HALOS hindi ako nakahimbing sa kaiisip ng kaniyang mga winika noong nakaraang gabi. Para bang paulit-ulit iyon dumaraing sa aking pandinig.
‘Tinatangi kita, Isabella.’
Matapos niya iyon bigkasin, siya’y nagpaalam na at tuluyan na ring lumisan.
Totoo nga kaya ang kaniyang mga binitiwang salita? Mariin kong niyapos ang aking dibdib habang nakatitig sa kisame, pilit inaalam ang kahulugan ng kaniyang sinabi.
“Padalas nang padalas ang iyong paglabas tuwing gabi, anak.” Napaigtad ako nang marinig ko ang tinig ng aking ama na kararating lamang.
“I-Itay,” pautal kong sambit sa pagkabigla.
“Madalas kang napapadpad at natatagalan sa lilim ng Acacia,” wika niyang muli, may bigat ang kaniyang tinig.
Damang-dama ko ang pintig ng kaba sa aking dibdib.
Umupo ako at huminga ng malalim. “Nagpapahangin lamang ako, itay,” tugon kong may pagkabalisa, isang kasinungalingan.
“Sabihin mo sa akin ang katotohanan. Sino ang iyong tinatagpo roon?” aniya, saka umupo sa aking tabi, ang mga mata’y nag-uusisa.
Binabagabag man ng konsensya, hindi ako handa pa na ipaalam kay itay ang patungkol kay Daniel.
“Wala ho talaga, 'tay,” sagot ko, kasabay ay ang peke at malawak kong ngiti.
“Ang señor ba?” Lalong lumakas ang kabog ng aking puso dahil sa kaniyang sinambit.
Umurong ang aking dila at napayuko na lamang, sapagkat hindi ko malaman kung kakayanin ko pang sumagot ng panlilinlang sa aking sariling ama.
“Hindi lingid sa akin ang inyong mga lihim na sulyap sa isa't isa tuwinang ikaw ay dadayo sa plantasyon. Ang inyong mga tahimik na tinginan ay hindi makaliligtas sa mata ng sinuman.”
Kagaya kanina ay nakayuko pa rin ako at nakikinig lamang sa kaniya. Hinaplos niya ang aking likuran saka ako niyakap.
“Hindi ko ibig na diktahan o pakialaman ang nilalaman ng iyong puso. Hangad ko ang iyong kasiyahan, aking anak. Subalit kapahamakan lamang ang maaaring idulot sa iyo kung ipagpapatuloy mo ang ugnayan sa señor.”
Naninikip ang aking dibdib, sapagkat tunay ang mga salitang binitiwan ni Itay. Ito'y panganib.
Isang malaking kabulukan ang aking ginagawa. Kasalanang moral ang aming nararamdaman para sa isa't isa.
“Batid kong nauunawaan mo ang dahilan ng aking pag-aalala.”
Bagamat aking nauunawaan, paano ko pipigilan ang aking sarili? Wala pang nagaganap ngunit nararamdaman ko na ang pagkawasak ng aking puso.
Nagdurusa na ang aking damdamin.
“Natatakot lamang ako para sa iyong kapakanan, anak,” malumanay na wika ng aking ama.
Tumango ako bilang tanda ng aking pagkaunawa.
Naramdaman ko ang malamig na halik ng aking ama sa aking noo, simbolo ng kaniyang walang humpay na pagmamahal at pag-aalala para sa akin.
NAKAILANG ikot na ako rito sa puno ng Acacia. Hindi ako mapakali, nag-aalinlangan kung nararapat ba akong maghintay o lumisan na.
Nananabik akong makita siyang muli, upang maliwanagan sa mga bagay na kanyang winika. Subalit, nasa kalooban ko rin ang pagsunod sa aking ama, nais kong mapanatag ang kanyang kalooban.
Ilang sandali pa ay nakarinig na ako ng tikhim sa aking likuran.
“Daniel..,” aking sambit nang lingunin ko siya.
Kakaiba ang kaniyang kaniyang anyo ngayon. Hindi gaya ng nakasanayang barong tagalog, hindi niya dala ang kaniyang baston at kamiseta't pantalon lamang ang kaniyang kasuotan.
“Ano ang mayroon? Bakit ganiyan ang iyong kasuotan?” tanong ko, may halong pagtataka.
Tila siya’y nag-isip ng sasabihin. “Mas kumportable lamang ito para sa akin,” sagot niya, ngunit dama ko sa kanyang tinig na may mas malalim pa itong dahilan.
Nangunot ang aking noo sapagkat hindi ako manhid upang hindi mapansin ang ipinahihiwatig ng kanyang anyo.
