Kabanata 12

146 8 5
                                    

“Eres una plaga de la sociedad, Isabella! (Isa kang salot sa lipunan, Isabella!)” tila nasisiraang sigaw niya, ang kaniyang mga mata ay namimilog sa pagkabigla. “Ang mga kagaya mo ay hindi nararapat na mabuhay pa! Kami'y tinaksil ng aking anak dahil sa iyo, at ngayon ay namatay siya para sa iyo. Isa kang tunay na salot!”

Bumagsak ang katawan ni Daniel sa sahig na aking sinundan agad, hindi ko alintana ang mga sinabi ni Don Emilio.

Ngayo'y dalawang mahalagang tao sa buhay ko ang nawala.

“Bakit mo ginawa iyon?” naiinis ngunit lumuluha kong sabi sa aking sinisinta.

“I-Iniibig kita, mahal ko. P-Palagi k-kitang iibi-g-gin.” Pinilit niyang magsalita kahit hirap na hirap na siya.

“Mahal rin kita,” wika ko, basag ang aking boses sa labis na sakit na aking nadarama ngayon.

“A-Awitan mo ako, m-mahal ko,” nahihirapan niyang sambit saka pilit na ngumiti.

Pinunasan ko ang mga luha ko at tumango sa kaniya. Ngumiti ako upang ipakitang pumapayag ako sa kaniyang kagustuhan.

“P-Pangarap ko ay a-ang i-iyong p-pa—mahal? Mahal? Hindi pa ako tapos umawit!” malakas kong sigaw na puno ng hinagpis, humahalo iyon sa kaguluhan ng paligid.

Buong tapang akong tumindig, ang aking puso'y mabigat at sugatan. Ang mga mata ko ay puno ng galit na tinignan ang taong kaharap ko.

“Kung ako'y salot, kitilin mo ang aking buhay.”

TANGING mga makina at mga kable na lamang ang bumubuhay sa katawan ni Isabelle Mendez, ang kaisa-isang anak na babae ng pamilyang nagmamay-ari ng isa sa pinakamalalaking kumpanya sa Makati. Tahimik at tila walang buhay ang kanyang katawan habang nakahiga sa kama ng ospital, isang paalala ng trahedya na sumira sa buhay ng dalawang pamilya.

Kamakailan lamang at nasangkot sa isang trahedya ang magkasintahang sina Damien Mondragon at Isabelle Mendez. Minamaneho ni Damien ang kanilang sasakyan nang biglang sumalpok ito sa isang malaking truck habang tinatangka nilang tumakas mula kay Jeremy Donuella, ang lalaking ipinagkasundong mapapangasawa ni Isabelle.

Si Jeremy ay isang malupit at bayolenteng anak ng mayor ng Makati, at bagama't kilalang mapang-abuso, siya'y nakakaligtas sa anumang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensya at sa impluwensya ng kanyang pamilya.

Sa kabilang banda, si Damien Mondragon, Filipino-French, anak ng kalabang kumpanya ng mga Mendez, ay agad na nasawi sa trahedya.

Ang kanilang pag-iibigan ay naging biktima ng mga komplikasyon ng pamilya at kapangyarihan, ngunit sa huli, ang pinakamalaking trahedya ay hindi ang kanilang pag-ibig kundi ang hindi natupad nilang mga pangarap na makaligtas sa mga mapang-aping sistema na humubog sa kanilang buhay.

Patuloy na tinititigan ng amang si Joseph ang nakaratay niyang anak. Mabigat sa kaniya ang makita ito sa ganoong sitwasyon ngunit alam niyang kasalanan niya. Kung hindi sana niya ipinilit na ipakasal si Isabelle kay Jeremy, maaaring hindi sana mauwi sa trahedya ang buhay ng kanyang anak.

“Daniel..,” nanghihinang sambit ni Isabelle kasabay ng paggalaw ng kaniyang daliri.

Tila tumalon sa saya ang puso ng ama ng dalaga nang marinig ang boses ng anak. Nabuhayan siya na hindi pa napansin ang sinambit na pangalan ng anak.

“Nurse!” mabilis at nanginginig na tawag ni Joseph, habang nagmamadaling lumabas ng kwarto upang humingi ng tulong.

Sa mga sandaling iyon, unti-unting dumilat ang mga mata ni Isabelle. Kasunod nito ang tuloy-tuloy na pagpatak ng kanyang luha. Luha na dala ang sakit ng nakaraan at kasalukuyan.

Ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso ay maririnig kasabay ng pagtunog ng Holter Monitor, na tila sumasalamin sa kanyang labis na emosyon. Bagamat paralisado, ang kaniyang puso ay nananatiling naghihinagpis.

Mabilis na nagtataas-baba ang mga linya sa monitor, senyales ng muling pagkabuhay ng kanyang katawan. Ngunit sa bawat sandali, ang mga linya ay unti-unting bumagal at bumababa, hanggang sa maging tuwid ang mga ito.

Bago pa tuluyang lumisan, binigkas ni Isabelle ang isang linya ng awit—isang linya na puno ng mga pangarap at pag-ibig.

“Ang pangarap ko ay ang pangarap mo.”

Ito nga ba ang nais ng tadhana para kina Isabella at Daniel? Sa kabila ng lahat ng kanilang pinagdaanan, tila muli na namang tinalikuran ng tadhana ang kanilang pagkakataong magkatuluyan. Hanggang sa huling pagkakataon, ipinagkait pa rin sa kanila ang walang hanggang pag-ibig na kanilang pinangarap.

“Ang kanilang kwento ay isang lirikong hindi nabigkas. Isang awiting pag-ibig na hindi naipasalangin.”

WAKAS

Denied by DestinyWhere stories live. Discover now