Kabanata 3

110 8 4
                                    

MATAPOS ang pagtitipon na iyon ay hindi na rin kami nagtagal pa ni itay at umalis na rin doon. Dahil doon ay hindi ko na naitanong pa ang bagay tungkol sa kung naaalala niya ba ako.

Kasalukuyan akong nasa ilalim ng puno ng acacia, nagpapahangin, may kalayuan mula sa bahay at sa mansyon. Hindi ako makatulog dahil binabagabag pa rin ako ng mga naganap kanina. Kaya naman nang makatulog si itay, lumabas na rin ako at napagpasyahang mapag-isa dito.

Ito ang paborito kong lugar dito sa hacienda. Tahimik, liblib, malayo sa mata ng mga mapanghusga. Dito ay tanaw ko ang lawak ng kalangitan, ang mga bituing kay ganda pagmasdan. Ang mga ito ang siyang nagpapagaan ng loob ko tuwinang nalulungkot ako. Ang lugar na ito ang nagsisilbing pantakas ko sa sakit na dulot ng reyalidad.

Narinig ko na ang toque de queda, hudyat na oras na upang manatili ang lahat sa kaniya-kaniyang kabahayan ngunit pinili kong manatili rito.

Malupit man ang Don Emilio ay may mga patakarang hindi gaano kahigpit lalo sa loob ng hacienda, gaya na lamang ng hora de recogimiento (oras ng pag-uwi). Bagamat mahalaga ito, hindi ito masyadong binibigyang pansin ng pamilya sapagkat tuon ang kanilang atensyon sa pag-aangkat ng mga produkto ng sakahan.

“Sana kagaya na lamang ako ni Luisa. Makakaawit nang walang panghuhusga,” bulong ko sa kawalan, ang mga tingin ay nananatili sa kalangitan.

Humuni ako ng tono at kasabay noon ay ang paglabas ng mga liriko mula sa aking labi. Lirikong nagmumula lamang sa mga bagay na nais ilabas ng aking puso.

Mithiing kay sakit
Buhay na kay lupit
Pangarap ko'y kay pait
Ipagpapatuloy pa ba ang pag-awit?

Hindi nga siguro nararapat ang tulad ko
Sa mundo ng musika at teatro—

“At bakit naman hindi, binibini?”

“Ay anak ka ng kabayong-kalabaw!” Malakas kong sigaw. Pakiramdam ko ay sandaling humiwalay sa aking katawan ang aking kaluluwa nang marinig ng malalim na boses na iyon.

Mahigpit akong nakakapit sa aking dibdib at wala pa ring ideya sa kung sino ang dumating. Nang lingunin ko ang panauhin ay napa-awang na lamang ang aking mga labi. Si Señor Daniel, mas kaswal ang kasuotan niya ngayon kaysa sa kaniyang suot kanina sa pagtitipon.

Sa kalaliman ng gabi, bahagyang umalingawngaw ang kaniyang hagikhik, na para bang musika iyon sa aking pandinig.

Hindi ako agad na nakapagsalita, nakatingin lamang ako sa kaniya.

“Isabella?” pagtatawag niya sa akin na siyang gumising sa aking pangangarap.

“Dios mio, paumanhin señor,” magalang kong sabi saka ako dali-daling tumayo. Yumuko ako bilang respeto. “Patawad kung ako'y nasa labas pa ng ganitong oras,” dagdag ko.

“Napakaganda ng iyong himig, binibini. Bakit mo naman iniisip na hindi para sa iyo ang mundo ng musika?” saad niya habang naglalakad patungo sa direksyon ko.

Hindi ako makasagot. Nanatili lang ang aking tingin sa lupa.

“Kung hindi mo mamasamain, nais ko sanang manatili ka pa rito,” patuloy niya saka umupo sa kung saan ako nakapuwesto kanina.

Hinanap ko ang lakas ng loob upang makapagsalita. Huminga ako ng malalim bago ko siya hinarap muli.

“Patawad, señor. Ngunit hindi po magandang tignan kung mananatili po ako rito kasama ninyo. Bukod sa kahihiyan dahil sa aking pinagmulan, magkasalungat ho ang ating kasarian. Kaya't kung inyong pahihintulutan, ako po ay aalis na,” magalang na sagot ko.

Nais ko man magtanong patungkol sa nakaraan ay naisip kong hindi pa ito ang oras. Mali ang oras, araw, at lugar. Maaaring maging masama ang kaniyang persepsyon dito.

“Ikaw si Isabella, tama ba ako? Ang babaeng aking sinagip noon?”

Tila umurong ang dila ko nang siya na mismo ang nagbukas ng paksa na iyon.

“T-Tama ho kayo,” kinakabahang sagot ko.

Nanatiling tahimik ang señor pagkatapos no'n. Nakatingin lamang siya sa kawalan.

“Mauuna na ho ako,” paalam kong muli.

Hindi pa rin sumagot ang señor kaya't inisip ko na pagpayag iyon. Tumalikod ako at nagsimulang maglakad ngunit ilang hakbang pa lamang ay natigilan na ako nang magsalita siya.

“Hindi ko nais ang magbalik rito sa Las Islas Filipinas para lamang maging tapamahala ng haciendang ito,” sambit niya, may dalang bigat ang bawat salita niya.

“Kagaya mo, musika rin ang hilig ko. Nilisan ko ang bayan upang higit na palawakin ang aking kaalaman tungkol dito. Pangarap kong magtayo ng teatro. Santuwaryo kung saan ang bawat nota ay may kuwento, at ang bawat tinig ay may halaga. Nais kong makakita ng mga kabataang nagtatanghal anuman ang estado nila sa buhay. Nais kong makarinig ng mga himig na gaya ng sa iyo. Himig na pilit ipinagkakait na maringgan ng publiko. Hindi ba't isang malaking kasalanan na itago ang mga talentong nagmula sa puso?”

Animo'y niyakap ng malambot na kumot ang aking puso sa kaniyang mga binanggit. Tunay na kay buti ni Don Daniel. Bagamat mestizo, may malasakit siya sa mga kagaya kong hindi pinalad na magkaroon ng magandang buhay.

Humarap ako sa kaniya at nagtama ang aming mga mata. Tila nagkaroon ng pagkakaunawaan ang mga tingin na pinagpalitan namin.

“Mahirap abutin ang isang mithiing pilit na inilalayo sa atin ng tadhana, Señor. Naniniwala ako na inilalagay tayo ng tadhana sa mga bagay na mas makabubuti sa atin. Sapagkat para sa akin, Diyos ang gumagabay sa tadhana. Kaya't gaano ko man kamahal ang pag-awit, tinatanggap ko na hindi iyon para sa akin,” sambit ko.

Ilang tahimik na segundo ang lumipas. Nabalot kaming muli ng katahimikan. Maya-maya pa ay tumayo siya at lumapit sa akin.

“Hindi kaya tadhana rin ang dahilan ng pagtatagpo natin dito ngayon, Isabella?”

Natigilan ako.

“Kapwa tayo mabigat ang pasan. Kapwa nating pahinga ang musika. Hindi kaya tadhana din ang dahilan kung bakit tayo nagkita sa ganitong oras, sa ganitong panahon?”

Denied by DestinyWhere stories live. Discover now