BAKIT pa nga ba ako umaasang darating siya?
“Magandang hapon, binibini. Ano't hindi mo kasama ang aking amigo?” bati sa akin ni Andres.
Ngayo'y ang araw ng aking pagtatanghal sa teatro. Bagamat ako'y wala sa wastong kalagayan upang umawit, wala akong magawa, sapagkat nakahihiya namang umatras sa mismong araw ng aking pagganap.
“Mukhang kayo'y may alitan ng aking amigo. Anuman ang inyong suliranin, naniniwala akong kayang-kaya ninyo itong ayusin. Sa ngayon, kinakailangan mo munang ngumiti at maghanda, sapagkat ikaw na ang susunod na sasalang sa entablado,” nakangiting sambit niya.
Pilit na ngiti ang isinagot ko sa kaniya. Nang siya'y makaalis, muling bumalik ang lukot kong mukha.
Paano ko itatanghal ang awiting pinuno ko ng pag-ibig kung ang taong pinag-alayan ko nito ang siyang nagdudulot sa akin ngayon ng pagdurusa?
Sumenyas ang isang dalaga sa akin na panahon na raw upang ako ay lumabas.
Sa isang iglap, naglaho sa aking isipan si Daniel nang bumukas ang mabigat na kurtinang nagtatago sa akin. Tumambad sa akin ang napakaraming mata ng mga taong sabik na sabik na marinig ang aking tinig.
Bagamat nababalot ng katahimikan ang buong teatro, ang bigat ng inaasahan nilang ipalalabas ay nag-iingay sa loob ko, tila kinikwestyon ang kakayahan ko.
Ngunit akin itong sinikap iwaksi mula sa aking isip. Inilibot ko ang aking mga mata sa paligid, pilit hinahanap ang isang anyo na magbibigay sa akin ng lakas ng loob.
Nakita ko si itay, nasa bandang dulo, may ngiti sa kanyang mga labi at tila lubos na humahanga, kahit hindi pa ako nagsisimulang umawit. Isang ngiti rin ang iginawad ko sa kaniya, sapagkat siya lamang ang aking pinanghahawakan sa sandaling ito.
Maliban sa aking ama, hindi ko batid kung may nakakikilala pa sa akin dito. Kaya’t ako'y nalulukuban ng takot at pag-aalangan. Sa kabila ng mga papuring aking narinig patungkol sa aking talento, hindi ko maalis sa aking isipan ang posibilidad na maaaring hindi magustuhan ng mga naririto ang aking ihahandog sa kanila.
“Kaya ko ito,” bulong ko sa aking sarili.
Ilang sandali pa ay tumunog na ang mga instrumento. Hinanda ko ang sarili at iniayos ang tindig bago sinambit ang unang linya ng aking aria.
“Nandito ako dahil sa 'yo.”
Ngunit wala siya rito para sa akin. Ang awitin na sana'y magbibigay ng pag-asa ay siyang sumisira sa akin ngayon.
“Di ko kayang maglayag nang wala ka sa aking piling.”
Hindi ko alam kung kakayanin ko pang tapusin ang awiting ito dahil sa bawat linya, ala-ala ng mga ngiting pinagsaluhan namin ang lumilitaw sa aking isipan.
“Sa aking paglipad, ikaw ang hangin na nagdala sa akin, sa mga tala’t bituin.”
Pilit kong pinipigilan ang aking pag-iyak, naririnig ko na rin ang paghina ng boses ko.
Nahagip ng mga mata ko si Andres, kunot ang kaniyang noo. Nang makita niya ako ay ngumiti siya, tila sinasabing, kaya ko ito.
“Pangarap ko ang iyong pangarap.
Sa 'yo ko’y iaalay, ang unang nagbigay,
Ng tiwala’t pag-ibig, na walang katumbas,
Sa 'yong liwanag, mabubuo,
Ang pangarap kong iyong pangarap.”Pangarap raw namin ito. Pilit niya akong pinalipad, para daw abutin ang pangarap ‘namin’.
Ngunit iniwan niya ako sa ere.
Nagtiwala ka sa ‘kin, ikaw ang nagsilbing lakas,
Binura mo ang lahat ng takot at alinlangan,
Ipinakita mo sa akin na kayang abutin,
At hinimok mo akong huwag mangamba,
Sa mga pangarap na ating nais liparin.Isang malakas na putok ng mosquete ang pumukaw sa katahimikan ng teatro. Nagulantang ang lahat ng mga naroroon.
