 5
                                    

MATAAS na ang sikat ng araw ngunit malamig pa rin ang simoy ng hangin, palatandaan na maaga pa upang bumangon dahil wala rin naman akong gagawin.

Akmang babalik ako sa pagtulog nang marinig ko si Mang Erting, tila importante ang nais i-anunsyo sa mga kapwa niya magsasaka.

Ang ilan sa mga magsasaka ay nakatira sa loob ng hacienda, may mga nakalaang kabahayan para sa mga manggagawa ng De Vera, habang ang karamihan ay piniling huwag manatili dito.

Agad akong bumangon. Lumakad ako patungo sa bintanang gawa sa dahon at kahoy at iniangat iyon. Doon ay natanaw ko ang kumpulan ng mga trabahante.

“Nakarating na ang panganay na anak ni Don Emilio. Ayusin ninyo ang inyong mga kasuotan. Inaasahan ng señor na magiging presentable tayong sasalubong sa kaniyang anak,” paalala niya sa mga kasamahan.

Panganay na anak? Si Don Daniel? Ang nagtungo ng Europa upang mag-aral ng musika?

Huminga ako ng malalim at walang-gana kong isinarang muli ang bintana. Lumakad pabalik sa aking kawayang higaan at doo'y muli kong ibinagsak ang aking sarili.

Nakatitig lamang ako sa kisame at para bang bigla na lamang lumitaw roon ang kaniyang hitsura noong huling beses ko siyang nasilayan. Mayroon siyang matangos na ilong, maputi ang kulay ng kaniyang balat, makapal ang kaniyang kilay at medyo kulot ang kaniyang kulay kayumanggi na buhok.

Katorse anyos lamang ako noon ngunit mataas na ang aking paghanga sa kaniya. Nagsimula iyon nang tulungan niya ako noong dose anyos pa lamang ako. Tinutukso ako ng aking mga ka-edaran dahil isa raw akong hija de nadie (anak ng wala), na ang aking ina daw ay iniwan ako upang maging ramera (bayarang babae).

Sa simula, hindi ko iyon lubos na naunawaan. Subalit, maswerte ako at ipinagtanggol ako ni Senyor Daniel noong  mga panahong iyon. Isinangguni ko sa kaniya ang kahulugan ng mga salitang iyon, ngunit siya'y nag-atubiling sabihin ito sa akin. Sa aking pagpupumilit, kalauna'y napilit ko rin siyang ipahayag sa akin ang katotohanan.

Maya-maya pa ay nakarinig na ako ng mga yapak papalapit dito sa bahay. Nabaling ang aking atensyon sa pinto nang marinig ko ang aking ama.

“Oh Isabella, anak, gising ka na pala. Maaga pa, bakit hindi ka muna maidlip pa?” agad na sambit ni itay nang madatnan akong gising na.

Masaya akong lumapit sa kaniya saka ko iniyakap ang aking braso sa kaniya.

“Itay, narinig ko ho si Mang Erting. Tunay ho bang magbabalik na ang señor?”

Tumango si itay. “Sa darating na gabi ay magkakaroon ng fiesta bienvenida. Maaari tayong makisalo dahil iyon raw ang nais ng señor. Kaya ikaw ay humanap ng magandang kasuotan,” paliwanag niya.

Bumitaw ako sa kaniya at bumalik na lamang sa higaan. Nakakunot ang aking noo nang maupo ako roon.

“Maaari rin naman ho tayong hindi dumalo, itay. Pero kung nais mo, hindi na ako sasama pa. Alam niyo naman ho kung gaano kainit ang dugo sa akin ni Señorita Mariana. Baka ako ay pag-initan niya na naman.”

Kung anong kabutihan ang taglay ng señor ay salungat naman ang lumitaw sa asal ng señorita. Hindi man lang nakasumpong ng kagandahang-asal sa kaniyang nakatatandang kapatid.

Pilit na ngumiti lamang sa akin ang itay bago sumagot, “Ika'y magbihis na at ating sasalubungin ang señor.”

Nagpakawala ako ng mabigat na hinga saka ako sumunod sa iniutos ni itay. Aaminin kong may kaonting tuwa rin akong naramdaman sa ideyang nagbalik siya ngunit ano naman ang gagawin ko sa galak na ito?

SUMAPIT ang gabi, wala akong magawa kung hindi ang sumunod pa rin sa aking ama. Nandito kami ngayon sa loob ng mansyon ng mga De Vera at ako'y handang-handa na sa mga posibleng diskriminasyong aking matatamo kung sakali man.

Prenteng nakatayo lamang ako rito sa isang tabi, pinipilit na huwag makaagaw ng kahit kaunting atensyon.

Ilang oras na ang lumipas ngunit hindi ko pa rin nakikita ang taong dahilan ng selebrasyon na ito. Akin pang pinagsikapan hanapin ang pinaka-maayos kong baro't saya para lamang dito. Para ano? Tumayo?

Maya-maya pa ay may tatlong kababaihan, hindi kalayuan mula sa akin, ang naghagikhikan.

“Hindi ba't siya iyon? Ang anak ng prostituta.”

“Siya nga. Hindi siya nababagay sa mga pagtitipon na gaya nito. Bakit ba nandito ang hija de nadie na iyan?”

“Esclavo.”

Mariin kong naikuyom ang aking kamao sa mga narinig pero pinilit ko ang sarili na huwag na silang bigyang pansin pa. Hindi ko bibigyan ng problema ang aking ama.

Agad naman na nabaling ang aking atensyon nang may malakas na boses ng lalaki ang nagsalita na nagmumula sa harapan. Si Don Emilio.

“Mga ginagalang kong panauhin, malugod kong ipinapakilala sa inyo ang aking anak, si Daniel. Matagal siyang nawala, ngunit sa wakas, siya’y nagbalik. Siya ang sentro ng pagdiriwang nating ito at hangad ko ang inyong masayang pagsalubong sa kanya. Isang karangalan na muling makasama ang aking anak sa tahanang ito.”

Para bang bumagal ang ikot ng mundo nang mahagip na siya ng mga mata ko. Sampung taon, marami na ang nagbago sa kaniya. Mas naging matikas ang kaniyang pangangatawan, at ang kanyang presensya ay mas nag-uumapaw sa kariktan at dangal.

Bagama't imposible, lihim akong umaasang nananatili pa rin sa kaniya ang maiksing interaksyon namin noon.

Napigil ko ang aking paghinga nang magtama ang mga mata namin. Nangunot pa ang kaniyang noo na tila may  inuusisa. Natatandaan niya ba?

Nabalik ang isipan ko sa reyalidad nang mabangga ako ng isang lalaki.

“Paumanhin, binibini,” sambit nito saka ako inalalayan sa pagtayo.

Magalang akong yumuko bilang pagtanggap sa paumanhin niya. Ngunit ganoon nalang ang gulat ko nang kumaway siya sa direksyon ni Don Daniel.

“Amigo!” masayang sambit nito habang palapit sa señor.

Nakaramdam naman ako ng kaonting hiya. Hindi pala ako ang tinitignan niya kanina.

Denied by DestinyWhere stories live. Discover now