Patungkol ito sa aming kinabibilangan.
Ginagawa ba niya ito upang ipakita na hindi mahalaga sa kanya ang agwat ng aming mga uri? Na ang pagitan ng aming mga antas sa lipunan ay hindi hadlang sa kung anong mayroon kami?
“May nais kong ipakita sa iyo,” sambit niya.
Pagdaka'y hinawakan niya ang aking kamay at marahan akong hinila. Hindi ko batid kung saan niya ako inaakay, ngunit sa kabila ng kawalan ng katiyakan, ako’y sumunod.
Sumunod ako sa kanyang bawat hakbang, sa ilalim ng kanyang maingat na gabay, habang ang aming mga kamay ay magkasalikop. Isa na namang kamalian.
Sa lawak ng Hacienda De Vera, akala ko'y ang puno ng Acacia ang pinakaliblib na dako nito. Ngunit ang aking pananaw ay binago ng mga tanawin na aking nasisilayan ngayon.
Isang maliit na dalampasigan ang sumalubong sa aking mga mata, kung saan ang kislap ng mga bituin ay sinasalamin ng malinis na katubigan.
Ang mga karaniwang naninilbihan ay hindi mababatid ang ganitong kalayo at kaliblib na pook sa loob ng Hacienda. Hindi ko akalain na may ganitong yaman rito.
“Napakaganda,” wika ko, habang inililibot ang aking paningin sa paligid.
Ninamnam ko ang kahali-halinang tanawin. Sa isang tabi ay may maliit na kubo, sapat lamang bilang pahingahan ng isa hanggang tatlong tao.
“Ano ang tawag sa lugar na ito?” namamanghang saad ko, hindi ko pa rin inaalis ang tingin sa katubigan.
“Bulawan. Ang Dalampasigang Bulawan,” sagot niya saka marahang pinisil ang aking kamay.
Kapit niya pa rin ako.
Napalingon ako sa kaniya nang mapagtanto ang bagay na iyon, masigasig na naghahanap ng kahit anong palatandaan na marahil hindi niya iyon sinasadya, o kaya'y hindi niya lamang napansin.
Ngunit wala. Tunay niyang nais ang magkalapat naming mga palad, ang kaniyang hinlalaki ay marahang hinahaplos ang akin. Napakabanayad, napakatotoo. Paano ko ngayon pipigilan ang sarili na mahulog lalo?
“Ang ibig sabihin ng bulawan ay ginto. Dinala kita rito sapagkat ikaw ang aking kayamanan.” sambit niya, habang ang kaniyang mga mata'y nakatuon sa akin.
Humarap siya sa akin saka buong pusong tinignan ang aking mga mata.
“Iniibig kita, Isabella.”
“Daniel..,” mahinang tawag ko sa kaniya.
“Hangad kong malaman mula sa iyong sariling bibig. Ano ang iyong tunay na damdamin para sa akin?” tanong niya, umaasang aayon sa kaniya ang maririnig na kasagutan.
Naitakda na niya ang kanyang damdamin. Ngayon, paano ako tutugon?
Ang mga salitang dati’y tila kaydali banggitin, ngayo’y parang nalunod sa malamig na hangin ng dalampasigan. Hindi ako makasagot.
Unti-unti siyang napayuko, kasabay ng pagluwag ng pagkakahawak niya sa aking kamay, tila ba handa nang lumayo.
“Nauunawaan ko—”
Nguni't bago pa siya tuluyang makakalas, hinigpitan ko ang hawak sa kanyang kamay. Ang tanging nasa isip ko na lamang ay hindi ko nais na siya'y tuluyang lumayo.
Naluluha akong tumango sa kaniya na may mga ngiti sa labi. Sumunod na lamang ang aking katawan sa nais isigaw ng aking puso.
Kasabay ng aking sagot ay ang pagukit ng lubos na kasiyahan sa kaniyang mukha.
“Tunay ba?” hindi makapaniwalang sambit niya.
Muli akong tumango saka pinunasan ang luhang tumulo sa aking pisngi dulot ng labis na saya.
“Iniibig rin kita, Señor,” aking bulong, pahayag ng aking pusong matagal nang nagtatago ng katotohanan.
YOU ARE READING
Denied by Destiny
Short StorySa taong 1894, nagbalik sa kanyang sinilangan si Don Daniel de Vera, isang makisig na binata mula sa maharlikang angkan sa Ilocos Norte. Doon ay agad na mapupukaw ang kaniyang atensyon ng gandang taglay ni Isabella Reyes, anak ng isang magsasaka sa...