Kabanata 7

64 7 3
                                    

KINABUKASAN ay nagtungo kami sa sinasabi niyang kaibigan. Hindi kalayuan mula sa Hacienda de Vera, sa tabing dagat, doon namin tinagpo si Andres, malayo sa mata ng mga mapanghusga.

Nang masilayan ko kung sino ang tinutukoy niya, agad kong nakilala ang anyo ng lalaking minsang nakaalpas sa akin noong nagdaang piging.

“Siya ang mang-aawit noong fiesta de bienvenida, hindi ba, amigo?” wika ni Andres, may bahid ng pagkilala sa tinig.

“Tama ka, amigo. Siya nga. Batid kong narinig mo ang natatangi niyang tinig sa gabing iyon. Tunay na kahanga-hanga,” tugon ni Daniel, may ngiti sa labi.

“Batid ko rin na siya ang binibining madalas mong—”

“Amigo,” mabilis na putol ni Daniel, wari'y hindi niya nais ipagpatuloy ang sinasabi ng kaibigan.

Humagikhik si Andres, at kasabay noon ang marahang paglingon sa akin, tila natatawa pa rin sa inakto ni Daniel.

“Tunay ngang kaaya-aya ang iyong tinig, binibini. Ngunit nanaisin ko sanang muli itong mapakinggan. Mapauunlakan mo ba iyon?” tanong ni Andres, puno ng galang at paghanga.

“Ikinalulugod ko pong kayo'y awitan,” tugon ko na puno ng paggalang.

Umawit ako ng isang kundiman na madalas kong awitin palipasin ang oras. Sa kanilang mga mukha'y nabanaag ang kasiyahan, tanda ng lubos na pagkilala sa aking kakayahan.

Hindi nag-atubili si Andres at buong siglang winika, "Nararapat kang umawit sa aking teatro, binibini."

Sa unang pagkakataon, walang ni isang salita tungkol sa aking nakaraan. Hindi lingid sa kaniyang kaalaman ang nangyari noong salu-salo ngunit ang talento ko lamang ang kaniyang itinuring na batayan sa pagtanggap sa akin.

“Maraming salamat po sa pagkakataon, Señor,” buong galang kong sambit.

"Andres na lamang, binibini. Ikinalulugod ko ang iyong magiging presensya sa darating na pagtatanghal. Hangad ko ang iyong pag-unlad sa sining ng musika," wika niya.

Isang banayad na ngiti ang sumilay sa aking mga labi, kasabay noon ay ang aking marahang pagyukod, "Maraming salamat muli, Andres."

IPINARINIG ko kay Daniel ang ilang bahagi sa aking nabuong aria. Nais kong maging espesyal ang unang pagtatanghal kaya't nagdesisyon akong bumuo ng sariling awitin.

Nagtiwala ka sa ‘kin, ikaw ang nagsilbing lakas,
Binura mo ang lahat ng takot at alinlangan,
Ipinakita mo sa akin na kayang abutin,
At hinimok mo akong huwag mangamba,
Sa mga pangarap na ating nais liparin.

“Napakahusay mo, Isabella,” wika niya, ang tinig niya'y puno ng paghanga.

Labis na saya ang nadama ko sa papuring natanggap. Siya ang naging inspirasyon ko sa pagbuo ng awiting ito kaya naman ang kaniyang opinyon ang higit na mahalaga sa akin.

“Subalit, higit na kagiliwan ng mga pandinig kung ang himig sa bahaging ito'y baguhin,” ani niya, kasabay ng pag-awit ng mungkahi niyang tinig.

Sinubukan kong tularan ang tonong kaniyang ipinarinig. Tunay ngang humigit ang ganda ng awitin.

“Oo nga, wagas ang ganda!” malugod kong sabi, katulad ng isang paslit na sa wakas ay nabigyan ng pabor.

“Ikaw ba ay may nalilok ng koro?” tanong niya na puno ng kuryusidad.

“Mayroon ngunit hindi ako nasisiyahan sa lirikong aking nalikha,” sagot ko, may bahid ng pag-aalinlangan.

“Iparinig mo sa akin upang ako'y makapagbigay ng pasya," tugon niya.

Tumango ako at muli, ang aking tinig ay nagpatianod sa hangin, umawit ako.

Pangarap mo ay aking liliparin,
Sa 'yo ko’y iaalay, ang unang nagbigay,
Ng tiwala’t pag-ibig, na walang katumbas,
Sa 'yong liwanag, mabubuo,
Ang pangarap kong iyong pangarap.

Sa halip na agad magbigay ng suhestiyon, isang malawak na ngiti ang sumibol sa kanyang mga labi.

“Para kanino ang awiting ito, Isabella?” aniya, wari'y nanunukso ang kaniyang tinig.

Ginantihan ko ang kaniyang mga ngiti.

“Nahihiwatigan kong iyong batid na kung para kanino ito,” nahihiya ngunit nasisiyahan kong tugon.

“Nais kong makumpirma, binibini,” wika niya. Nagbibiro man ang kaniyang tinig, ang kanyang mga mata naman ay  nagniningning, tila ba may lihim na inaasam.

Mahina akong natawa, saka iniiwas ang aking mga mata sa kanyang titig.

Inipon ko ang lakas ng loob saka huminga ng malalim bago sumagot, “Tama ka. Para sa iyo ang awitin, Daniel.”

Ilang saglit ang lumipas at wala akong narinig na kasagutan mula sa kanya. Nang aking lingunin siya muli, sinalubong pa rin ako ng kanyang mga titig. Ngiti sa kanyang labi na tila sagisag ng labis na kasiyahan.

Nakatingin lamang ba siya sa akin mula kanina?

"Bakit ganyan ang iyong mga titig?"

Sa halip na sumagot, siya'y natatawang umiling at iniwas ang kanyang paningin sa akin.

"Napakaganda mo lamang pagmasdan," mabilis na sambit niya, na nagpatigil sa aking pag-iisip.

Sinabi niya bang ako'y marilag?

Lalo lamang bumilis ang kabog ng dibdib ko nang marinig na ang tunog ng kampana, hudyat ng toque de queda.

Taranta akong napatindig, hindi malaman ang nararapat gawin sa mga sandaling ito.

“Marahil, kailangan nating umuwi ng mas maaga, Daniel,” sambit ko na puno ng pangamba.

Siya'y tumayo, hindi makatingin sa akin, tila nahihiya rin sa kanyang mga salitang binitiwan.

"Marahil nga," tugon niya.

"Magandang gabi, ako'y mauuna na," wika ko, yumukod saka tumalikod.

Ngunit ilang hakbang pa lamang ay natigilan na ako nang magsalita siyang muli.

“Tinatangi kita, Isabella.”

Denied by DestinyWhere stories live. Discover now