INILAGAY ko sa loob ng salukot ang mga tinapay na dadalhin ko sa aking ama at sa mga kasamahan niya. Naging gawain ko na ito sa araw-araw–ang magdala ng meryenda sa mga magsasaka sapagkat lubos kong hinahangaan ang kanilang kasipagan at dedikasyon sa ginagawa.
Nakangiti kong tinungo ang plantasyon. Nang matanaw ang itay ay agad ko na rin siyang tinawag.
“Itay!” masiglang bati ko.
Lumingon si itay. Nang ako'y kaniyang makita ay sumilay ang malapad na ngiti sa kaniyang labi. Tinawag na niya ang mga kapwa magsasaka dahil alam niya na rin na may dala akong makakain.
“Salamat, Isabella,” sabi ni Mang Pedro, isa sa mga pinakamalapit sa amin, saka niya hinarap si itay. “Ang bait talaga ng anak mo, Jose. Kanino ba nagmana iyan?” biro niya.
“Hindi pa ba pansin, kaibigan?” biro naman pabalik ni itay saka siya tumawa.
Napakilid na lamang ako sa naging palitan nila. Nakakapagpagaan ng loob ang makita silang nakangiti, kahit sa maliit na bagay, sa kabila ng kanilang pagod.
Ilang sandali pa akong nanatili roon, nakikinig sa mga biruan at kwentuhan nila sa sandaling oras ng pahinga.
“Tila kayo'y nagkakasiyahan rito, mga ginoo.”
Napalingon kaming lahat sa pinanggalingan ng tinig na yaon. Nang makita namin kung sino, agad naming inayos ang aming mga sarili. Lahat ay nagbigay-pugay, maging ako.
“Magandang hapon, Señor. Kami lamang ay inabutan ng makakain ng anak ni Jose kung kaya't kami'y namamahinga. Ipagaumanhin ninyo.”
“Hindi, huwag kang mag-alala,” tugon ng señor. Tumingin siya sa paligid at saka lumakad palapit sa akin. “Maaari ba akong makihati sa inyong simpleng pagkain?”
“Opo, Señor,” nakangiting sabi ni itay saka ako tinignan na nag-uutos.
Nabigla ako at dali-dali kong iniabot ang aking supot. Iniharap ko iyon sa señor na ngayon ay nasa aking harapan na.
“Ayos lamang ba, binibini?” wika niya nang may ngiti, habang titig na titig sa aking mga mata.
Lumunok ako sa sobrang kaba. Pagkaraan ng ilang sandali, tumango ako. Kumuha siya ng isang piraso ng tinapay mula sa aking salukot, ngunit hindi niya inaalis ang kanyang mga mata sa akin.
Tumango-tango siya bilang pagsang-ayon. Hindi ko alam kung dahil ba sa tinapay o sa aking pagiging mabait sa mga magsasaka.
Binigyan niya ako ng isang huling tingin at ngiti bago siya tumalikod.
“Ipagpatuloy ninyo lamang ang inyong pagkain,” wika ng señor.
Kasabay no'n ay ang kaniyang paglakad palayo. Bago siya tuluyang mawala sa aking paningin ay lumingon siya.
Muli, nagtama ang mga mata namin. Ngumiti siya na para bang may nais siyang sambitin sa akin. Marahan niyang tinanggal ang kanyang sombrero at yumukod nang may paggalang bago muling tumalikod.
Hindi ko napigilang mapakapit sa aking dibdib nang makaramdam ako ng malakas na pagkabog mula rito. Ano ba ang ibig sabihin ng mga titig na iyon?
GAYA ng nakagawian, ako ay patungo na muli sa puno ng Acacia. Doon ay ibinubulong ko sa malamig na hangin ng gabi ang mga bagay na nasa aking isipan.
Ngunit iba ang gabing ito, ngayon lamang ako pupunta doon nang may ngiti sa labi. Hindi pa rin mawala sa aking isipan ang mga tingin at ngiting ibinigay niya sa akin kanina.
“Napakakisig,” humahagikhik na sambit ko habang naglalakad.
Ilang hakbang na lamang ang layo ko sa puno nang may tumikhim sa aking likuran.
“Sino ang iyong tinutukoy, binibini?” Ang boses na iyon. Boses niya iyon.
Hindi na ako nagkaroon pa ng pagkakataong lumingon sapagkat siya na ang lumakad papunta sa aking harapan.
“Maaari ko bang malaman kung sino ang makisig na ginoo ang iyong tinutukoy?” tila nanunuksong sambit niya.
Umurong ang dila ko, napako ako sa kinatatayuan, biglang akong nakaramdam ng panlalamig sa aking palad, at maging ang tignan siya pabalik ay hindi ko magawa.
Nahagip ko ang bahagyang pag-angat ng sulok ng kaniyang labi, wari'y nasiyahan sa naging reaksyon ko.
“Isabella?” tawag niyang muli sa akin, kasabay noon ay ang pagyukod niya upang masdan ang aking mukhang pilit kong ikinukubli sa kaniyang mga mata.
Nagugulumihanan, dali-dali akong tumalikod at nagdesisyong aalis na lamang ngunit sa nerbyos ay nalinsad ako.
Agad niya akong nasalo, ang kaniyang bisig ay mahigpit na pumailalim sa aking likod, ramdam ko ang tibay at lakas nito, mapanatili lamang ang aking kaligtasan. Maging ang banayad na pagpisil ng kaniyang kamay sa aking tagiliran ay naghatid sa akin ng katiyakang hindi ako mapapahamak.
Para bang napunta ang lahat ng aking dugo sa aking mukha, naramdaman ko ang pag-init ng aking mga pisngi. At nang magtama ang aming mga mata, ang mga alon sa aking dibdib ay lalong nag-alimpuyo, na parang nilamon ako ng sariling damdamin.
Inilapit niya pa ako sa kaniya upang masuportahan ang aking pagtindig muli.
Pansin ko ang pagkailang niya sa nangyari. Nang makatayong muli ay ako na ang lumayo sa kaniya.
“Paumanhin—”
Sabay kaming natigilan nang pareho naming banggitin ang salitang iyon. Kasabay no'n ay ang pag-gaan ng hangin sa paligid, tila nawala ang pagkabahala sa nangyari. Pareho kaming nagpakawala ng mahihinang hagikhik dahil sa sitwasyon.
Hindi nagtagal ay yumukod na din ang ginoo bilang paghingi ng dispensa bago nagsalita, “Ipagpaumanhin mo ang aking kapangahasan.”
“Paumanhin din, Señor, sa aking naging reaksyon,” wika ko. “Ako po ay lilisan na rin, patawad sa abala.” Kasabay nito ay ang pagtalikod ko.
Ako man ay nalulugod sa madalas naming pagtatagpo ay ayoko naman na magdulot sa kaniya ng kahihiyan. Kaya't mabuti na rin na ako ang umiwas.
“Sandali lamang, Isabella,” tawag niya sa akin na ikinalingon ko.
Tinignan niya lamang ako at hindi na nagsalita pa. Sa pagkakataong iyon, nabatid ko ang nais niya.
Karamay.
YOU ARE READING
Denied by Destiny
Short StorySa taong 1894, nagbalik sa kanyang sinilangan si Don Daniel de Vera, isang makisig na binata mula sa maharlikang angkan sa Ilocos Norte. Doon ay agad na mapupukaw ang kaniyang atensyon ng gandang taglay ni Isabella Reyes, anak ng isang magsasaka sa...