NASUNDAN ang mga nakaw na gabing iyon. Mabilis na dumaan ang mga araw hanggang sa naging buwan ang mga ito. Sa kabila ng kaalaman na ang aming mga pagtatagpo ay labag sa kinaugalian at moralidad ng lipunan, hindi kami nagpatinag.
Sa lilim ng matandang Acacia, natagpuan namin sa isa't isa ang pagtanggap at pag-unawa na kapwa naming inaasam. Nagkasundo ang aming mga puso sa isang bagay, isang hangarin na tila likas na itinakda ng mga bituin para sa amin–musika.
Tila ang mga gabi ng pagtatagpo namin ay oras na hindi sakop ng reyalidad, na parang ang puno ng Acacia ay lihim na mundong kami lamang ang nakakaalam.
Ang magdamag ay napupuno ng mga malalalim na usapan, at mga magagaang tawanan na kayang tibagin ang mga lungkot na aming dinadala. Sa bawat paglipas ng gabi, natutunan naming maging sandalan ng isa't isa, lalo na sa mga panahong kami'y nangangailangan ng karamay at pagdamay.
Sa kabila ng lumalalim naming pagkakaibigan, hindi mawaglit sa aking isipan ang isang tanong na paulit-ulit na bumabalik.
Ano nga ba ang tunay na namamagitan sa amin ni Daniel?
Masaya ako sa tuwinang magkasama kami. Bukod sa pagkalimot sa mga suliranin, ang kanyang presensya ay tunay na nakabibighani.
At aaminin kong ako ay lalo lamang nahuhulog sa kaniya, unti-unting lumalalim ang aking paghanga.
Nababagabag ako, sapagkat natatakot akong ito’y magdulot ng mas masidhing damdamin—baka ito'y tuluyang maging pag-ibig.
“Ah, siya nga pala. Ang kaibigan kong si Andres ay nangangailangan ng isang mang-aawit para sa kaniyang teatro. Irerekomenda kita sa kaniya. Ito na ang iyong pagkakataon na makapaghandog ng tinig sa madla, at magtanghal nang opisyal.” Sa mga salitang iyon, napalingon ako kay Daniel.
Siya'y umayos sa kaniyang pagkakaupo saka ako hinarap, puno ng pananabik ang kaniyang mga mata.
“Ito na ang unang hakbang tungo sa ating pangarap, Isabella,” aniya, nakangiti siya na abot sa kaniyang mga mata at ang kaniyang tinig ay punong-puno ng pag-asa.
Pinilit ko lamang siyang gantihan ng ngiti, sapagkat ang aking puso'y napuno ng pangamba’t takot.
Kaniyang napansin ang aking pagkabahala. Nangunot ang kaniyang noo.
“Bakit? Hindi ba't ito ang nais mo?” tanong niya.
“Oo, ngunit—”
“Iyo bang inaaalalang muli ang iyong nakaraan?” putol niya sa mga sasabihin ko.
Napayuko na lamang ako. Hindi ko nais sagutin ang katanungan niyang iyon. Natatakot ako, hindi lamang para sa akin ngunit para din sa kaniya.
“Isabella, ikaw ay tumingin sa akin,” mahinahong utos niya.
Nag-aalinlangan man ay dahan-dahan kong inangat ang aking tingin. Sinalubong ako ng kaniyang mga matang nangungusap.
“Anuman ang iyong pinagmulan, hindi nito mababago ang katotohanan na ikaw ay isang natatanging mang-aawit. Naniniwala ako, ang iyong tinig ay may kakayahang baguhin ang tingin ng marami sa iyo.”
“Natatakot ako, Daniel,” mahina kong sabi ngunit sapat lamang upang kaniyang marinig.
“Huwag kang mag-alala, hindi kita pababayaan. Nangako ako, hindi ba?” aniya, tila pinakakalma ang nagliligalig kong damdamin.
“Ngunit ikaw? Paano ka naman? Paano kung matuklasan ito ng iyong ama? Ikagagalit niya ito.”
“Huwag mo na isipin iyon. Nangako tayo sa isa't isa. Pangarap natin ito, hindi ba?”
“Sigurado ka ba dito?” Bagamat tagumpay siyang mapatahimik ang aking puso, hindi maalis sa aking isipan ang maaaring dulot nito sa kaniya.
“Ako'y handa sa kahit ano kaya huwag mo akong alalahanin,” aniya.
Kinuha niya ang aking kamay saka iyon marahang pinisil. “Magtiwala ka lamang, Isabella,” dagdag niya habang nakatingin sa aking mga mata.
Ang kaniyang kapit, ang kaniyang titig, at ang kaniyang mga salita. Lahat iyon ay nagpapahiwatig ng pagsinta. Hindi lamang ito kagustuhang tumulong sapagkat ramdam kong higit iyon sa tunay niyang nararamdaman.
Ngunit bakit hindi niya ito maipagtapat?
Hindi ko maintindihan kung alin ang nararapat kong pagtuunan ng pansin sa mga oras na ito. Ang aking nalilitong puso o ang nangangamba kong isipan?
“Isabella?” pagtawag niya upang makuha muli ang aking atensyon.
Bahagya akong napakislot dahil doon ngunit agad rin akong nagpilit ng ngiti. Sa kabila ng mga agam-agam, tunay na pagkakataon ito para sa magandang kinabukasan namin ni itay.
Binawi ko mula sa kaniya ang aking mga kamay saka ako dahan-dahan na tumango.
“Pinagkakatiwalaan kita,” saad ko saka lalong pinalapad ang aking ngiti.
Lubos na kasiyahan ang namutawi sa kaniyang mukha, mula sa kaniyang mga mata hanggang sa kaniyang mga labi.
“Hindi kita bibiguin, binibini,” puno ng kagalakan niyang wika.
“Hindi rin kita bibiguin. Dahil gaya ng sinabi mo, pangarap natin ito,” sagot ko.
Masaya siyang tumango saka inulit ang huling sinabi ko, “Pangarap natin ito.”
YOU ARE READING
Denied by Destiny
Short StorySa taong 1894, nagbalik sa kanyang sinilangan si Don Daniel de Vera, isang makisig na binata mula sa maharlikang angkan sa Ilocos Norte. Doon ay agad na mapupukaw ang kaniyang atensyon ng gandang taglay ni Isabella Reyes, anak ng isang magsasaka sa...