Mabilis ang mga pangyayari. Bigla na lamang nagkagulo ang mga tao sa loob. Ang ilan ay tumatakbo palabas, ang ilan ay naghahanap ng sisilungan. Sunod-sunod ang mga pagsabog, mga putok ng mosquete, at mga nakabibinging hiyawan ang dumagundong sa paligid.
Kaliwa't kanan ay may nakahandusay na katawan. Ilang sandali akong natulala, dinaganan ng takot at pagkabigla ang aking dibdib. Nang unti-unti kong naproseso ang nagaganap, doon ko nasilayan ang aking ama, bumagsak sa sahig, tila tinamaan ng ligaw na bala.
“Itay!”
Akmang tatakbo ako upang lapitan siya nang bigla akong hatakin ng isang malakas na kamay.
Ikinulong niya ako sa kaniyang mga bisig, at dinala ako sa isang ligtas na sulok.
“Daniel?” malabo kong sambit, nalilito, ang aking mga mata’y nagugulumihanan sa takot. “Anong nangyayari?”
“Nag-aklas na ang mga rebolusyunaryo,” marahang sagot niya, ang kaniyang tinig ay puno ng pangamba at pagkaalerto.
Lalo akong nakaramdaman ng pangamba. Hindi na ako sumagot pa at tatakbo sanang muli patungo sa aking ama ng hatakin niya akong muli.
“Delikado, Isabella.”
“Ngunit hindi ko maaaring pabayaan ang aking ama.”
“Wala na siya, mahal ko.”
Sarkastiko akong natawa. Maliban sa hindi ko pinaniniwalaan na wala na ang aking ama, saan siya kunukuha ng lakas ng loob upang tawagin akong kaniyang mahal?
“Sinungaling,” malamig kong sagot at malakas na kumawala sa kaniyang kapit.
Tumakbo ako palayo, hindi alintana ang kaguluhan. Nais kong malaman ang kalagayan ng aking ama kahit katumbas pa nito ay ang aking kapahamakan.
Rinig ko ang mga yapak ni Daniel, pilit akong hinahabol, subalit binalewala ko ang lahat.
“Itay!” sigaw ko nang aking matanaw ang kaniyang nakahandusay na katawan.
Biglang bumigat ang aking dibdib, tila tinadtad ng sakit, kasabay ng pagtulo ng mga luhang hindi ko na mapigilan. Sa aking pagkataranta, ako'y dali-daling lumapit sa kaniya, niyakap ang kaniyang malamig na katawan, at pilit siyang ginigising
“Itay, gising. Hindi pa ho ako tapos magtanghal,” pakikipag-usap ko sa kaniya. Pilit kong pinagagaan ang aking boses sa kabila ng sunod-sunod na pagpatak ng aking luha.
“Itay naman,” pilit kong tawa, ngunit wala itong halakhak, wala itong saya.
Hinawakan ko ang kamay ni itay. Naramdaman ko ang lamig nito, kasabay no'n ay ang tila pagkamatay rin ng kalahati ng aking puso.
“Isabella, ako'y nagmamakaawa, iligtas mo ang iyong sarili!” sigaw ni Daniel, pilit hinihila ang aking braso, puno ng takot at pagkabahala.
Iritable akong tumayo saka ko siya hinarap. “Ano pa ba ang pakialam mo sa aking kaligtasan? Hindi ba’t ako’y iyo nang iniwan? Bakit hindi mo iligtas ang iyong sarili—”
“Huwag!”
Sa isang iglap ay mabigat na katawan ni Daniel naman ang aking akay. Sinalo niya ang bala na dapat ay para sa akin. Rinig ko ang kinakapos niyang paghinga.
Ganoon nalang ang panlalaki ng aking mata nang makita ang ang may gawa noon.
“Don Emilio?”
YOU ARE READING
Denied by Destiny
Short StorySa taong 1894, nagbalik sa kanyang sinilangan si Don Daniel de Vera, isang makisig na binata mula sa maharlikang angkan sa Ilocos Norte. Doon ay agad na mapupukaw ang kaniyang atensyon ng gandang taglay ni Isabella Reyes, anak ng isang magsasaka sa...